Gentrifikasyon ng Divisioria at shopping

Ni ROLANDO B. TOLENTINO
Bulatlat.com

Kilala ang Divisoria bilang lugar na bagsakan ng mga produkto. Dati ay mga gulay at prutas na inaangkat sa food bowls ng Kordilyera hanggang Mindanao, maging ng spesyalisadong tanim tulad ng bawang sa Ilokos at niyog sa Bikol. Ngayon ay dry goods na galing sa China at iba pang lugar na mas mura itong angkatin.

Nauna na ang imahen ng Divisoria na matao’t magulo. Kimkim ang bag, kundi man nakatago ang pera sa ibang bahagi ng katawan. Siksikan ang kalsada para makatumbok ng bargains. Peligroso ang lugar para sa gitnang uring naghahanap ng value-for-money.

May direksyon ng pagdaloy ng produkto: ibinabagsak sa Divisoria, pangunahin sa mga bodega ng negosyante na nasa distriktong ito; matapos ay ikakalat sa iba’t ibang bahagi ng Manila at karatig-lugar ng mga namamakyaw, at ng mga manininda sa kalsada.

Bahagi ng underground economy ang maliliit na negosyante dahil walang VAT, buwis sa syudad, pwestong binabayaran, at iba pang kahilingan sa formal na ekonomiya. Ngayon, ang direksyon ay papaloob muli sa sentralisadong distribusyon sa loob ng establisyimento ng pribadong negosyo: ang mall.

Ang Divisoria ay may apat na higanteng malls. Ang una ay ang restorasyon ng Philippine National Railways na stasyon sa Tutuban Mall. Ngayon ay binubuo na ito ng tatlong clusters: Centermall, Prime Block Mall at Cluster Building. Sa isang bandang minintina ang karakter ng pangunahing PNR station (itinayo noong 1892), ang dating daungan ng biyaheng pa-Norte at pa-Bikol; sa kabilang banda naman, ito na ang neoliberal na pribatisasyon na ang serbisyong publiko’y naglalaho para paboran ang pribadong negosyo, serbisyo at kalakaran.

Sumunod dito ang higit na pagpaloob ng retail shopping (at bago ito, ang distribusyon na) experience sa mall. Kung sa Tutuban Mall, mayroon pang uswal na franchise stores, tulad ng Bench at National Bookstore, ang tatlong nagsunuran na malls, maliban sa outlets ng pagkain, ay purong retail outlets ng iba’t ibang dry goods at ilang grocery at perfumery na items.

Nauna rito ang 168 na spektakular lang ang lawak at sakop ng gusali. Pinakamalaki ito at may tatlo o apat na pares ng escalators para igiya ang mamimili sa iba’t ibang palapag ng produkto. Walang order at clustering ng produkto rito, maliban sa tangka na sa main escalators na magkaroon ng palapag para sa “food court,” “electronics,” “clothing,” at iba pa.

Ang pangunahing kakumpetensya nito ay ang 999, na mas magulo pa rin ang ayos. Palapag-kete-palapag ng walang katiwawaang paninda ng damit at dekorasyong pambahay sa kalakhan. Kung may natagpuang kang pwesto at ikukwento mo ito sa kaibigan, mahihirapan kang magbigay ng direksyon sa eksaktong lugar. Mas masikip ito dahil bawat espasyo ay itinalaga para maging retail na pwesto.

Nagbabadya pa ang 999 ng isang extensyon sa tapat nito para higit na kumpitensyahin ang 168. Hindi ko matiyak kung ano ang apila ng numero bilang ngalan ng malls. Ang naisip ko lang ay ang asosiasyon ng bilang sa presyo: na ang mall ay sa itinalaga sa ngalan ng retail na tubo. Sa pagkaalaala ko sa business courses, mainam daw ang di-saktong pagprepresyo; halimbawa, P999 imbis na P1,000 dahil iisipin daw ng mamimili ang afinidad sa mas mababang halaga (daan) kaysa sa mataas (libo).

Ang pinakabago—at kakalog-kalog sa oras ng pagsusulat nitong kolumn—ay ang City Place Square na para nang (exklusibong bahagi ng )“Greenhills” ang hitsura at pakiwari. Pinakamaayos at malinis bagamat ang kalidad ng paninda ay kahalintulad din sa 168 at 999.

Hindi kakatwa na itong malls ang bagong triumvirate ng gentrifikasyon ng Divisoria at shopping. Kung sila ang mga pwesto sa gitna ng pasilyo ng Tutuban Mall at iba pang mall, sa triumvirate, sila ang hari. Matagumpay na naipaloob at naging primaryong bentahe ng triumvirate ang gitnang uring panuntunan ng pamimili para sa branding ng Divisoria.

Diskwento pa rin, mas mura kaysa Cariedo (pati na ang street market nito), at higit na mas mura sa inaakala nang gitnang uring bargain hunters sa Greenhills. Ang street market ay hindi lamang ipinaloob sa mall, ginawa pang tampok na come-on para sa malling experience.

Wala nang pagpapanggap. Bargain kung bargain, pero sa isang ligtas, maaliwalas at sterilisadong lugar: gitnang uri minus ang agam-agam ng gitnang uri. Ang agam-agam ay nanumumbalik, tulad ng anupamang karanasang mall, sa kagyat na paglabas ng mall, sa pagpapatuloy pa rin ng pamilihan (pati na ang kahirapan, peligrosong buhay, kawalan-katarungan, at kajologan) sa kalsada.

Dito sa enclave ng Divisoria, ang pakiwaring gitnang uri (ang global na gentrifikasyon ala Hong Kong at Singapore) kahit pa hindi aktwal na gitnang uri (pedestrian maller, window shopper, pitik gang member) ang siyang naghahari! (https://www.bulatlat.org)

Share This Post