GLOC-9: Nang magkatinig ang pipi

By Bien Lumbera
Bulatlat.com

May dalawang awit si Gloc-9 na matingkad ang nilalam ang kamalayang panlipunan. Una, ang UPUAN, na kumakausap sa mayayaman na may “malaking bahay at malawak na bakuran.” Sila ang nakaupo at namimin tana. Sinasabihan sila na “subukan nyo namang tumayo”. Baka sakali raw ay matanaw ng namimintana “ang tunay na kalagayan” ng umaawit. Ano ba ang kalagayan ng namamalimos ng pansin?

Iisa-isahin niya ang palatandaan ng matinding kahirapan. Pantakal ng bigas ay “di puno.” “Pinagtagpi-tagping yero ang bubong.” “Takureng “uling-uling” ang gamit sa kalan. Sa umaga ang kusina’y “aming banyo. “Kitang singuwenta pesos maghapon ay pagkakasyahin sa mga pangangailangan.

Ano naman ang kalagayan ng namimintana? Malaking bahay at malawak na bakuran. Pinapaligiran ng mataas na pader. “Mga plato’t kutsara na hindi kilala ang tutong.” Kahit hindi pasko ay may nakahaing hamon. Kaning simputi ng gatas. “Nakapil ang mga mamahaling sasakyan.” Ang awit ni Gloc-9 ay tungkol sa dalawang magkataliwas na uri sa lipunang Filipino, ang tinatawag ng mga aktibistang “naghaharing uri” at ang karaniwang taguriang “masa” kapag nagraraly ang mga kabataang nagdadala ng linyang Pambansang Demokrasya.

Sa isa pang awit ay itinatangi sa pangingibang-bayan ng mga mahirap na nagbabaka-sakaling kumita ng malaki sa pamamagitan ng pagpapaalila sa mga dayuhan. Ito ang WALANG NATIRA. Binubuksan ang awit ng “Napakaraming guro dito sa amin, ngunit bakit walang natira. Napakaraming nars dito sa amin, ngunit bakit tila walang natira. Nag-aabroad sila. . .” Sa ibang bayan, “ang pahinga’y iipunin para magamit pag-uwi,” “mabahiran ng tsokolate ang matamis na ngiting anak na halos di nakilala ang ama o ina na wala sa tuwing kaarawan nila. ” Sa dakong huli, kakausapin ng umaawit ang mga OFW – “subukan mong isipin kung gaano kabigat na buhat ang maleta halos hindi mo maangat” na ang implikasyon ay ang bigat ng problemang paglisan sa sariling bayan, ang pakiki pamuhay sa dayuhang naiiba ang kultura at ang magaganap na pagkawasak ng pamilya. Muli ang awit na ito ay umuungkat sa kahirapan at sa iba pang suliraning panlipunan.

Nagpapaalaala ito sa mga awiting kilusang nagbabandila ng pakikibaka para sa pagbabago ng panlipunan.

Pero naiiba ang UPUAN at WALANG NATIRA. Ang tinig ay hindi galling sa isang organisasyong may isinusulong na politika. Tinig ito ng mga mamamayang hindi organisado at walang malinaw na dinadalang ideolohiya. Tinig ito ng masang sikil ng mabibigat na problema pero walang salita o himig na mahanap upang maihinga ang problema.

Ambag ni Gloc-9 at ng mga kapwa niya makabayang rapper ang tinig na nagpapalaya sa mga hinaing at kaisipanng pipi ng mamamayan.

Tubong-Amerika angmusikang rap, na unang lumitaw sa hanay ng mga Afrikano-Amerikano, na nagsatinig ng kanilang pagtutol at pagsasakdal sa sistemang panlipunang kontrolado ng mga Puti. Pasaway, marahas at naghahamon ang naunang mga rap, na nakilala bilang Gangsta Rap. Nakabahala nang lubos ang biyolenteng nilalaman ng mga awiting tulad nito sa mga conserbatibong educated middle-class. Nang pumasok ang rap sa Filipinas, si Francis Magalona at Andrew E ang unang nakilalang rapper. Makabayan at patawa ang dalawang anyong rap na Filipino. Ang temang rap ni Francis ay ang identidad na Filipino, samantalang ang kay Andrew ay pa-sexy at patawa. At dahil ang wikang ginamit ay Tagalog/Filipino ang ritmo ay may bahagyang paglumanay at ang talinghaga ay umugnay sa pabigkas na tradisyon ng panulaang Tagalog.

Madaling kumalat ang rap sa mga kabataang naghahanap ng sariling tinig. At si Gloc-9, na nagging kaibigan ni Francis at inalagaan nito, ay nakilala at tinanggap ng kanyang mga kapanahon bilang lehitimong anak ng “Amang Rap na Filipino. ”Sino ba talaga si Gloc-9?

Aristotle Pollisco ang tunay niyang pangalan, tubong-Binangonan, Rizal, galling sa hikahos na buhay, anak ng OFW nasa pagbalik sa Filipinas ay namasada bilang driver ng jeepney, nagdaan sa iba-ibang trabaho upang makapag-aral hanggang makatapos ng nursing sa STI-Fairview. Kung hahanapin ang pinag-ugatan ng kanyang mga paksain at pananaw sa mga kalagayan ng lipunang Filipino, makikita ito sa paghahanap-buhay niya sa service crew ng fast-food center bilang kitchen helper, bilang call center agent, bilang konduktor ng jeepney, music researcher at higit sa lahat, bilang nursing student na nadestino sa iba-ibang pampublikong ospital. Ang kanyang exposure sa mga dukhang pasyente sa ospital ang mariing nakapag-iwan sa kanya ng kamalaya ng panlipunang tumatak sa kanyang mga awit.

May tatlong CD album si Aries. Una ang DIPLOMA, ang album nagpakilala sa kanyang paggigiit sa talinong ingat niya bilang makata. Ang papel na sinulatan niya ng kanyang mga awit ang itinuturing niyang “diploma” na nagbigay sa kanya ng karapatang mapabilang sa recording industry. Ang ikalawa ay ang MATRIKULA. Masasabing dito niya ibinuhos ang kanyang naipong obserbasyo ntungkol sa mundo ng kahirapan at pagkabigo na kanyang sinilangan. Mabigat ang nilalaman ng mga awit na narito – payo sa mga kabataang nagsisimulang mag-rap; ang kabulukan ng mga humahawak ng kapangyarihan sa pamahalaan; ang pagwawalang-bahala ng nakaririwasa sa mga kulang-palad; ang kabalintunaan sa larangan ng politika at showbiz at ang tuksong padala na lamang sa mga “kabobohang” umiiral sa paligid. Ang BAYAD KO ay nagsisimula na pagbabayad ng pasahero sa jeep.

Sa pagsingit ng maikling salaysay ng amang namatayan ng anak na dalag ang nag ngangalang Luisa; sa kuwento ng putang nag ngangalang Marilou na dadalaw sa anak na nasa ICU; at sa salaysay ng anim nataong si Benito na naglilimpiya-bota at namimili ng bote diaryo upang buhayin ang limang kapatid, ramdam natin ang pait ng buhay at ang hiling na huminto muna ang paglalakbay ng tao sa hapis:

Mama para diyan na lamang sa may tabi
Bababa na po ako
Heto po ang bayad ko.
Kahit na ano mang hirap ang sa ati’y dumating
Tumawag lang kay mamang Drayber
Tayo’y makararating.

Karagdagang lumbay ang dala ng KAIBIGAN KO, na alay ni Gloc-9 sa idolo niyang si Francis Magalona na sa edad kuwarenta’y kuwatro ay namatay sa kanser.

Ang pinakahuling CD ni Gloc-9 ay pinamagatang TALUMPATI. Sa awit na nagbigay sa CD ng pamagat, isinasalaysay ni Aries ang kanyang di-mababaling desisyon na magtagumpay bilang rap artist, na nais niyang ibahagi sa may ambisyong tulad ng sa kanya. “Ang ibig kong sabihin ay di ka dapat magpapigil, pagako’y nadadapa ay lalo akong nanggigigil. Hindi puwedeng magpasupil, iipunin bawat butil. Hawakan nang mabuti, kagatin ng mga pangil.”

Ang pagpapalaganap ng rap ay isang misyon halos para kay Gloc-9. Hangad niya na bigya ng-tinig ang bawat kabataang may mensahe ng nais niyang ipaabot sa kanyang kapwa. Sa ganyang paraan nagkakaroon ng tinig ang lahat ng mga taong may nais sabihin tungkol sa sarili at sa lipunang kinabibilangan niya. At sa pag laganap ng rap, ang mga Filipinong pinipi ng kanilang katayuan sa lipunan, ng kaku langan ng pormal na edukasyon, ng panghahamak ng humahawak ng kapangyarihan, ay magkakatinig. At kapag ang mga pipi ay nakapagsalita, isang hakbang na iyan sa pagtatamo ng mga Filipino ng masabi nating tunay na pagkakapantay-pantay ng mga mamamayan sa ating lipunan. (https://www.bulatlat.org)

Share This Post