Politikal na Filmmaking

Ni ROLANDO B. TOLENTINO
Kulturang Popular Kultura
Bulatlat.com

MANILA — Sa kasaysayan ng pagsisimula at pag-unlad, ang pelikula ay isang politikal na media. Politikal dahil malinaw ang mga kolonyal, komersyal at neokolonyal na interest sa pagtataguyod ng filmmaking sa bansa. Na siyang magiging paraan ng pagpapahiwatig ng gitnang uri at maka-estadong politisisasyon ng karanasan, na ang kasiyahan ay idudulog lamang sa daluyan nitong parametrong nakakapagkahon sa entrada ng kasaysayan, realidad at aktwal na politikal na transformasyon.

Sa maagang yugto ng Amerikanong kolonialismo, isinugod ang aparato ng kamera para tunghayan ang ilang segundong mga imahen ng bagong kolonya: tranvia at Escolta, sabong, aktibidad sa tulay sa Maynila, at iba pa. Ang ganitong kalakaran ay isinagawa ng mismong mga pangunahing imbentor at negosyante ng pelikula—ang paglikha ng mga dokumentaryo ng exotikong lunan at kaganapan.

Tinutunghayan ang mga imahen at maiigsing pelikula sa arcade, tulad sa computer at iba pang machine-oriented games sa makabagong arcades na Time Zone, halimbawa. Naubos ang novelty ng pelikula sa arcades. Niriimbento ang laman ng pelikula, mula dokumentasyon tungo sa pagkukwento. Integral ang kolonialisasyon ng Pilipinas sa transformasyon ng tunguhin ng pelikula.

Maaring i-search ang paper print collection ng Library of Congress, at matatagpuan dito ang ilan sa mga pelikulang nakafokus sa Philippine-American War. Ito ay kundi mga newsreel ukol sa okupasyon ng Amerikanong sundalo sa Pilipinas, ay mga naratibisasyon ng Amerikanong sundalong kalahok sa digmaan. Karamihan ng maiikling feature films ay shinoot sa studio at likod ng studio ng Amerikanong imbentor na si Thomas Edison.

Tumabo sa boxoffice ang maiigsing feature film. Nagbukas ito ng mga imbentong imahen ukol sa bagong kolonya ng US, na sa panahon (194ng okupasyon ay walang kaalam-alam ang maraming mamamayan nito sa lokasyon at hitsura ng Pilipinas. Naging instrumental ang pelikula sa pag-akda ng popular na imahinaryo ng Pilipinas para sa okupasyon ng US.

Sa panahon ng Hapon, may tatlong pelikulang ginawa para sa okupasyon ng bansa: Dawn of Freedom, Tatlong Maria, at isang full-length na documentary. Ang unang dalawa ay feature films hinggil sa kabayanihan ng mga sundalong Hapon sa bansa, ang atraksyon ng mga Filipino sa mapanupil na Amerikanong kaayusan, at ang pagkiling ng mga Filipino sa bagong mananakop. Matapos ng World War II, babalik sa imahen ng panunupil ang Hapon at dakilang kabayahihan ang mga Amerikano.

Sa pag-unlad ng Cold War na ang mundo ay hinati sa spero ng influensa ng US at Russia, ang industriya ng pelikula sa bansa ang kinasangkapan ng US State Department para lumikha ng anti-komunistang mga pelikula para sa distribusyon sa Asia. Ang mga natatanging direktor sa panahong ito, mga gagawaran ng National Artist Award sa hinaharap, ang lumahok sa proyektong ito. Si Manuel Conde, halimbawa, ay gumawa ng Krus ng Kawayan (1956) na mayroong bersyon sa ingles, Tagalog at Vietnamese.

Ang isang mas di hayag na politikal na proyekto ay ang subkontrakwal ng B-rated movies ng Hollywood sa industriya ng bansa. Kasama rito ang mga pelikula nina Cirio Santiago hanggang sa era ni Wengweng, ang bansot na James Bond hero, mga black exploitation film o prison films (mga babaeng nagra-riot sa preso at bukid), na ang kitsch nito ay maglulunsad ng interes ng ibang direktor (Quentin Tarentino) at manonood sa ibang panahon.

Sa panahon nina Marcos, ang pelikula ay titingkad ang papel sa nation-building. Hindi nga ba’t ang matagumpay na eleksyon at reeleksyon ni Marcos ay inilunsad ng matatagumpay na pelikula? Ginamit na batayan ng moral na degeneracy ng bansa ang proliferasyon ng pelikulang bomba. Matapos ideklara ang martial law noong 1972, ipinatupad ang mga alituntunin ng censorship na pati script bago magshooting ay kailangang dumaan sa sensura, bawal ang stills na nagdidispley ng harapan ng babae o baril, at kung ano-ano pa.

Naalaala ko ang stills na nakadispley sa sinehan ay tino-touch-and-go ang hugis ng baril at ginagawang mas disente ang bathing suit ng babae. Ang mga Marcos ang nagpabalik sa Metro Manila Film Festival bilang taunang showcase ng pelikulang Filipino. Sila rin ang nag-bureaucratize ng industriya sa pamamagitan ng pagbuo ng pinakamaraming ahensya para sa pelikula.

Kakatwa na kahit na pinakamaigting ang kontrol sa pelikula ng diktaduryang Marcos ay yumabong ang tinatawag na second golden age ng pelikulang Filipino. Ito ang mga artistikong pelikula na malakas ang panlipunang komentaryo, kahit hindi direktang nakakapagkomentaryo sa diktadurya. Kontraryo ang maraming pelikula sa dikta ng diktaduryang isaalang-alang lamang ang “the true, good, and beautiful” sa pelikula.

Ito rin ang panahon ng umusbong ang aktibismo sa pelikula. Sa pamamagitan nina Lino Brocka, Pete Lacaba at Ishmael Bernal, at ang pagkatatag ng Concerned Artists of the Philippines, naging pangunahing daluyan ito ng aktibismo para sa kalayaan ng artista at ng sambayanan. Sila ang isa sa mga pangunahing nagprotesta sa edifice complex ng mga Marcos sa pagtaguyod nito ng bonggang Manila International Film Festival sa gitna ng krisis ekonomiya.

Share This Post