Save Our Schools (SOS) Report: Salugpungan Ta’ tanu Igkanogon Community Learning Center

IMG_1658

School Profile 3: Salugpungan Ta’ tanu Igkanogon Community Learning Center, Compostela Valley, 5 Nob. 2015
Ni ROLAND B. TOLENTINO
Bulatlat.com

bu-op-icons-rt May limang guro sa Ta’ tanu Igkanogon Community Learning Center, at ang pinakasenior rito ay si Artemia Olivar, edad 54. Hanggang Grade 7 pa lamang ang kapasidad ng center. Pero mahaba na ang karanasan nito sa militarisasyon.

Noong Enero 2014, ang mga sundalo ng 9th Infrantry Division ay apat na buwang naglagi sa lugar, at pinalitan ng 71st Infantry Division ng limang buwan. Pumapasok ang mga ito sa kampus, at kinakapanayam ang mga guro’t mag-aaral.

Halos isang taon namang naglagi ang mga sundalo ng 41st Infantry Division, mula Oktubre 2014 hanggang Oktubre 2015. Natutulog sa daan ang 71st Infantry Division. Ang 9th ay parating dumadaan sa erya ng kampus, malimit din sa mismong loob ng kampus. Kinukuha ang mga pangalan ng mag-aaral at guro nang naka-civilian na suot ang mga ito.

Ipinagkakalat sa mga bahay at komunidad na NPA (New People’s Army) ang center, na ang kanilang mga programa ay hindi sertifikado ng DepEd (Department of Education). Nagpalabas din daw ang 46th Infantry Division ng video tungkol sa mga batang naging NPA. Natatakot din ang mga estudyante, isang Biernes, dahil kumukuha ng litrato ang mga sundalo.

May roving operation tuwing gabi ang nakadestino sa erya ng eskwelahan, mula 7 hanggang 10 ng gabi Inokupa ng mga batalyon ang barangay hall bilang kampo. Sinabihan din ang mga tagalugar na kapag pinag-aral nila ang kanilang mga anak sa center ay babawiin ang kanilang benefits sa 4Ps (Pantawid Pamilyang Pinoy Program).

Ang resulta ay sa 17 mag-aaral mula sa bayan na nag-aaral sa center noong 2014, isa na lamang ang bumalik sa 2015. Pabulong na sinabi kay Olivar ng mga magulang na mas gusto naman talaga nila sa center dahil sagot ang lahat ng gastos pero napilitan lang silang i-pull out ang kanilang anak dahil nga sa harassment ng militar.

Tatlong hektarya ng magandang bulubunduking lugar ang kampus. Bahagi ito ng network ng Save Our Schools (SOS) at Salugpungan na kinabibilangan ng mga sinusuportahang eskwelahan ng Misfi (Mindanao Interfaith Services Foundation, Inc.), Father Pop’s, EILER Balik-Eskwela, at ALCADEV. Walang tiyak kung gaano na karami ang bilang ng eskwelahan sa network na ito. Kahit pa may naipasara ang militar at barangay, lampas nang 100 ang eskwelahan.

Ang Salugpungan ay sariling inisyatiba ng iba’t ibang mga sektor at relihiyosong paniniwala na mabigyan ng oportunidad sa pag-aaral ang mga anak ng katutubo at mahihirap na Kristiano na walang ganap na akses sa edukasyon, pati sa inaakalang libreng edukasyon ng DepEd. At dahil inisyatiba ito ng mamamayan para bigyan ng kapangyarihan sa kaalaman ang mga naisantabing komunidad, ito ay tinatakot ng militar.

Ayon kay Olivar, dalawa sa mga eskwelahan ay kinampuhan ng 71st Infrantry Battalion noong 2014, apat bago mag-2015. Apat ang naipasarado dahil sa pagkampong ito. May isang guro ng agriculture ng Salugpungan ang umano’y dinakip noong Nobyembre 2014. Ipinagkakalat ng militar sa mga tagaroon sa bayan na walang card at Form 137 ang ipapamahagi ng center, at kung gayon, walang grado’t pagkilala sa pag-aaral.

Pitungpu’t limang porsyento ng nasa center ay katutubo, at sa pagdalaw ko roon, isang nakaangat na kahoy na school building pa lamang ang ginagamit na naglalaman ng isang malaki pero mapapartisyong klasrum para sa iba’t ibang mga grado. May hindi pa natatapos na bagong school building na yari sa konkreto. Makupad daw ang mga kontraktor ng mga proyekto, hindi lamang dito sa Compostela Valley.

Kumuha ako ng mga larawan ng estudyante, at makikinita sa kanila ang sigla at bisa ng makabuluhang pagkatuto. Totoong may gawain na hinihiling sa mga tumutuloy sa dormitoryo pero may sigla ang mga bata. Sa hapon na ito, may eksamen pang magaganap sa klasrum dahil hindi natapos ang isang sabjek sa nangyaring break sa klase.

Gayunpaman, nakangiti ang mga mag-aaral na mananaog at aakyat pa ng bundok para kumuha ng exam. Ang iba ay galing sa basketball, ang iba ay nagpahinga kundi man nagrebyu pagkatapos ng pananghalian. Tinatanaw ko ang grupo na umaakyat—takbo’t lakad–sa bundok, rinig ang paminsanminsan hagikgikan.

May pag-asa kahit dito sa liblib na bahagi ng Mindanao, na ang tanging mas mabilis na paraan ay umakyat-baba, gamit ang motorsiklo na sa maraming pagkakataon ay tila natuyong ilog ang makipot na kalsada. Ngayon ko lamang nadanas na kasya pala ang limang pasahero’t drayber sa isang motor.
Ilang beses na naumbog ang likod ko sa bakal na pantali ng bagahe ng motor. Bumabang may kirot ang likod na iindain ko ng ilang linggo sa pagbabalik sa Manila. Na kahit pa nagkaganito, masaya pa rin sa pagkakataong nakitang may kuko ng pag-asa sa hinaharap sa malayo’t malapit na Mindanao. (https://www.bulatlat.org)Ang mga litrato ay kuha ng may-akda.

Share This Post