Save Our Schools (SOS) Report: Misfi

School Profile 1: Misfi (Mindanao Interfaith Services Foundation, Inc.), Makilala, Baranggay Kisante, North Cotabato, 4 Nob. 2015
Ni ROLAND B. TOLENTINO
Bulatlat.com

bu-op-icons-rt Isang bus na byahe na mga dalawang oras ang layo ng Misfi school sa Makilala, North Cotabato. Sa pagbaba ng sinakyan, ang prominente’t malawak na bungad ng elementary school ng Department of Education (DepEd) ang natunghayan sa highway. Laking gulat ko na katapat lamang ng DepEd school ang Misfi school.

May simpleng wire na bakod ang eskwelahan, lubog ang harap dahil sa dati itong sakahan, at ang tanging hudyat na ito na nga ang Misfi school ay ang maliit at pinaglumaang tarp na naglalaman ng ngalan at lokasyon nito. Pero sa bukana pa lang, matatanaw na ang malawak na lote na naglalaman ng isang bahay na nagsisilbing administration hall-library-dormitoryo ng guro, isang school building ng mga apat na klasrum—dalawa ang nagagamit, dalawa ay katatayo pa lamang—at ang dormitoryo ng mga bata sa likuran.

Photo by Roland Tolentino
Photo by Roland Tolentino

May posting kawayan at watawat din sa tabi ng school building, na maliit siempre kumpara sa DepEd school. Pero kakatwa lang na mayroong dalawang schools na magkatapat pa sa Makilala. Sa pakikipag-usap sa mga titser matutunghayan ko ang kadahilanan.

Siyamnapu’t walo ang estudyante. Kalahati ay mga Lumad, at kalahati ay Kristianong hindi kaya ang ‘libreng matrikula’ (pero dinadaan sa ‘other fees’ ang gastusin sa pag-aaral) ng DepEd school. Ang mga Lumad ay mas mahirap ang akses sa edukasyon dahil nga malalayo ang kanilang lugar, at napakaliit ng pinagkakakitaan.

Sa Misfi school, katulad ng iba pang kasama sa network ng Save Our Schools (SOS) at Salugpungan, libre ang lahat ng gastusin: pagkain, boarding, school supplies, at iba pa. Stay-in ang mag-aaral sa magkahiwalay na panlalake’t pambabae seksyon sa dormitoryo. Para ito maibsan ang gastusin pa sa pamasahe, hindi maantala ang at magkaroon ng focus sa pag-aaral. Sa akademikong taon na ito, hanggang grades 7 at 8 pa lamang ang antas sa Misfi school.

Limang magkakalayong barangay ang sineserbisyuhan ng Misfi school, at ng limang dedikadong guro nito. Mahirap para sa mga guro ang pagtuturo rito dahil iba-iba ang pagpapalaki sa mga bata, iba-iba rin ang kulturang pinanggagalingan. Kahit pa nga ‘Lumad’ ang tawag sa mga katutubong bata, marami pa ring ibang etniko-lingwistikang grupong nakapaloob rito.

Kailangan ng flexibilidad sa pagtuturo. May tendensiya kasing maglabas-pasok ang mag-aaral sa klasrum, lalo na kung hindi nag-e-enjoy ang ilan sa aktibidad. Kaya parati isinasaalang-alang ng mga guro na gawing masaya’t makabuluhan ang kanilang aktibidad sa loob at labas ng klasrum.
Nagturo si Leah, “para makatulong sa mahihirap.” Mahalaga sa kanya na ibahagi ang kaalaman sa mga-aaral para maipagpatuloy ang diin sa edukasyon sa mga susunod pang mga henerasyon.

Photo by Roland Tolentino
Photo by Roland Tolentino

Dati namang nagtuturo sa private school na pangmayaman si Luningning. At kapansinpansin ang magkaibang kapaligiran sa kanyang pagtuntong sa Misfi school. Ang ginawa niya dahil gusto niyang matuto rin sa kultura ng mga bata ay ina-adapt niya ang natutunan niyang aspekto ng kultura sa aralin para sa loob ng klase. Wika niya, “Masarap magturo dahil kahit maliit ang sweldo, malaki ang appreciation sa aralin.” MAPE (Music, Art at PE) tuwing M-W-F (Monday-Wednesday-Friday) ang turo ni Luningning.

Si Jomar ang nag-iisang lalakeng guro, at asawa ni Leah. Dito sila nagkakilala at nag-asawa, at sa dalaw ko, mayroon na silang isang sanggol na pinalalaki sa kanilang kubo sa kampus. Kapansinpansin para kay Jomar na maraming bata ang gusto talagang matuto, at tulad ng iba pa niyang kasamahan sa Misfi school, gusto rin niyang “i-share ang kanyang nalalaman.”

Agrikultura ang sabjek ni Jomar, at tadtad ang paligid ng mga proyekto ng estudyante: vermiculture, pag-aalaga ng free-range na manok (na siyang pinanggalingan ng isinakrifisyo para sa tinolang aming naging late lunch), gulayan, sakahan ng bigas, tanim na saging (na ang ubod ng puno ay nagiging ulam din kapag kulang ang budget sa pagkain), at mga puno ng prutas. Nais niyang “mapanatili, hindi mapabayaan ang kanilang kultura.” Maging ang mga Kristianong bata ay kabilang din sa maraming etniko’t katutubong grupo.

Multi-level grades ang mga klase. Sa pagpapakilala ng mga mag-aaral, si James, edad 13, ay kalahating Ilonggo’t Ilianon; si Jigger ay pangarap na makapagtapos sa pag-aaral; si Anglica, edad 14, kalahating Lumad at Sebwano, ay gustong maging “good nurse”; si Julie Mae gustong maging guro para “makatulong sa kapwa,” ni Gabriela, edad 14, na “gustong magturo sa Lumad,” at ni Clip, edad 15, kalahating Bagobo’t Waray; si Ronel, edad 14, ay Bilaan at gustong makatapos ng “automotive,” si Rovelyn ng pagpupulis, at si Nikos, edad 12, na maging seaman.
Minsan kapag aburido si Leah sa klase maiiyak na lang ito dahil tila hindi nakikinig ang mga bata. Pabirong sasabihin, “Aalis na nga lang ako. Hindi na ako babalik, pasaway naman kayo.” Matapos ang klase, tulad din kay Luningning, may batang mag-aabot ng pirasong papel na may nakasulat, “Ma’am, ‘wag po kayong umalis.”

Photo by Roland Tolentino
Photo by Roland Tolentino

Si Jomar naman ay binibigyan ng mga bata ng bracelet at bulaklak. Gawa ng mga ito ang bracelet, mula sa beads na gamit sa kanilang kultura. Sila rin ang adviser sa mga student organization, tulad ng SBO (student body org), health, at clubs sa lahat ng sabjek.

Pinagbubuti nila ang kanilang pagtuturo, at naghahanda rin para sa board exam. Tinanong ko kung ano ang gagawin nila kapag pumasa sila sa board? Isa lang ang nagsabi na mapapaisip siya ng dalawang beses kung aalis siya at magtuturo sa DepEd school na relatibong mas mataas ang sweldo. Ang mas marami, mananatili sa Misfi school at ang walang katapusang posibilidad na magturo at matuto sa kanilang mga mag-aaral.

Nagmiryenda kami ng nilagang saging na tubo’t inani mula sa kanilang sagingan. Matapos ay nag-alay ng dalawang awit ang mga mag-aaral, at ang tuminag sa akin ay ang awit ng mga lumad hinggil sa dowry. Nakatayo, nakaupo, nakasandal sa dingding, ang lahat ay masikhay na umaawit dahil hugot sa kanilang kultura na marahil sa kanilang karanasan sa pag-aaral ay dito lamang sa Misfi school nila malayang naaawit.

Magaan ang byahe pabalik ng Davao, at dahil hindi pa nagkaroon ng pagkakataong makatikim ng napapanahong lansones, bumili ako ng isang kilo sa stopover. Nilamlam ko ang tawis ng lansones habang nakatanaw sa luntiang paligid ng dakong ito ng Mindanao, at ng walang katapusang posibilidad na rin nitong henerasyon ng mag-aaral, at ng mas marami pang susunod sa kanila. (https://www.bulatlat.org)

Share This Post