REBYU | Ang dikta ng dokumentarista sa ‘Balik-Loob’ ni Kara David

Screenshot from the documentary ‘Balik-Loob’.

Ni ROMA ESTRADA at ROGENE A. GONZALES
Bulatlat.com

Gaya ng ating relasyon sa direktor ng pelikula, pinapanood natin ang dokumentaryo sa perspektiba ng dokumentarista. Ang kaniyang danas ay ating danas. Ang kaniyang pagtuklas ay ating pagtuklas. Ngunit hindi gaya ng direktor sa pelikula, ang dokumentarista ay hindi lamang nagsasalaysay kundi nag-uulat ng mga tunay na pangyayari. Tungkulin niya ang pagbibigay ng malalim na suri upang higit na maunawaan ang kasalukuyang pag-iral ng lipunan.

Sa lente ng tagapagpatupad ng “kaayusan”

Noong Hulyo 31, 2021, sa programang I-Witness ng GMA Public Affairs, umere ang dokumentaryong “Balik-Loob” ni Kara David. Inilahad nito ang kuwento ng ilan diumanong dating kasapi ng New People’s Army o NPA sa Central Luzon na isinuko ang armadong pakikibaka kapalit ang amnestiya sa pamahalaan.
Sa mga anggulo pa lamang ng kamera, kapansin-pansin na ang tunggalian sa pagitan ni David at ng kaniyang mga kinakapanayam. Nag-aagawan sila sa bawat kuwadro. Di magtatagal ay makikitang hindi lamang sa kuwadro nais makipagtunggali ni David kundi maging sa kanilang mga naratibo.

Sa hindi kritikal na manonood, timplado ang pagkakaayos ng mga impormasyon, imahen, at musika upang humantong sa pag-iisip na kaguluhan lamang ang idinudulot ng pagtuligsa sa gobyerno. Mabuti pa’y maging kimi na lamang at yumuko sa hirap kesa maghanap ng gulo—ito ang umaalingawngaw na mensahe ng “kumander na bumalik sa pagsasaka.” Pangunahing pangkabuhayan ang pagputol at pagbenta ng buho o kawayan. Ito rin ang realidad na sinunggaban ni David: “P140 lang sa isang araw, pero kung sila ang tatanungin, hindi pera kundi tahimik na buhay kasama ng pamilya ang mas mahalaga.”

May kapayapaan nga ba sa P140/araw o mas mababa pa na kita ng kalakhan ng mamamayang Pilipino? Kapansin-pansin na walang substansyal na imbestigasyon o datos ang dokumentaryo sa anumang usapin sa malawakang disempleyo, kawalan ng serbisyong panlipunan, at pang-aapi—lalo na ang pangangamkam sa mga lupang sakahan—na mga batayan ng paglahok ng maralitang magbubukid sa armadong paglaban.

Kapos sa panlipunan at historikal na konteksto

Bagaman walang anumang patunay sa loob ng dokumentaryo, makailang beses inilarawan ni David bilang “pinaka/kinatatakutan” ang mga diumano’y sumukong rebelde. “Kinabahan” daw siya sa panayam. Ang kaniyang pambungad na tanong: “Marami na po kayong napatay?” Talamak ang teknik na ito ng fetishismo sa kasalukuyang pag-uulat ng GMA.

Lahat ng apat na kinapanayam ni David—sina Ka Omar, Ka Lorna, Rogelio, at Ka Roland—ay pawang mga namatayan ng mga mahal sa buhay dahil sa militarisasyon. Sila mismo ang nagsaad na ito ang pangunahing dahilan ng kanilang pagsapi sa kilusan. Pansinin kung paano ito tinunggali ni David nang sabihin niyang naiipit lamang sa magkabilang panig ang sitio, na parang tinangay lamang sila ng agos at walang sariling pagpapasya. Ibinababa lamang sa personal na tunggalian at paghihiganti ang usapin ng tunggalian sa uri at hustisyang panlipunan.

Marahil ang pinakamalaking sala ng dokumentaryo ay ang pahapyaw lamang na pagbanggit sa karahasan ng pamahalaan bilang akto lamang ng mga unipormadong indibidwal at hindi bilang nagpapatuloy na patakaran ng mga administrasyon. Ni walang pag-uusig kung sinong mga opisyal ng militar ang nag-utos ng pagpatay sa mga kamag-anak ng magbubukid, habang ang karahasan ng maralitang natutong lumaban ay hindi makatwiran kailanman. Ang mga nagpasyang kumilos sa ganitong larangan ay inilarawang awtomatikong di tanggap ng komunidad at dapat isinasalang sa kahihiyan.

Hindi rin nito iniuugnay ang mahabang kasaysayan ng paglaban ng mga magsasaka para sa pagbabagong panlipunan mula pa noong panahon ng mga Katipunero. Pahapyaw nitong tinalakay ang paksyunalismo sa loob ng NPA at disoryentasyong humantong sa pagbubuo ng Revolutionary Proletariat Army subalit walang anumang pagbanggit sa Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto at iba pang pagsisikap ng kilusan higit dalawang dekada makalipas sumuko ng kanyang mga nakapanayam.

Sa panahon ng ligalig at ng madugong rehimen

Hindi tuloy maiwasang maihalintulad ang naratibong nais ipinta ng “Balik-Loob” sa namamayaning pasistang hakbangin ni Rodrigo Duterte. Kabilang na rito ang pagbuhos ng limpak-limpak na pondo sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict at “War on Terror” upang puksain ang sinumang manindigan para sa katarungan. Kamakailan, dumami ang ulat ng sapilitang pagpapasuko at panreredtag sa mga progresibong grupo. At ang mga idineklarang “NPA-free” na rehiyon ang may pinakamaraming extrajudicial killings.

Mayroon bang nakatagong agenda si David o sadyang salat lang siya sa talas? Paulit-ulit niyang binanggit ang mga salitang “pakikibaka,” “adhikain,” “katarungan,” at mga katulad na salita ngunit lumutang lang ang mga salita sa hangin. Malinaw na ang intensiyonal na hindi pagpapalawak ni David sa mga salitang ito ay paggamit lamang sa kanila bilang palamuti at mga ampaw na slogan.

Sa panahon ng disimpormasyon, malaki ang papel ng mga dokumentarista sa paghuhugis ng pampublikong kamalayan. Ngayon higit kailanman kailangan ang mga alagad ng midya na may sipat na nakaugat sa mga tunay na suliranin at hindi nandidikta lamang ng kanilang palagay sa mga paksang malaon nang danas ng masang api. (RVO) (https://www.bulatlat.org)

Share This Post