Pagtatanggol sa katotohanan

Rebyu ng MartialLaw@50: Alaala at Kasaysayan ng Pagbabalikwas

Litrato ni Carlo Manalansan

Ni RONALYN V. OLEA
Bulatlat.com

Pagbati sa Tanggol Kasaysyan at Ibon Foundation!

Ang mga mamamahayag at mga istoryador ay pinagbubuklod ng katotohanan – ang paghahanap, paglalantad at pagtatanggol nito.

Nasusumpungan ng mamamahayag ang katotohanan sa pamamagitan ng aktwal na coverage, pakikipanayam at pananaliksik. Kinikilatis ang mga datos, bineberipika, isinasakonteksto. Tinatawag na kasinungalingan ang kasinungalingan kung kailangan.

May siyentipikong prosesong sinusunod din ang mga istoryador. Madalas ay mas matagal, mas masinsin ngunit ang laging turol ay katotohanan.

Sa gitna ng sistematiko at planadong paghahasik ng kasinungalingan at pambabaluktot ng kasaysayan, nasumpungan natin ang ating mga sarili bilang target ng mga atake. Dinudumog tayo ng mga troll at ipinagtatanggol nila ang pangunahing nagkakalat ng disimpormasyon.

Nais nilang burahin ang mga tala ng pang-aabuso, ang tunay na kalagayan ng magsasaka, manggagawa at iba pang maralita sa panahon ng diumano’y Golden Age.

Kung kaya naman, makabuluhang ambag ang librong ito sa pagtatanggol ng kasaysayan at katotohanan. Tampok na kalakasan ng koleksyong ito ang pagsasadokumento ng paglahok at pakikiisa ng iba’t ibang sektor ng lipunan sa kilusang kontra-Marcos at kilusang pambansa demokratiko. Nakatutuwang malaman, halimbawa, na ang maralitang lungsod ay nagbitbit ng lahat ng rebulto ni Inang Maria para pigilan ang demolisyon, o ang pagtakas ng mga bilanggong pulitikal sa mga kampo ng militar.

Nakakaantig ng damdamin ang mga personal na salaysay ng paglaban sa maligno, ika nga ni Boni Ilagan. Kahanga-hanga ang katatagan ng mga kababaihang ikinulong gaya ni Judy Taguiwalo at Grace Mahinay. Binaybay ni Lualhati Abreu ang pagsibol ng rebolusyonaryong kilusan sa Mindanao at ang salaysay niya’y animo pagpupugay na rinsa lahat ng kanyang nakasama sa pakikipagtuos sa dilim.

Maging ang pagkilos ng panggitnang uri ay naisadokumento sa mga sulatin ni Sr. Mary John Mananzan at Propesor Rolando Simbulan na tumalakay sa ginampanang papel ng mga taong Simbahan. Partikular akong nagkainteres sa mga publikasyong inilabas ng mga taong Simbahan na naging bahagi ng alternative press o mosquito press.

Higit sa lahat, ang koleksyon ay pagkilala rin sa mulat na masang anakpawis, silang kadalasa’y mga walang mukha at mga pangalan sa mga diyaryo. Sa tala ni Ka Judy halimbawa, sinabi niya:

“Pero hindi ko malalagpasan ang diktadura, hindi lamang sa suporta ng aking pamilya, kung hindi, mahigit pa, sa suporta ng masang anak-pawis na naging katuwang, sandigan ko, at iba pang mga aktibista sa panahon ng batas militar.”

Kaya naman, akma ang sanaysay ni Maria Elena Ang na ang People Power ay ang maliliit na anyo ng paglaban ng karaniwang tao.

Higit pang mahalaga ang ambag na ito sa pagpapatuloy ng kilusan para sa tunay na pagbabagong panlipunan. Gaya ng tinuran ni Jose Maria Sison, Carol Araullo at iba pa, nagpalit lamang ng mukha ang mga nasa poder ngunit nanatili ang sistemang mapagsamantala.

Isang hamon ang iniiwan sa ating lahat, lalo na sa mga kabataan: Tuloy ang laban hanggang makamit ang maaliwalas na bukas.

* Binasa sa paglulunsad ng aklat noong Okubre 7, 2022 sa UP Hotel. (https://www.bulatlat.org)

Share This Post