Ni ROLAND TOLENTINO
Bulatlat.com
“World peace” ang karaniwang sagot sa interview portion sa beauty pageants, kung ano ang wini-wish ng aspirant. World peace dahil labas ito kahilingan para sa sarili lamang. World peace bilang ideal na ang mga bansa, tao, politikal at ekonomiyang sistema ay nagkakaisa. Hindi masamang pangarap, pero hindi nga ba?
Nang mag-concert si Madonna sa break ng Super Bowl, ang campiness ng kanyang performance ay higit na pinatingkad nang lumabas sa higanteng screen sa flooring ng stage ang “World Peace” at “Vogue.” Vogue (bilang brand ng high-fashion magazine, sayaw ng mga bading na lalong pinasikat ng singer sa kanyang dance tune na may kahalintulad na titulo, at bilang uso’t fashionable) ang world peace: sosyal, lumabas na sa domeyn ng beauty pageants, uso, napapanahon, isa na ring brand.
Ang peace logo ay ang tatlong sticks na pinagdugtong sa sentro at nasa loob ng bilog. Ito ay familiar na disenyo sa T-shirts at campaigns. Ang peace sign ay ang V sa kanang kamay (V for victory). At ito naman ay naging familiar na pose, na unang nakita sa mga kabataang Hapong babae na ang peace sign ay nakatutok sa mga mata. Double-peace pa nga dahil sabay itong ginagawa ng magkabilang kamay.
Ang “world peace” ay hango sa pacifist na ideal na anti-war at anti-violence, na sa pamamagitan ng isang wish, ang kinabukasan ay magniningning at ang mga kontradiksyon ay naalmirol at naplantsa na.
Unang binigkas sa modernong panahon ang pacifism ni Emile Arnaud, at ang naging mga figura nito ay sina Mahatma Gandhi at Martin Luther King, Jr. Ang quintessential na pahayag hinggil dito ay ang sinambit ni Rodney King, isang African American na binugbog ng mga pulis, at nang matapos ibigay ang hatol ay nangyari ang Los Angeles Riots noong 1992, “Can we all get along?”
Binugbog na, pero world peace pa rin ang utopia. Nakaligtaan ni King ang racial at class na impediment sa riots, at ang kinahinatnan tungo sa mas ibayong konserbatismo ng estado. Na hindi naman hiwalay sa stereotipo ng beauty contestant na all-form minimum-content na pagkanilalang, na ipapaliwanag ang konsepto ng world peace ay hindi nito lubos na kakayanin, magiging dahilan ng higit na stammer, long pauses, at repetitibong “ah” at “you know…”
Tunay na “Miss Congeniality” dahil nga alam ng contestant na mas malaki ang tsansa niya sa chuwariwap na award na ito kaysa maputungan ng korona. Kaya kinakarir ang pakikipagkaibigan at pagiging secretary-general sa international beauty pageants bilang analog ng United Nations.
Ang world peace ay pagbubura sa tunay na kaganapan, sa mga kontradiksyong historikal at panlipunan. Ang world peace ay deklarasyong “enough is enough” sa parehong naganap na sistemang kaapihang nagdulot ng matinding karahasan sa mayorya, at sa makatarungang karahasang tunay na makakatugon sa hinaharap. Complicit ang proyekto ng world peace sa pagmimintina ng estado poder.
Ito rin ay imahinasyon ng “new world order,” kung saan ang mundo ay ginagabayan ng utopia ng kapayapaan. Walang world peace noon at sa kasalukuyan, kaya ang artikulasyon nito ay sa utopia ng hinaharap, na kailanman ay hindi mangyayari sa inaakalang pamamaraan, na gigising na lamang ang lahat na may pandaigdigang kapayapaan na.
Kaya ang level ng komprehensyon at apresiasyon sa world peace ay sa antas lamang ng camp o exaherasyong maaring tumukoy sa posibilidad ng konstruksyon ng kontraryong ideal bilang dekonstruksyon ng awtoritarianismo. World peace bilang sagot sa beauty pageants o retorikal na tagline sa mini-concert na lipsynching Madonna, pero lampas dito, wala itong pwersa.
Angkop ang sinabi ni Marx noon pa man, “The meaning of peace is the absence of opposition to socialism.”