Ang Bangsamoro sa Panahon ng Diktadurang Marcos, 1972-1986

A Muslim child watches around the field, while elder Muslims listen to the preaching of their Imam during the celebration of the Eid’l Fitr on Friday at Tionko Football Field in Davao City. (Photo by Ace Morandante)

Ni ROLAND G. SIMBULAN
Bulatlat.com

Pambungad: Kalagayan ng Bangsamoro

Tungkulin ng sanaysay na ito na iposisyon ang kontemporaryong kasaysayan at karanasan ng mamamayang Bangsamoro sa Pilipinas bilang mahalagang bahagi ng karanasan at kasaysayan ng sambayanang Pilipino na dumanas at naging biktima ng diktadurang Marcos. Sapagkat hindi lamang karaniwang lumipas na presidente si Marcos. Ang kanyang diktadura na kanyang binihisan ng martial law declaration (Proclamation 1081) ay karumal-dumal na pag-atake lalo na sa mga kapatid nating Muslim o Bangsamoro na tinulak sa pader na lumaban at mag-armas bilang pagdepensa sa kanilang mga komunidad sa Mindanao. Dahil sa tindi ng karahasan at pang-aapi laban sa kanila, nagtaguyod ng rebolusyonaryong kilusan ang mga Moro para sa pagpapasiya-sa-sarili at gayon din ng pagbaklas nila sa mabagsik, marahas at mapang-aping sistemang itinaguyod ng diktadurang Marcos.

Kung sa mga maraming sinulat nang kasaysayan ng Pilipinas ay binalewala at inatse-pwera ang Bangsamoro sa mga naisulat na kaganapan at kasaysayan sa ating kapuluan, noong panahon ng diktadurang Marcos, mula 1972-1986, lumikha ng malaking ambag ang mamamayang Bangsamoro sa pakikibaka laban sa Diktadurang Marcos, at sa paghina ng diktadurang Marcos. Lalo na sa diplomatikong pagkaka-hiwalay dahil sa pandaigdigan na paglalantad at pagsisiwalat ng kanyang mga panunupil at kalupitan laban sa mamamayan ng ating bayan partikular na sa Mindanao. Layunin din ng artikulo na ituwid ang di pagkakasama ng Moro sa mga nailathala ukol sa kanilang malaking ambag laban sa mga naratibo kontrakolonyalismong Espanya, Amerikano at Hapon kung saan nagbulag-bulagan ang mga dating manunulat ukol sa malaking papel ng Moro sa paglaban sa mga mananakop na dayuhan. Mababasa rito na kahit sa pakikibaka para sa demokrasya sa Pilipinas, malaki rin ang papel ng Moro sa pagdepensa ng mga komunidad sa Mindanao laban sa mapanupil na diktadurang Marcos, bagaman magkaagapay (parallel) ito ay masasabing hiwalay na kilusan laban sa represyon at diktadura. (Mercado, 1998; Molloy, 1988)

Ang mamamayang Moro, o ang Bangsamoro, ay tumutukoy sa 13 etno-linggwistikong grupo sa Pilipinas na yumakap sa Islam mula pa noong ika-13 siglo. Sila ang mga Tausug, Maguindanaw, Maranaw, Yakan, Iranun, Samal, Sangil, Badjao, Jama Mapun, Kalagan, Kalibugan, Palawani at Molbog. Tinatayang 10-14% ng 112 milyong Pilipino ay Bangsamoro (Moro, Lumad at Kristiyano) na bumubuo ng 20%ng populasyon ng Mindanao.(Wadi, 2020)

Ang Mindanao, na ikalawang pinakamalaking isla ng Pilipinas at isa sa mga pinakamayaman sa likas yaman ng bansa, ay tirahan din ng mga pinakamahirap na Moro at mga katutubong mamamamayang Lumad. Ang mamamayang Moro ay makikita sa Gitnang Mindanao, Basilan, Sulu, Tawi Tawi at Palawan. Ang karamihan sa mamamayang Moro ay mga magsasaka, na nabubuhay sa pagsasaka at pangingisda. Ang kanilang pananampalataya sa Islam ang nagbigay ng kakaibang karakter at konteksto na iba sa mga katututubong mamamayan. Ang terminong “Moro” ay masama at derogatoryong tukoy ng mga Kastilang mananakop sa mga grupong Muslim na lumaban sa kolonisasyon ng Kastila at Kristiyanismo. Ito rin ay naging termino sa nagpapatuloy na pakikibaka laban sa kolonisasyon, diskriminasyong institusyonal at pang-aapi ng estado.

Bukod sa inagawa ang mga kolonyalistang dayuhan at ng itinatag na Republika ,inagaw at inangkin ang ang kanilang mga namanang lupaing ansestral, dala-dala ng mga landgrabber ang mga titulo ng pag-aari na ginawa sa Maynila. Dahil sa diskriminasyon ay hindi sila binigyan ng mga sapat na serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, sa kalusugan at disenteng pamamahay. Kayat sa maraming mga sarbey, ang mga Morong mga lalawigan ang patuloy na may mga pinakamahirap o pinaka maraming mahirap na mga tao sa Pilipinas. Walang trabaho, walang serbisyong pampubliko pero hinihingan ng buwis!

Dito sa erya ng Bangsamoro, noong 1970s at 1980s, naganap ang mga pinakamalaking karahasan at labanan ng Armed Forces of the Philippines, Philippine Constabulary at ang paramilitary units ng AFP laban sa Moro National Liberation Front at ang Bangsamoro Armed Forces. Ang brutal na sagupaan ay nagresulta sa halos tinatayang 250,000 mga nasawing mamamayan. Dito rin ang pinakamalaking bilang ng mga refugees na umabot na isang milyong “internally displaced persons” ayon sa United Nations Rapporteur on Internal Refugees. Sa kasagsagan ng gera laban sa MNLF, umabot ng $1 milyon dolyar sa isang araw ang ginagastos ng diktadurang Marcos laban sa rebelyon ng Moro/MNLF sa Mindanao. (Molloy, 1988)

Ang Moro National Liberation Front (MNLF) sa pamumuno ni Nur Misuari bilang Chairman, noong 1970s, ay umabot na 50,000 ang bilang ng aktibong mandirigma laban sa pinakamalaking deployment ng Armed Forces of the Philippines sa panahon ng diktadurang Marcos Sr. Higit sa 70% ng buong puwersa ng AFP ay nadeploy laban sa MNLF; may tantiya pa ng iba na 80% ng AFP operations ay nasa erya ng mga Moro (Kamlian, 19960). Di pa kasama rito ang mga “Ilaga Death Squads, mg Kristiyanong nang-agaw ng lupain ng mga Moro at sa tulong armas at treyning ng Philippine Constabulary upang gumamit ng karahasan laban sa mga Moro na gustong bawiin ang kanilang lupaing ansestral na inagaw o inaangkin ng mga Luzon at Bisaya. Dito rin namatay ang pinakamaraming mga sundalo ng AFP, PC at paramilitary yunit ng pamahalaan. Ang Mindanao noon ang pinakakinatatakutang lugar na madeploy para sa mga opisyal at sundalo ng AFP, ng Philippine Constabulary o mga paramilitary units tulad ng Civilian Home Defense Forces.

Layunin ng MNLF na idepensa ang mga mamamayang Moro sa pang-aabuso ng AFP-PC-INP at magtayo ng Bangsamoro Republic na hiwalay at malaya sa “kolonyalismo ng mga Kristiyano sa Maynila”, ayon sa MNLF. Sa kabilang dako naman, para sa gobyerno ng Pilipinas, ang Konstitusyon ng Pilipinas ay dapat itaguyod at protektahan ang mga lupain kung saan nakatira ang mga mamamayang Bangsamoro.

Gayundin, ang pakikibaka ng mamamayang Moro laban sa kolonisasyon ay nagpatuloy kahit na pagkatapos maipagtagumpay ang Kalayaan ng Pilipinas noong 1946. Ang kanilang paggiit ng kanilang mga karapatang inalienable para sa lupa at pagpapasiya-sa-sarili ay nagbigay-daan sa pag-usbong ng isang pambansang kamulatan at identidad ng Moro at hangaring magtayo ng isang pampulitikang kilusan na nagtatanggol sa kanilang mga karapatan, at aspirasyon na magtayo ng Bangsamoro Republic. Sa katunayan, noong 1970s, bago ang negosasyon sa Tripoli, Libya, naglabas ng “Declaration of Independence” ang MNLF sa pagtatayo ng Bangsamoro Republic.(Wadi, 1998)

Ang artikulong ito ay nagdodokumento ng mga paglabag sa mga karapatang pantao nanaranasan ng mamamayang Moro sa ilalim ng diktadurang Ferdinand Marcos Sr. na nagmitsa ng rebelyon at ang implikasyon ng mga patakaran sa loob at labas ng bansa gayundin ang epekto ng mga ito sa Bangsamoro. Ang rebelyon ng Bangsamoro ang maituturing na isa sa mga naging malaking pagsubok at hamon sa diktadurang Marcos, lalo na sa kanyang patakarang panlabas.

Mga paglabag at abuso sa karapatang pantao ng Bangsamoro

Sa Proklamasyon No.. 1081 na nagdeklara ng batas militar noong Sept. 21, 1972, binanggit bilang isa sa pangunahing dahilan ng pagdeklara ng martial law ni Marcos Sr. ang lumalawak na rebelyon ng Moro. Kalinsabay dito ang banta ng armadong New People’s Army bilang batayan sa deklarasyon ng martial law.(Noble, 1976) Binanggit din na isa sa mga unang martial law order sa pagpapatupad ng deklarasyon ng martial law ay ang pagkumpiska sa lahat ng mga baril ang amunisyon sa Mindanao. Ito ang opisyal na gera laban sa lumalabang Bangsamoro.

Batay sa mga naitalang artikulo at mga babasahin na batay sa mga testimonya, malinaw na libo-libong mga Moro ang pinatay sa mga masaker at operasyon ng mga sundalo at paramilitary yunit ng estado noong administrasyon ni Marcos Sr. Sa mga pang-aabusong ito sa karapatang pantao ay kasama yung mga naganap sa Malisbong sa tinaguriang Palimbang masaker, gayunin ang Manili masaker, ang Tacub masaker, Patikul masaker, at ang Pata Island masaker na naganap noong panahon ng martial law ni Marcos Sr.

Marami sa mga pang-aabusong ito ay inireport ng Moro National Liberation Front(MNLF) sa mga miting ng Organization of Islamic Conference (OIC) na nakiisa naman sa MNLF, kasama na rito ang International Peoples Tribunal sa Brussells, Belgium noong 1980s.

Jabidah Masaker noong March 18, 1968

Ang tinaguriang Jabidah massacre noong Marso 18, 1968 ay ang naganap na pagpatay sa mga halos 200 Morong nirekrut ng Army na sinasabing ayaw sumunod sa kautusan ng mga opisyal militar nang malaman nila na ang kanilang tunay na sekretong misyon. Ang sinabing misyon ng mga Moro komandos ay ang operasyong bawiin ang Sabah na bahagi na ng silangang estado ng Malaysia. Ang Jabidah masaker ay itinuturing na naging mitsa ng armadong pag-aalsa ng mga Moro na nagsimula sa pagtatayo ng Moro National Liberation Front (MNLF) na naglalayong humiwalay sa Pilipinas at magtayo ng Bangsamoro Republic sa Mindanao para sa mga Moro.

Binabanggit ng Muslim na iskolar na si Cesar Adib Majul na ang administrasyon ni Ferdinand Marcos Sr. ay nagtangkang supilin ang pagbabalita sa media ukol sa Jabidah masaker at ang sistematikong pagtatakip nito ang dahilan ng kakulangan ng dokumentasyon ukol sa insidente at kung bakit ang eksaktong bilang ng mga minasaker na Moro rekrut ay nag-iiba ang estimeyt, sabi ng ilan, 11 ang pinatay, yung iba naman ay 68 ang bilang. Ngunit di makakaila na ang karumal-dumal na pangyayaring ito ang naging mitsa sa pagkakaisa ng mga Muslim sa Pilipinas, at pag-oorganisa ng armadong Moro National Liberation Front (MNLF) na ang layon ay humiwalay sa Pilipinas : isang malayang republika ng Bangsamoro.

Kinikilala ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang pangyayaring ito bilang isang mahalagang yugto sa kasaysayan ng Bangsamoro. Noong March 3, 2011, naiulat na ang MILF ay humihingi ng kompensasyon para sa mga naging Morong naging biktima ng martial law ni Marcos Sr., kasama ang mga pinatay sa operasyong Jabidah. (Edwin Fernandez, PDI , March 3, 2011.)

Noon pang huling bahagi ng 1960s na may plano si Ferdinand E. Marcos Sr. na lusubin at bawiin ang Sabah, isang teritoryong nasa dulo ng Borneo, na makasaysayang pag-aari ng Sultan ng Sulu ng Pilipinas. Mayaman ito sa troso at mga likas na yamang mineral, pati langis at natural gas. Dating nirentahan ito ng Inglatera nang sakop pa nila ang Malaysia.

Inangkin ito ng estado ng Malaysia, at at naging bahagi na ng Malaysia matapos itong lumaya mula sa Inglatera.

Malaki ang likas na yaman sa Sabah. Hangga ngayon ay inaangkin ito ng Pilipinas dahil dati itong sakop ng Sultan o hari ng Sulu. Ayon sa kapit-bayang Malaysia, ito ay kanila dahil namana nila ito sa mga British na dati nilang mananakop.

Hindi pa naresolba ang usaping ito.

Dahil Muslim ang Sabah, binalak ni Marcos na gamitin ang kanilang mga kapwa Muslimsa Pilipinas para sa kanyang pagtangkang operasyong militar. Ito ang tinawag na operasyong “Jabidah” kung saan gagamitin ang mga komandong Muslim ng AFP para agawin ang Sabah.

Habang may mga negosasyon tungkol sa Sabah, si Marcos pala ay may sikretongplano para agawin ng sapilitan ang Sabah. Maglulunsad ng commando operation na isasagawa ng 200 commandong Muslim mula sa Sulu at Tawi-Tawi. Binigyan sila ng sekretong treyning muna sa Mindanao at pagkatapos ay dinala sa isla ng sikretong kampo saCorregidor Islang sa Luzon. Nirekrut sila mula sa iba’t ibang yunit ng AFP sa Mindanao ngunit hindi muna sinabi para bakit at kung para saan ang komando treyning.

Doon sa Corregidor matapos ang komando treyning, nang nalaman ng mga narekrut na komandong Muslim na sila pala ay gagamitin laban sa mga karelihiyon nila sa Sabah. Bukod dito, iniipit ang 50. pesos nila alawans buwan-buwan. Dahil dito, nagpilit silang makauwi na sa Mindanao. Isang gabi, grupo-grupo silang kinuha at pinatay. Nalaman lamang ang buong pangyayari dahil may nakatakas na isang rekrut na si Jibin Arula. Lumundag ito sa tubig at kahit sugatan, at lumutang, sumisid na umabot at naiahon ng isang mangingisda sa dagat ng Cavite. Nabulgar ang lahat sa Senate hearing at sa mass media ang lahat ng naganap.

Nag-aapoy ng galit ang mga Moro laban sa gobyerno ni Marcos. Ayaw aminin ng mga awtoridad ang Jabidah massacre at hanggang ngayon ay itinatangging may naganap na pangyayaring ganito.

Ngayon ay nalahad na ang detalye ng karumaldumal na Jabidah Massacre sa Corregido Island: Noong Marso 18, 1968, sa isla ng Corregidor na nasa bunganga ng Manila Bay, 28 na Muslim (Moro) rekrut ng Philippine Army ay pinatay ng sarili nilang mga superyor sa commando military training para sana sa isang sekretong misyon sa Sabah.

Ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ay naglatag pa ng isang historical marker noong March 18, 2015 sa Corregidor bilang alaala sa mga minasaker na Moro trainees sa Corregidor sa tinaguriang Jabidah Massacre. Ito ay tinawag na Mindanao Garden of Peace, Corregidor Island. Ganito ang nakasaad sa NHCP historical marker:

“MINDANAO GARDEN OF PEACE, CORREGIDOR ISLAND

NAGSILBING KAMPO SA PAGSASANAY NG MGA KABATAANG MORO BILANG ISANG LIHIM NA PANGKAT NA PINAMUMUNUAN NG ILANG TAUHAN NG HUKBONG KATIHAN NG PILIPINAS. NAGSIMULA ANG PAGSASANAY SA SIMUNUL (NGAYO’Y BAYAN SA LALAWIGAN NG TAWI TAWI), 17 DISYEMBRE 1967. INILIPAT SA CORREGIDOR, 3 ENERO 1968. ANG MGA ULAT NG PAGPASLANG SA ILANG KASAPI NOONG 18 MARSO 1968 AY NAGSILBING MITSA SA MGA SIGALOT SA MINDANAO NA HUMANTONG SA PAMBANSANG KRISIS NG DEKADA 1970.”

Ang masaker na ito ay kaagad nag-udyok ng pag-organisa ng Muslim Independence Movement (MIM) sa pamumuno ni Datu Udtod Matalam noong May 1, 1968 na may panawagan na humiwalay ang mga Muslim bilang isang estado sa Mindanao, Sulu at Palawan.

Nagdemonstrasyon at rali din ang mga Muslim sa Malacanang at iba pang mga lugar sa Pilipinas.

Ang marker na ito ay nasa isang hardin na Corregidor na tinaguriang “Hardin ng Kapayapaan.” Ang marker ay nagpapasinungaling sa mga pro-Marcos na manunulat at propagandista
ng mga Marcos na hindi raw naganap ang Jabidah massacre.

Ang Moro National Liberation Front (MNLF)

Isang taon nang makalipas ang Jabidah massacre, ang MNLF ay itinatag. 300 mga rekrut na Moro ay pumunta sa Malaysia para magsanay militar kasama na rito ang mga lider tulad ni “Maas” Nurullaji Misuari na kasama sa “First-90(F-90), ang unang batch na binigyan ng treyning sa Malaysia. Si Misuari , dating U.P. propesor at lider ng MNLF. Naging asawa ni Misuari ang isang isang kilalang lider ng kababaihang Moro na si Desdemona Tan. Marami rin ang naging mga martir na Moro sa mga lumaban sa diktadurang Marcos ay nakasama sa First -90.

Ayon sa isang panayam, 70-90 ang unang batch ng Moro(Stern, 2012) mga Moro ang pinadalang lihim sa Malaysia para sa treyning. Maraming mga kasamang Moro rito na naging martir ang kasama sa batch na ito tulad ni Mardeza Edzla, si Al Shaheed Hadji Ban, mujahideen sa Suli at si Mike Ejahar na nasawi sa Baket, Datu Piang, Maguindanao. Nariyan din si Margani Mohammad ng Basilan at si Adjaratal Kammang ng Maguindanao. Naglunsad sila ng armadong kilusang para sa pagsasarili ng Bangsamoro at para maipagtanggol ang mga komunidad ng Moro laban sa bagsik ng Bataas Militar ng diktadurang Marcos at operasyong militar laban sa Moro. (Kamlian, 1999) Libo-libong mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines(AFP) at Philippine Constabulary (PC) ang nasawi sa mga matitinding labanan sa Mindanao.(Molloy, 1988; Mercado, 1998; Noble, 1976) May aklat na sinulat si dating AFP chief of staff Forunato Abat na ang pamagat ay The Day We Almost Lost Mindanao ukol sa matitindinging opensiba at bakbakan na inilunsad ng Moro National Liberation Fron t (MNLF) noong 70s. (Abat, 1993)

Hindi nagtagal, maraming mga lider at kasama sa MIM ang nagtayo ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa pamumuno ni Nur Misuari noong 1969. Dineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos ang martial law sa buong bansa noong Sept. 23, 1972, bagaman ito’y nilagdaan ng Sept. 21, 1972. Sinimulan ng MNLF ang kanyang rebelyon laban sa pamahalaan noong October 24, 1972, isang buwan matapos ang deklarasyon ng batas militar ni Ferdinand Marcos Sr. .(Asani, 1980)

Ang Manili Massacre noong June 19, 1971 

Ang Manili massacre ay ang pagpatay sa 70 Morong sibilyan kasama ang mga kababaihan at bata, na ginanap sa isang mosque sa Manili, Carmen, North Cotabato noong June 19, 1971. Ang mga residenteng Muslim sa bayang ito ay nagtipon-tipon sa kanilang mosque para makilahok sa mistulang peace talk sa mga Kristiyanong grupo nang isang grupo ng mga armadong lalaki na nakayuniporme ng Philippine Constabulary (PC) ay nagpaputok sa kanila.

Ayon sa mga naging witness, ang Ilaga paramilitary group ang gumawa ng atakeng ito sa suporta ng Philippine Constabulary na kilalang tumutulong sa pag-aarmas at treyning ng Ilaga.

Walang naparusahan sa karumaldumal na masaker na ito ngunit ang pangunahing suspek ay si Feliciano Lucas, na kilalang “Commander Toothpick”, ang lider Ilaga, na kaagad pinalaya matapos siyang sumurender kay Marcos Sr. sa Malacanang Palace. Ang masaker na ito ay lalong nagpaigting sa alitan ng mga Moro at Kristiyano sa lugar.

Ang Tacub Massacre noong Oct. 24, 1971

Ang Tacub massacre ay ang pagpatay sa grupo ng mga Moro na ginawa ng mga tropang sundalo ng pamahalaan sa isang military checkpoint noong Oct. 24, 1971. Ang mga Moro noon ay pauwi na mula sa kanilang pagtangkang bumoto sa isang ginanap na espesyal na eleksyon. Sila ay pinabalik ng mga Ilaga paramilitary yunit mula sa lugar na pagbobotohan sana sa Magsaysay, Lanao del Norte. Ang mga tropang sangkot sa masaker ay kinilalang ba hagi ng Philippine Army na naka-deploy sa Tacub, Kauswagan, Lanao del Norte. Hindi baba ba sa 40 Moro ang pinatay. Meron ibang witness na nagreport na umabot sa 66 Moro ang pinaslang.

Malisbong/Palimbang Massacre noong Dept. 24, 1974

Ang Malisbong massacre, na tinawag din na Palimbang massacre, ay ang pagpatay sa mga Moro na ginawa ng mga yunit ng militar noong Sept. 24, 1974 sa isang barrio sa dalampasigan ng Malisbong sa Palimang, Sultan Kudarat, Mindanao.

Batay sa mga testimonya na tinipon ng Moro Women’s Center sa Genera Santos City, sinasabing hindi kukulangin sa 1,500 na lalaking Moro na may edad 11-70 ang pinatay sa loob ng Mosque, at 3,000 kababaihan at bata na may edad 9-60 ang kinulong, at marami sa mga kababaihan ang ni-rape, at 300 bahay ay sinunog ng mga yunit ng militar. (Asani, 1980)

Pandaigdigang Suporta para sa Bangsamoro

Nang mabisto ang tangka ni Marcos na lusubin at agawin ang Sabah sa kanya, ang Malaysia ay nagbukas ng tulong militar sa MNLF noon pang 1968-1972 lalo na sa treyning ng mga unang batch ng military cadre ng MNLF kasama si Nur Misuari.Si Tun Mustpha, chief minister ng Sabah, Malaysia ay nagkomit sa MNLF ng 10,000 mahahabang armas, bala at lohistikong suporta para sa 10,000 Moro bukod sa pagsasanay-militar nila. Suportado ng Malaysia na pinamunuan noon ni Tunku Abdul Rahman , ang MNLF sa hangaring maging
Malayang Republika ang Mindanao na hihiwalay sa Pilipinas para kalimutan na ang kanyang ‘Sabah claim”. Bukod ito sa kanilang simpatiya sa mga Moro at kapwa Muslim sa Mindanao na ginagamitan ng karahasan ng estado at inaapi.

Ang Libya naman ay nagbigay ng pinansiyal at pangmilitar na tulong sa MNLF mulanoong July 1971 hanggang 1976. (Majul, 1985) Kasama rito ang pagbubukas ng isang diplomatikong opisina ng MNLF sa Tripoli, Libya.

Diplomatikong Inisyatiba ng MNLF, Pandaigdigang Suporta, at Negosasyon

Pangunahing layunin ng MNLF ang magtayo ng malayang Bangsamoro Republic sa Mindanao. Binigyan siya ng suportang militar ng Libya at Malaysia na nagbigay din ng kampong treyning na pangmilitar at opisina para sa MNLF. Ang MNLF ay kinilala ng Organization of Islamic Cooperation (OIC) bilang lehitimong kinatawan ng Bangsamoro sa OIC.

Itinatag noong 1969, ang OIC ay binubuo ng 57 miyembrong bansa kung saan 48 ay may mayoryang populasyon na Muslim. Ito ang pinakamalaking pandaigdigang samahan ng mga estadong Muslim at institusyon at kolektibong boses ng mga Muslim na estado sa mundo.

Tinataguyod ng OIC ang interes ng mga Muslim sa mundo sa diwa ng pagpapalaganap ng kapayapaan at kooperasyon sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Noong July 6-9, 1972, ang Egypt at Libya ay nagpadala ng apat na miyembro ng fact finding team para imbestigahin ang mga alegasyon ng pagmasaker sa mga Muslim sa Sulu, Palawan at Mindanao. Noong October 1972, opisyal na humingi ng tulong ang MNLF sa Organization of Islamic Countries (OIC). Bilang tugon, ang mga foreign ministers ng OIC ay nag-apela sa pamahalaan ng Pilipinas na itigil ang kanyang represyon ng mga Muslim sa Mindanao, at nagtayo ang OIC ng isang Conciliation Commission na may limang miyembro mula sa bansang Afghanistan, Libya, Sadi Arabia, Senegal at Somalia noong Marso 27, 1972. Ang OIC Conciliation Commission ay nagbigay ng kanilang Report sa OIC Summit Meeting sa Lahore, Pakistan noong Pebrero 1974. Noong June 25, 1974, ang mga OIC foreign ministers ay nag-apela sa
pamahalaan ng Pilipinas na itigil ang kanyang mga operasyong militar laban sa MNLF at umupo para makipag-negosasyon sa mga kinatawan ng MNLF. Personal ding nagtangkang mamagitan sa negosasyon ang OIC Secretary General Hassan Tohamy para mag-usap ang pamahalaan ng Pilipinas ang mga kinatawan ng MNLF mula noong Dec. 1974 hanggang June 1975. Ang OIC ay namagitan sa negosasyon na ginawa ng magkabilang panig sa Jeddah, Saudi Arabia mula Jan. 28, 1975. (Tan, 1993)

Dahil dito, inorder ni Marcos ang isang ceasefire sa Mindanao noong Feb. 10, 1975.

Ang Tripoli Agreement

Ang Tripoli Agreement sa pagitan ng Republika ng Pilipinas at ng Moro National Liberation Front na pinamagitan ng Quadripartite Ministerial Commisssion, mga miyembro ng Organization of Islamic Countries ay pinirmahan noong Dec. 23, 1976 sa Tripoli, Libya ni Carmelo Z. Barbero , kinatawan ng gobyerno ng Pilipinas, at ni Nur Misuari ng Moro National Liberation Front. Ang Libya ay namagitan sa negosasyon para magkaroon ng kasunduan. Ang OIC ay nag-udyok sa pamahalaan ng Pilipinas na magkaroon ng political settlement sa MNLF.

Ang OIC Conciliation Commission ay namagitan din sa mga negosasyon ng magkabilang panig sa Tripoli, Libya noong Dec. 15-23, 1976. Ang magkabilang-panig ay nagkasundo na magkaroon ng ceasefire at tigil-putukan na naging epektibo noong Dec. 24, 1976. Ang Tripoli Agreement ay nagbunsod ng kasunduan ng autonomy para sa 13 probinsiya at 9 na siyudad sa Mindanao at Sulu (itong parteng ito ng kasunduan ay hindi sinunod). Ayon kay Misuari, si Indonesia President Suharto ang nagkumbinsi sa kanya para pumayag sa “autonomiya sa Mindanao (mula sa posisyong Bangsamoro Republic, para mahinto ang mga madudugong bakbakan at pagpatay sa Mindanao. 2012)(Stern: Dahil hindi papayag ang pamahalaan ng Pilipinas sa paghihiwalay ng Mindanao bilang Republic sa Pilipinas. Hanggang sa panahon ng 1976 Tripoli Agreement, halos 50,000 ang namatay sa labanan at halos kalahating milyon na sibilyan ang naging internal refugees. Marami sa mga “internal refugees” ay pumunta sa Sabah o sa ilang bahagi ng Luzon at Bisaya. Sa 1976 Tripoli Agreement, napagkasunduan ang mga sumusunod:

“1. defined the autonomous administrative division for Muslims in Southern Mindanao.

2. the establishment of an autonomous government, and judicial system based on Shaira Law.

3. Special Security forces in the autonomous Muslim region.

4. Establish its own economic system including the Islamic Bank.”

Dahil ang MNLF ang nakuha ng suporta mula sa iba’t ibang Arabong bansa/estado na miyembro ng Organization of Islamic Conference (OIC) na estado para sa armas, treyning-militar at pera, kinilala at binalak ni Marcos Sr. na kailangan putulin ang diplomatiko, at materyal na suportang iyon sa MNLF sa pamamagitan ng diplomatikong inisyatiba. Inatasan ni Marcos Sr. si Imelda Marcos na pumunta Tripoli upang kausapin si Libyan leader Col. MuammarAl Gadafi para sa isang kasunduang diplomatiko at relasyon sa oil importation.

Naging bunga ito sa negosasyon, at pagtatayo ng Libya ng Muslim Mosque in Quiapo, Manila para sa mga Pilipinong Muslim. Diplomatikong relasyon sa mga Arabong bansa na maraming langis at para mag-angkat ang Pilipinas ng langis mula sa kanila. Ang Saudi Arabia ay naging ikatlong pinakamalaking oil trading partner ng Pilipinas, kasunod sa US at Japan.Bukod sa Saudi, ang Kuwait, UAE at Iraq ay naging mga oil suppliers ng Pilipinas.

Mula sa Feb. 7, 1977 hanggang Marso 3, 1977, ang mga kinatawan ng Pamahalaan ng Pilipinas at MNLF ay nag-usap sa Tripoli, Libya, kung saan nagkasunduan na bibigyan ng autonomiya ang mga ilang Muslim na lalawigan sa sa timog ng Pilipinas mula Marso 20, 1977.

Noong March 25, 1977, naglabas ng proklamasyon si Marcos na nagtatayo ng rehiyong autonomous sa timog Pilipinas. Nagmaniobra ang pamahalaan sa pamamagitan ng isang Referendum ukol sa Awtonomiya sa mga lalawigan sa timog Pilipinas noong April 17, 1977, pero ang referendum na ito ay binoykot at ayaw kilalanin ng MNLF. Halos 98 porsiyento ng mga botante sa mga nasabing lalawigan ay bumoto laban sa awtonomiya sa referendum. Muli, ang OIC SecretaryGeneral Ahmadu karim Gaye at Foreign Minister Ali Abdusalam Trieki ng Libya ay namagitan sa negosasyon ng dalawang panig sa Manila mula April 20-21, 1977. Ang OIC foreign ministers ay nagpahayag ng suporta sa MNLF sa pamamagitan ng pagbibigay ng observer status sa MNLF sa Organization of Islamic Countries noong May 22, 1977. (Tan, 1993)

Matapos ang 1986 People Power na nagpatalsik kay Marcos Sr., nagkaroon muli ng negosasyon ng mga kinatawan ng pamahalaan at MNLF sa Manila noong March 13, 1986. Ito ay nagresulta sa isang ceasefire agreement na nilagdaan ni Pangulong Corazon Aquino at MNLF noong Sept. 5, 1986. Pinirmahan din ang Jeddah Accord noong Enero 3, 1987 kung saan pumayag ang MNLF na huwag nang isulong ang kanilang kampanya para sa paghihiwalay (independence) sa Republika, at itulak na lamang ang awtonomiya para sa Mindanao.

Nang isinulong na naman ng pamahalaan ang isang referendum noong Nov. 19, 1989, tinuloy ng MNLF ang rebelyon at di kinilala ang referendum. Ang OIC Conciliation Commission ay nag-atas ng anim na miyembro mula Indonesia, Libya, Saudi Arabia, Bangladesh, Senegal at Somalia sa pamumuno ng Indonesia Foreign Minister of Foreign Affairs, si Ali Alatas, sa negosasyon mula Oktubre 25, 1993 hanggang Agosto 29, 1996 sa Jakarta, Indonesia. Ito ay nagresulta sa isang Ceasefire Agreement sa Jakarta noong Nobyembre 7, 1993.

Ang Organization of Islamic Conference (na ngayon ay Organization of Islamic Cooperation) o OIC ay ang ikalawang pinakamalaking intergovernmental organization pagkatapos ng United Nations na may 57 bansang miyembro na may pananampalatayang Muslim. Nong Setyembre 2, 1996, pumirma ang pamahalaan (GRP) at MNLF ng isang kasunduan sa Maynila sa pagtatayo ng Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) sa pamumuno ni Nur Misuari bilang governor. Habang ang OIC ay nagtayo ng OIC Monitoring Team para bantayang ang kasunduang pangkapayapaan mula Sept. 2, 1996.

Nag-aapply pa rin ang Pilipinas na maging observer sa OIC, pero ito ay patuloy na itinanggi hanggang ngayon dahil sa hinalang masamang intensyon laban sa MNLF at MILF. Ayon sa ilang mga manunulat na sumusubaybay sa OIC:

Ang OIC ay nagdesisyon na ipagpaliban ang aplikasyon ng pamahalaan ng Pilipinas na sumanib sa OIC bilang “observer” mula 2003 hanggang magkasundo ang OIC sa mga pamantayan ng pagtanggap sa Pilipinas dahil wala pa silang nakikitang pagbabago o pag-usad sa kalagayan ng mga Muslim sa Pilipinas.

Sabi ng OIC, “ AS we have stated “no significant improvement in the lives of Muslims” in Mindanao has occurred, as stipulated by the 1976 Tripoli Agreement and the 1996 Peace Agreement with the MNLF. The OIC would like to see the full implementation of all the agreements, which it has facilitated and mediated before it will fully accept the Philippines’ application. In the longer term, it would probably welcome a situation in which the Philippine government is truly accepted as legitimate representative of Muslim Filipinos and not as their enemy. The latest Framework Agreement between the Philippine government and the MILF means not only new hope for peace for the people of Mindanao and an opportunity for all Muslim ethno-linguistic groups in Mindanao to take part in its implementation, and for the Philippine government to build trust and establish its credibility among member states of the Islamic world and the OIC. “(Tan, 1993). Sa kanyang aklat, The Internationalization of the BangsaMoro Struggle (Tan, 1993) sinulat ni Dr. Samuel Tan na nagtagumpay ang MNLF sa diplomasya nitong makuha ang suportang pandaigdigan ng mga Muslim na bansa para suportahan ang MNLF, at sa paglalantad ng mga abuso ng diktadurang Marcos lalo na laban sa mamamayang Bangsamoro.(Rodil, 1994); Wadi, 1998)

Taktikang Divide and Rule ni Marcos

Isang mabisang taktika ng pamahalaan ang paghati-hatian sa MNLF, para umano ay pasukuin ang ilang mga komander na nanghihina at pag-intriga sa ilang maliliit na paksyon. Kaya naglunsad ng isang intelligence project laban sa MNLF kung saan ay tinatag ang Abu Sayaf at Lost Commands na gumawa na mga operasyon na paninira sa MNLF para magmumukhang bandido o tulisan ang MNLF. Ang paksyonalismo sa MNLF ay hinimok at aktibong pinagsulsol ng AFP ng pamahalaan tulad ng pagsulsol sa pagtatayo mga paksyon tulad ng Abu Sayaff

Ang MILF daw ay ang dapat pumalit sa MNLF dahil nagbibigay diin ito sa Islam ng rebolusyonayong Moro habang ang MNLF ay masyadong pulitikal at non-sectarian.Marami pang mga paksyon ang ginamit para palabasin na sumusuko na sila o para pahinain ang sentro ng MNLF at ng kanyang BangsaMoro Army.(Malloy, 1988) Gayunpaman, sa unang pagkakataon mula noong panahon ni Sultan Kudarat na napagkaisa ang Moro laban sa mananakop na Kastila, napagkaisa ni Misuari at ng MNLF ng mala-tribong pagkakahati ng Tausug, Maguindanao, Maranao at Yakan sa isang rebolusyonaryong kilusan ng Moro sa unang pagkakataon at binigyan ng identidad na”Bangsamoro.”

Mas mabuting pangyayari na ang hindi naipagtagumpay sa ARMM ng MNLF ay pinagpatuloy na laban ng pinasiglang MILF sa BangsaMoro Autonomous Region for Mindanao (BARMM) na may mga istrukturang magbibigay ng lakas sa kultura at boses ng Moro sa lokal na pamamahala.

Hindi pa nga tapos ang laban ng Moro ngunit ang kanilang bagong anyo ng organisasyon, karanasan sa ilalim ng MNLF ay maituturing na pagpapatuloy ng laban para sa pagpapasiya sa sarili, para sa hustisya, katarungan, demokrasya at identidad bilang mga inaaping minorya na matagalan nang walang boses sa konteksto ng paglalakbay ng sambayanang Pilipino para umunlad bilang isang Republika.

Konklusyon

Maraming mga mamamayang Bangsamoro sa Mindanao ang napinsala sa madugong mga operasyon ng militar sa ilalim ng diktadurang Marcos Sr.: mga sibilyang dinukot, ginawang desaparecidos, tinortyur, pinatay at minasaker. (Asani, 1980) Dito rin sa Mindanao sa lupain ng mga Bangsamoro na nakaranas ng pinakamalakas na pagkontra(resistance) sa diktadurang Marcos mula 1972 hanggang 1976.(Gutierrez, 2000; Jubair, 1997) Libo-libo ring mga sundalo ng AFP at gobyerno ang namatay sa matitinding banan sa Mindanao. Ayon sa isang iskolar na taga-Australia na si Ivan Molloy, ang MNLF ang nagbigay ng pinaka-seryoso at pinakamabigat na pampulitika, pangdiplomatiko at pangmilitar na krisis sa diktaduring Marcos Sr. noong paanahon ng Batas Militar. (Molloy, 1988) Marami ring mga mandirigma ng Bangsamoro ang nasawi lalo na sa Jolo, Sulu noong 1974. Noong 1976 ay pumasok sa unang kasunduan ang MNLF sa gubyerno ng Pilipinas. Dito, nabigyan ng opisyal na pagkilala sa MNLF at sa kanilang adhikain para sa pagpapasiya-sa-sarili(self-determination). Pumayag ang MNLF na iatras ang adhikaing pagkakahiwalay sa Republika at lumikha ng awtonomong pamamahala ng mga Muslim sa Mindanao (ARMM) at Sulu. Di pangkaraniwang lider ng Bangsamoro si Nur Misuari. Sa kasaysayan ng pakikibaka ng Moro sa Mindanao, siya ang unang naging lider ng Bangsamoro na hindi galing sa datu-class at di galing sa angkang elitistasa lipunang Moro. Ang kanyang mga magulang at ninuno ay mga karaniwang mangingisda sa mga pulo ng Sulu.(Stern, 2012) Sa kabila nito, napagkaisa niya sa isang rebolusyonaryong kilusan ang lahat ng mga Moro na pinaghati sa kanilang etno-lingguistikong mga lugar (Tausug, Maguindanao, Maranaw, atbp.)

Matapos ang kasunduan ng MNLF noong 1976, ipinagpatuloy ng nabuong Moro Islami Liberation Front ni Hashim Salamat hanggang napatupad nila sa BARMM sa pamumuno naman ng tumiwalag na Moro Islamic Liberation Front (MILF). Ang MNLF ay isang di pangkaraniwang kilusan sa kasaysayan ng Bangsamoro sapagkat napagkaisa niya ang mga Tausug, Maranaw at Maguindanao at pati mg etno grupong mula Basilan at Palawan. Meron din siyang puwang para sa papel ng kababaihan sa pamamagitan n MNLF Women’s Committee na inorganisa nila Desdemona Tan at kanyang mga kapatid na sila Roida at Zenaida. Si Desdemona Tan ang asawa ni Nur MIsuari, ay galing sa isang tanyag na pamilyang negosyante sa Sulu.

Siya ang namahala sa Women’s Committee ng MNLF na may tungkuling mamahala sa gawaing paniniktik(intelligence), komunikasyon, edukasyon, mga pandigmang nars at pati bilang mga mandirigmang prantlayn ng Bangsamoro Army(BMA).(Stern, 2012) (https://www.bulatlat.org)

Bibliograpiya

Abat, Fortunato U. THE DAY WE NEARLY LOST MINDANAO The Story of the Central Mindanao Command. Quezon City: SBA Printers, 1993.

Abreu, Lualhati M. Bangsamoro: Pagpupunyagi sa Sariling-Pagpapasya. Quezon City: CenPeg Books, 2011.

Asani, A. Moros Not Filipinos. Bangsamoro Research Center, 1980.

Galeriana, Emma Concepcion& Ragandang, Peimitivo III . Philippines: “In Seach for Self-Determination. The Political History and Armed Struggle of the MNLF in Mindanao” in Conflict Studies Quarterly. Issue 24, Ju;y 3018.

George, T.J. S. Revolt in Mindanao: The Rise of Islam in Philippine Politics. Oxford-New York-Melbourne: Oxford University Press, 1980.

Gutierrez, Eric, et al. Rebels, Warlords and Ulama: A Reader on Muslim Separatism and the War in Southern Philippines. Quezon City: Institute for Popular Democracy, 2000.

Jubair, Salah. Bangsamoro, A Nation Under Endless Tyranny. Lahore: Islam Research Academy, Second Edition. 1997.

Kamlian, Jamail A. BangsaMoro Society and Culture. A Book of Readings on Peace and Development in Southern Philippines. Iligan, Philippines: Iligan Center for Peace, Education and Research. MSU-Iligan Institute of Technology, 1999.

Majul, Cesar Adib. The Contemporary Muslim Movement in the Philippines. Berkeley: Mizan Press, 1985..

May, R. J. “The Moro Movement in Southern Philippines.” In Politics of the Future: The Role of Social Movements, eds. Christine Jennett and Randal G. Steward, 1989.

McKenna, Thomas M. Muslim Rulers and Rebels: Everyday Politics and Armed Separatism
in the Southern Philippines. Berkeley: University of California Press, 1998.

Man, W.K. Che. (1990). Muslim Separatism: The Moros of Southern Philippines and the Malays of Southern Thailand. Oxford and New York: Oxford University Press.

Mercado, Eliseo R. “Culture, Economics and Revolt in Mindanao: The Origins of the MNLF and the Politics of Moro Separatism in the Southern Philippines. Berekeley and Los Angeles: University of California Press, 1998.

Molloy, Ivan. “The Decline of the Moro National Liberation Front in the Southern Philippines”
in Journal of Contemporary Asia, Vol. 18, No. 1. (1988).

Muslim, Macapado Abaton. The Moro Armed Struggle in the Phiilippines, The Nonviolent Autonomy Alternative. Marawi City, Philippines: Office of the President and College of Public Affairs, Mindanao State University, 1994.

Noble, Lela Garner (1976). “The Moro Front in the Philippines”. Pacific Affairs 49 (Fall): 405-424.

Rodil, Rudy. The Minoritization of the Indigenous Communities of Mindanao and the Sulu
Archipelago. Davao: Alternate Forum for Research in Mindanao-AFRIM. 1994.

Silva, Rad D. Two Hills of the Same Land: Truth Behind the Mindanao Problem. Iligan
City: Mindanao-Sulu Critical Studies and Research Group. 1979.

Simbulan, Roland G. editor. The Bangsa Moro People’s Struggle for Self-Determination (Towards an Understanding of the Roots of the Moro People’s Struggle) in Special Issue of the
Philippine Development Forum, Vol. 6, No. 2, 1992. Department of Social Sciences, U.P. Manila, 1992.

Stern, Tom. NUR MISUARI. An Authorized Biography. Mandaluyong, Philippines: Anvil Publishing, Inc. 2012.

Tan, Samuel K. Internationalization of the Bangsamoro Struggle. Quezon City: University of the Philippines Center for Inegrative Studies, 1993.

Tanggol, Sukarno D. Muslim Autonomy in the Philippines: Rhetoric and Reality. Marawi City, Philippines: Office of the President and Press and Information Office, Mindanao State University, 1993.

Tolipas-Nunez, Rosalita. Roots of Conflict : Muslims, Christians, and the Mindanao Struggle. Makati City: Asian Institute of Management, 1997.

TRICOM. Defending the Land. Lumad and Moro People’s Struggle for Ancestral Domain in Mindanao. Davao City: TRICOM, 1998.

Tuazon, Bobby M. editor. The Moro Reader. Quezon City: Center for Peoples Empowerment in Governance 20008.

Turner, Mark, ed. Mindanao: Land of Unfulfilled Promise. Quezon City: New Day Publishers, 1992.

Wadi, Julkipli M. “The Philippines and the Islamic World”. In Philippine External Relations: A Centennial Visa, eds. Aileen San Pablo-Baviera and Lydia N. Yu-Jose. 1998.

About the author

Ang may-akda, si Propesor Roland Simbulan, ay awtor ng 9 aklat. ay 38 taong nagturo sa Unibersidad ng Pilipinas (U.P.) Noong Sentenayo o ika-100 taon anibersaryo ng U.P., siya ay ginawaran ng Cntennial Professorial Cahrir Award. Dati siyang Chair ng Departement of Social Sciences, nagsilbi ring Vice Chancellor for Planning and Deelopmant, at nahalal na Faculty Regent bilang kinatawan ng 3,6000 pultaym na propeson ng buong universidad sa U.P. Board of Regents (BOR). Si Simbulan ay awtor ngwalong aklat ukol sa patakarang panlabas ng Pilipinas (Philippine foreign policy), sa rlasyong Pilipinas-U.S., at ukol sa kolonyalismo at imperyalismo sa Pilipinas, at Asya-Pasipiko. Kasalukuyan siyang Vice Chair ng Center for People’ s Empowermnt in Governance o Cenpeg, at nasa Board of Trustees ng Bantayog ng mga Bayani at Ibon Foundation.

Sinulat ni Prof. Simbulan ang Kabayanihan ng Moro at Katututbo , at Si Lapu Lapu at aang Ating Tagumpay sa Mactan Laban sa Kolonyalismo bilan ambag sa 2021 Quincentennial (500 Taon ng Tagumpay ng Battle of Mactan) at para sa komemorasyon ng “Year of Filipino Pre-Colonial Ancestors”, batay sa Proclamation No. 1128, s. 2021.

Share This Post