Sa isang makabuluhang pag-aaral sa kasaysayan ng mga pandemya, sinabi ng historyador na si William H. McNeill sa Plagues and Peoples (1976) na makabuluhan ang papel na ginagampanan ng pagkalat ng mga nakahahawang sakit sa kinahinatnan ng mga kalagayang panlipunan. Ang pangkapangyarihan at panlipunang pagbabagong idinulot ng sabay-sabay at malawakang pagkakasakit ng malaking bilang ng populasyon sa lipunan ang isa sa hindi gaanong napapansing kalagayang naghubog sa kasaysayan ng sangkatauhan. Sa aklat, malawakan niyang tinalakay ang pagbagsak ng mga imperyo at kaharian at ang konsolidasyon ng populasyon ng ilan matapos ang trahedyang dulot ng pandemya.
Lalo na sa panahon bago ang mga makabagong pag-aaral ukol sa medisina at epidemiolohiya, ang mga paniniwala at pananampalataya ng mga makalumang lipunan ang naging sandigan ng mga mamamayang hintakot sa paglala ng nakakahawang mga sakit at kamatayang dulot ng pandemya. Ang mga naratibo ng iba’t ibang pagtugon ng mga lipunan sa paglawak ng epidemya ang naging tutok sa pagtalakay ni McNeill sa kanyang aklat na muling binabalikan ngayon ng maraming historyador higit apatnapung taon mula nang malathala ito.
Isang maikling tala ang kapuna-puna sa aklat ng kasaysayan ng mga epidemya. Ito ang naratibo ng mga lipunang nabiktima ng pandemya at ang mga kakaibang karanasan ng mga di pangkaraniwang tao na kumaharap sa panahon ng malawakang pagkakasakit na ito. Maikli lamang ang tala ni McNeill sa buhay ni San Roque, ang itinuring na patron ng mga nagkakasakit sa epidemya. Tila isa ito sa limot na naratibo ng makalumang panahon na nauukol sa kasaysayan ng pandemya ng sangkatauhan.
San Roque sa kasaysayan
Ipinanganak sa Montpellier sa kasalukuyang Timog France si Roque, na anak ng mayamang gobernador ng bayan tinatayang taong 1295. Nang maulila siya sa kanyang mga magulang sa gulang na dalawampu, sinasabing ipinamigay ni Roque ang kanyang mga yaman sa mga naghihirap at mga pulubi. Iginawad din niya ang pamamahala ng kanyang bayan sa kanyang amain sa halip na tumayo siyang tagapagmanang pinunong gobernador ng Montpellier. Matapos nito, naglunsad siya ng mahabang peregrinasyon papuntang Roma upang makahanap ng personal na kapanatagan. Imbes na makatagpo ng kapanatagan, kinaharap ng kanyang paglalakbay ang malawakang pagkakasakit at kamatayang dulot ng epidemya ng bubonic plague na kumakalat noon sa mga lugar na kanyang dinadaanan. Imbes na matakot na siya mismo ang magkasakit, sinasabing tinulungan pa ni Roque ang mga taong naghihirap sanhi ng bubonic plague, lalo na sa mga lungsod ng Aquapendente, Cesena, hanggang sa Roma. Mula sa Roma, naglunsad din siya ng mga kampanya para maibsan ang pagdurusa ng mga nagkakasakit sa mga lungsod ng Mantua, Modena, Parma hanggang sa siya mismo ang magkasakit nang tumutulong siya sa panggagamot sa Piacenza. Sa lahat ng mga pagkakataon ng kanyang pagtulong sa mga nagkakasakit, pinaniwalaan na may milagrong dala ang kanyang balat sa dibdib at ito ang sinampalatayanan ng mga nagkakasakit. Nang siya mismo ang magkasakit, nagpunta siya sa gubat kasama lang ang isang aso. Ginawa niya ang panirahanan sa gubat upang hindi na makawa pa. Matapos siyang gumaling, nagdesisyon siyang bumalik sa sinilangang bayang Montpelier na nagbabalatkayong pulubing peregrino at tumulong sa mga nagkakasakit doon.
Dahil sa kakaibang gayak, pinaghinalaan siya ng mga di nakakilalang mga kababayan na isa siyang espiya at banta sa katahimikan ng bayan. Inakusahan si Roque ng maling paratang at sa halip na bigyan ng pagkilala sa pagtulong sa mga nagkakasakit, ikinulong pa batay sa mga gawa-gawang kaso, at hinatulan ng nakaupong gobernador (na sinasabing kanyang sariling amain na hindi siya nakilala) na mabilanggo. Sa bilangguan na namatay si Roque matapos ang limang taong pagkapiit batay sa mga gawa-gawang kasong ipinaratang sa kanya. Maraming tumuturing na santong patron si San Roque matapos itong gawaran ng pagkasanto ng simbahan. Kakatwa na kilala siya bilang patron ng mga mahilig mag alaga ng aso at ito ang kalimitang iconograpiya sa kanya. Pero iilan lamang ang nakakakilala sa kanya bilang itinuturing na patron ng mga imbalido at mga nagkakasakit dulot ng epidemya. Higit na kakaunti ang nakakaalam na si San Roque ang patron din ng mga nagdurusa mula sa maling paratang, mga nakakulong batay sa gawa-gawang kaso, at mga nahatulan ng maling paratang.
San Roque ng pamayanang nagdadamayan
Sa kasalukuyang karanasan ng pandemya sa Pilipinas, tumatak ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga maralitang pamayanan na lalong naghirap dahil sa paghihigpit na ipinataw ng pamahalaan. Hindi mawawala sa listahan ng mga pamayanan ng mga maralita ang Sitio San Roque, Barangay Bagong Pag-asa sa Quezon City. Nakilala ang mga mamamayan ng Sitio San Roque sa mga isinagawa nitong pagkilos upang maibsan ang hirap na dulot ng pandemya. Naglunsad ng pananimang bayan ang mga taga-sitio upang makatulong sa pagpapakain sa mga nagugutom na kapitbahayan. Nagkaroon ng pagbibigay ng tulong sa mga residente at nagsagawa ng iba’t ibang programang magpapaliwanag sa mga magkakapitbahay sa panganib ng pagkakasakit at sa mga pamamaraang maaring maisagawa ukol dito.
Gayunpaman, naging bahagi din ng salaysay ng mahabang pagdurusa ng mga maralita sa gitna ng pandemya ang mga kapitbahayan ng San Roque. Maraming mga maralitang taga-San Roque ang nawalan ng trabaho sanhi ng sunod-sunod na lockdown na isinakatuparan ng pamahalaan. Ilang mga manggagawa rin ang hindi makabalik sa pinagtatrabahuhan dahil walang masakyang pampublikong sasakyan dahil sa lockdown. Sa mga pagkakataong naglunsad ng pagpapakain at pananimang pangkapitbahayan ang mga taga-San Roque, pinasok sila ng mga armadong pwersa at ang hinuli ang ilan kasabay ng demolisyon ng ilang kabahayan. Nang magprotesta ang mga mamamayang nagugutom dahil sa kulang sa ayudang pangkain mula sa pamahalaan at ang paghihigpit na dulot ng militaristang tugon ng pamahalaan sa pandemya, pinaghuhuli at ipinakulong ang mga ito sa salang paglabag sa kautusan ng pamahalaan na walang lalabas. Napalaya lamang ang mga ito nang magkampanya sa pagpapalaya ang mga progresibong grupo gaya ng Bayan Muna, Gabriela at Kadamay sa tulong ng pamahalaang lokal at Komisyon sa Karapatang Pantao.
Hindi ito ang unang pagkakataong naging tampok ang kalagayan ng San Roque bilang halimbawa ng kahirapan ng mga maralitang tagalunsod. Ilang dekada nang marami sa mga residente ng San Roque ang nakatira sa nakatiwangwang na lupain ng pamahalaan. Hindi binigyang pansin ang malawakang proposisyon ng mga maralita para sa onsite development, sa halip, unti-unting ginigiba ang pamayanan upang magbigay-daan sa mga proyektong panggusali ng mga malalaking korporasyon. Bago pa man ang pandemya, malala na ang kahirapan sa San Roque. Higit pa itong pinalala sa panahon ng malawakang pagkakasakit. Sa huli, ang akusasyon na nanggugulo at pasaway ang mga maralitang residente ang ipinaratang ng mga nasa kapangyarihan upang mapilit na sumunod ang mga mahihirap. Ang pangkalahatang layunin ng pagsasabwatan ng kapital at gobyerno ang makikitang pinupunto ng pagpapaalis sa mga maralita at demolisyon ng kanilang mga tirahan. Ang San Roque ang nalalabing simbolo ng pagtutol sa demolisyon at kahirapan, na lalong pinaigting sa panahon ng pandemya.
Iba’t ibang kabalintunaan ng San Roque
Ang pandemya ang nagpakita ng pag-igting ng malalang tunggalian sa lipunan at ang tagibang na ugnayan ng mga nasa kapangyarihan at ng mga mamamayan. Pero higit pa rito, ipinakita rin nito ang ilang tragikomedyang pangyayari sa mga desisyong pampamahalaan, na gaya ng mga namamahala sa Montpellier sa panahon ni San Roque ay gumawa ng ilang haka-hakang nag-akusa sa mga tumutulong sa mga nagkakasakit at nagsulong ng mga gawa-gawang patakarang walang kinalaman sa pagsugpo ng pandemya. Sa nakaraang dalawang taon ng pandemya, ilang kakaibang patakaran ang isinakatuparan na lalong nagpahirap sa halip na makatulong sa mga mamamayan. Binansagang komunista at nilapatan ng pananakot at red-tagging ang mga nag-organisa ng community pantry na layunin lamang na magbigay ng makakain sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng pangangalap ng mga donasyon mula sa may maiaambag. Sa halip na papurihan, inilagay sa posas ang mga nagpapakain ng sopas sa mga mga maralita ng Marikina. Ipinagbawal ang publiko sa pagsakay sa dyip at sasakyang pampubliko pati na ang pamamasada ng mga tsuper. Naghigpit sa paggalaw at mobilidad ng mga mamamayan upang hindi raw magsiksikan subalit lalong humaba ang pila ng mga taong naglalakad at nakamotorsiklo sa ilandaang checkpoints na inilagay ng nasa kapangyarihan pati na ang pila sa pamumudmod ng mga ayuda, at pila sa bakunahan. Nagdebate pa kung essential ba o hindi ang idedeliver na lugaw. Nakatawag pansin ang pamimilit ng mga nasa pamahalaan sa paggamit ng mga plastic shields sa mga riders at pasahero na lalong nakadisgrasya sa ilang pagbabyahe. Ilang libong piso ang ginugol ng mga mamamayan sa pagbili ng face shields na napag-alamang lalong nakakasama sa transmisyon ng virus. Higit sa lahat, ang lingguhang pagpapakita ng pangulo ang nagpakita ng ilang kakatwang pagturan – mula sa pagbabantang kakainin ng pangulo ang virus; ang bakuna daw na kinukuha sa mga patay na kabayo; mamamatay ang virus kung maghuhugas ng gasolina; at ang pagtatanggol sa mga anomalyang kinasangkutan ng bilyong pisong pondo para sa maliit na kumpanyang gaya ng Pharmally.
Ipinakita ng iba’t ibang San Roque sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan ang katumbalikan, ang kabalintunaan ng kapangyarihan na sa halip na makatugon sa pagtulong ay lalo pang nagpahirap at nagsagawa ng paghihigpit, pagpapakulong at pag-aakusa nang walang batayan.Nasa Barangay Bagong Pag-asa ang Sito San Roque na tinatanggalan ng pag-asang makapamuhay sa pamayanang laging may banta ng demolisyon. Ang pandemya raw ang nagpapakita ng kakanyahan ng taong makaagapay sa trahedya. Ito rin ang nagpapakita ng pang-aabuso ng kapangyarihang tila nakabatay sa lokohan.Ang mga banal at nagbabayanihan ang inaakusahan at pinaparatangan. Ang mga nakaupo sa pwesto ang hindi kumilala kung saan galing ang kanyang kapangyarihan at siyang nang-aabuso sa dapat na pinaglilingkuran. Kaya nga matagal nang kantahing pambata ang kakatwang berso ukol sa San Roque,
Doon po sa amin
Bayan ng San Roque
May nagkatuwaan apat na pulubi;
Nagsayaw ang pilay, umawit ang pipi,
Nanood ang bulag, nakinig ang bingi.
“Awit ng pulubi” (lumang kantang pambata)
References:
McNeill, William. Plagues and Peoples. New York: Doubleday, 1976 (1993 ed by History Book Club)
St. Roche, https://www.newadvent.org/cathen/13100c.htm
Urban poor community turns demolished homes into food security gardens
Geela Garcia – Philstar.com
March 24, 2021 | 6:21pm
https://www.philstar.com/headlines/2021/03/24/2086680/urban-poor-community-turns-demolished-homes-food-security-gardens
Sitio San Roque residents vow to resist demolition, push for on-site development
Anne Marxze Umil June 4, 2017
Sitio San Roque residents vow to resist demolition, push for on-site development
CHR to look into San Roque residents’ reports of harassment by cops, military
Franco Luna – Philstar.com
February 3, 2021 | 3:17pm
https://www.philstar.com/nation/2021/02/03/2075053/chr-look-san-roque-residents-reports-harassment-cops-military
21 protesters demanding food aid arrested in Quezon City
By CNN Philippines Staff
Published Apr 1, 2020
https://cnnphilippines.com/news/2020/4/1/quezon-city-protesters-arrested-.html
*The author is a professor and former chair of the Department of History, Ateneo de Manila University; former commissioner of the National Historical Commission; convenor of Tanggol Kasaysayan; member of the Alliance of Concerned Teachers. He finished his AB History, MA in History and PhD in Philippine Studies at University of the Philippines Diliman.