Tugon sa ‘Luisita,’ koleksyon ng tula ni Kerima Lorena Tariman

Conchitina Cruz sa paglulunsad ng Luisita, koleksyon ng tula ni Kerima Lorena Tariman. (Larawan mula sa Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura)

Ni CONCHITINA CRUZ
Bulatlat.com

Maraming salamat sa pagkakataong maging bahagi ng paggunita sa Hacienda Luisita Massacre, labingwalong taon na ang nakalipas. Mga likhang sining tungkol sa marahas na mundo ng asyenda at isa sa pinakamadugong danas ng mga magsasaka at manggagawang bukid sa kamay ng estado ang nagdala sa atin sa lugar na ito ngayong hapon. May kakayahan ang sining na lumikha ng espasyo upang magtipon, at sa kaso ng mga inilulunsad ngayon, upang kolektibong tanawin ang nangyari noong Nobyembre 2004, na bahagi ng mahabang kasaysayan ng pang-aapi sa mga tagapangalaga ng lupa at tagalikha ng yaman mula rito.

Mahalagang ambag ang paglathala ng UMA ng Luisita: Mga Tula ni Kerima Lorena Tariman. Ang mga linyang matipid sa salita ay hitik sa paglilinaw ng kalagayan ng mga sakada sa sistemang asyenda, lalo na’t sinabayan pa ito ng mga imahe ni Jez Aznar. Nilalapit tayo ng makata sa “dugong bumulwak / mula sa kulata at tingga,” sa “buling at uling / na libag, pasa, ngitngit at bagabag” na “sumasanib sa lupang nagbabaga.” Sa “Kanino Nagsimula Ang Gulo,” tinututok ng makata ang ating paningin sa sandali ng pagpasalang ng pito at pagkasugat ng napakarami sa pamamagitan ng koro: “Bumaha ng luha, pawis at dugo / Dahil pinaulanan ng bala / Ang abang barikada sa welga / Ng mga manggagawa / sa Hacienda Luisita — // Kanino nagsimula ang gulo? Sa paulit-ulit na paglitaw ng mga linya sa tula, tumitingkad ang labis na karahasang sinapit ng mga di-armadong manggagawang bukid, mga kaanak, at kasama sa kanilang mapayapang kilos protesta. Higit pa rito, sa paulit-ulit na pagtanong kung kanino nagsimula ang gulo, tumatawid ang tula mula sa kasalukuyang paksa, ang brutal na paggiba ng welga, patungo sa mga sangkot at nararapat managot sa masaker—hindi lang ang mga pulis at sundalo kundi ang rehimeng Arroyo, ang mga Cojuangco-Aquino at mga rehimeng mula sa pamilyang ito. Tinutuhog rin ang ugat ng tunggalian—ang atrasadong malapyudal na lipunan, ang kawalan ng tunay na reporma sa lupa—na siyang dahilan sa makatarungang paggiit ng mga manggagawang bukid sa kanilang mga karapatan.

Marami nang nagbuwis ng buhay sa pakikibaka, at sa serye ng tulang “Ang Mga Martir ng Hacienda Luisita,” tinala ni Kerima ang buhay at pagkamatay ng pito sa kanila, sina: Jhaivie Basilio, Jhune David, Jessie Valdez, Adriano Caballero Jr, Juancho Sanchez, Jaime Fastidio, at Jesus Laza. Bawat pagkakataong mabasa ang mga tulang ito ay imbitasyong bigyang-halaga ang kanilang sakripisyo, salungatin ang pilit na paglimot na kasangkapan sa pagpapanatili ng pananamantala, at lumahok sa pangangalampag para sa di pa rin nakakamit na hustisya.

Si Kerima na rin ang nagsabi na “Bawat aktibista ay cultural worker na nag-aambag sa pagpupundar ng bagong kulturang pambansa, siyentipiko at makamasa. Binabagbag ng mga aktibista ang dekadenteng kulturang kolonyal, pyudal at burgis sa pamamagitan ng masikhay na gawain sa hanay ng masa, o sa pagmumulat, pagpapakilos, at pag-oorganisa.”* Ito’y pag-iisip na nilulugar niya sa talaangkanang kinabibilangan nina Gelacio Guillermo (makatang tubong Hacienda Luisita na nagtrabaho sa mga kabyawan ng Central Azucarera de Tarlac), Jose Maria Sison, at Mao. Nararapat lang na ang edisyong ito ng Luisita ay may panimula ni Joma Sison, na binabanghay ang kasaysayan at sitwasyon ng Hacienda Luisita na mahalagang konteksto para sa mga tula, at huling pananalita ni Bomen Guillermo, na binibigyang-lalim ang pagkakatulad ni Gelacio at Kerima, mga makatang lumubog sa masa, isinulong ang rebolusyonaryong kilusan, at itinuring ang pagtula bilang rebolusyonaryong gawain. Binanggit ni Bomen ang karaniwang babala sa mga batang manunulat na lumitaw sa isang palihan tungkol sa pulitikal na pagsusulat, na “nanganganib maging propaganda lamang at hindi masining.” Kailangan rin talaga sigurong tapatan ito ng babala na mag-ingat sa industriya ng akademya at propesyunal na paglikha, na pilit inaangkin ang kabuluhan ng sining at kinukulong ito sa mga mekanismo ng karangalan na siya rin mismo ang nagtatakda. Kay baba naman ng pagtingin sa sining kung yan lang ang mundong gagalawan niya. Para saan at para kanino nga ba ang ating paglikha?

Malinaw ang tugon ni Kerima sa mga tanong na ito, at ngayon na kabilang na rin siya sa mga rebolusyonaryong martir na ginunita at pinarangalan niya sa sariling mga tula, nasa sa atin ang hamong makibaka na binigyang-hugis ng kanyang halimbawa. Buhay na buhay ang kanyang tinig at pag-iisip sa kanyang mga likha. Tayong mga naiwan ay iniwanan ng gabay at ganang magpatuloy. Sabi nga sa “Tarlak, Tarlak”:

ang pananatili
ay paglalakbay
sa buhay na pinili

kapiling
ang mga minamahal
at itinatangi

. . . . . . . . . . . . . . . . .

. . . hinding-hindi natin
lilisanin ang kilusan
at lagi’t lagi tayong lilisan
upang kumilos.

Maraming salamat.

*https://www.bulatlat.org/2015/11/16/manggagawang-pangkultura/
** Binigkas ng may-akda sa paglulunsad ng Luisita, koleksyon ng mga tula ni Kerima Lorena Tariman noong Nob. 19, 2022 sa UP Hotel

Share This Post