Whistleblower: Tsutsu o Bayani?

Nauna na ang kaso na tinawag na “ST 72,” na may 72 kataong kinasuhan ng murder at multiple murder noong 2008, marami ang inaresto at dineteyn. Kabilang dito ang mga prominenteng lider at tagasuporta ng people’s organizations, party-list groups at non-government organizations sa Southern Tagalog (ST) region. Si Atty. Remigio Saladero Jr., tagapagtanggol ng mga manggagawa sa kasong rebelyon, ay kinasuhan mismo, kasama ng lima pang aktibista, at kinulong sa Mindoro ng tatlong buwan. Matapos, may panibago na namang kasong iniharap sa kanya. Kasama rin si Atty. Saladero sa “Montalban 62” na nagkaso sa 62 aktibista sa Montalban, Rizal.

Kabalintunaan nang sa araw na dapat ay ginawa ni Atty. Saladero ang murder na ikinaso sa kanya, siya ay naglelektyur hinggil sa anti-terrorism law sa ibang lugar. Ang isa pang kaso ay ang “Batasan 6,” na anim na representatibo ng party-list groups na Bayan Muna, Anakpawis at Gabriela Women’s Party ay kinasuhan ng rebellion, at nadeteyn sa Batasan Complex ng ilang buwan. Ang yumaong lider ng paggawa Representante Crispin Beltran ng Anakpawis ay nagdusa ng lampas ng isang taon sa hospital detention dahil sa naturang kaso.

Sa isang kahalintulad na kaso, si Representante Satur Ocampo ng Bayan Muna ay dineteyn at halos ma-airlift sa Hilongos, Leyte para sa kaso ng multiple murder batay daw sa mga mass graves sa naturang probinsya. Binigyan siya ng provisional liberty ng Supreme Court pero ang isang inakusahan din sa kaso, ang lider ng grupong pesante, si Randall Echanis, ay nananatiling nakakulong sa Manila City Jail.

Nitong Abril 2009, ayon sa followup report ni Phillip Alston, ang UN Special Rapporteur, ay itinalaga na ang kanyang rekomendasyon na buwagin ang IALAG ay hindi pa tinutugunan ng administrasyong Arroyo. Ang peryodistang si Carlos Conde, freelance writer ng New York Times, International Herald Tribune at Globalpost.com ay sinasabing napapabilang na sa “order of battle” ng AFP, itinalaga na bilang kaaway ng estado at kung gayon, dapat lupigin.

Hindi na maitatwa na ang gawa-gawang kaso at rekurso sa litigasyon sa korte, ay isang sistematikong instrumento ng panunupil ng administrasyong Arroyo, kahit pa ang kanyang kamay, tulad sa magic, ay hindi nabubunyag kung ano o sino ang nasa likod ng orkestrasyon laban sa naglalantad ng katotohanan. Ang dapat ding itinanong ay kung bakit?

The race is on. Matagal nang nagsimula ang pagmamaniobra para sa 2010 elections. Ang rekurso ba sa sistemang ligal ay konektado sa di mamatay-matay na plano ni Arroyo na manatili sa kapangyarihan, kundi man, mapanatili ang kanyang faksyon sa susunod na eleksyon? Buhay pa rin ang scenario ng no-elections sa 2010, o ang charter change na magtitiyak, among other things, ng bagong mandate kay Arroyo? Paano konektado ang legal harassment sa extrajudicial killings at desaparsidos bilang koordinadong kalakarang ang layon ay politikal na panunupil?

Walang katumbas ang “whistleblower” sa Filipino na may kasing dakilang pakahulugan. “Truth seekers” pa nga ang isang inilalako sa diskurso ng civil society. Ang kolokyal na tawag sa mga nagsusumbong at nagsasabi ng katotohanan ay sipsip at tsutsu. Negatibo ang dating ng mga sipsip at tsutsu. Walang sariling gulugod, napakafokus ng gawain at atensyon, nakasandig lang sa isang mas may kapangyarihan. Kaya walang monumentong ipinagpapatayo para sa journalists, abugado at tagapagtanggol ng karapatang pantao, tagapagbantay laban sa korapsyon at iba pang pang-aabuso.

Pero sa diwa at puso ng nakikibakang mamamayan, ang pagpupursigi para sa katotohanang ikinukubli ni Arroyo ay isang maningning na kaisahan sa maraming dapat singilin sa mapang-abusong rehimen. Panagutin at tutulan ang anumang planong manatili si Arroyo sa kapangyarihan, o ang kanyang mapipiling miron sa susunod na eleksyon. Ito ang atas sa kasalukuyang historikal na antas para sa bayanihan ng nakikibakang mamamayan, whistleblowers, journalists at tagapagtanggol ng katotohanan.

—–
Pinagbatayan ng sanaysay ang press statement ng Pagbabago sa okasyon ng forum na “Trumped-up Charges: Suppressing the Truth and Silencing Dissent,” 21 Mayo 2009.

Share This Post

One Comment - Write a Comment

  1. · Edit

    Maliwanag na nasaad sa artikulong ito na mas lalong lumala pa ang ating sitwasyon matapos ang matagumpay na pakikibaka ng bayan sa EDSA 1.

    Masakit man isipin ngunit marami ang nagsasabing mas mainam pa rin ang sitwasyon noong panahong si Marcos lamang ang kinikilalang makapangyarihan sa bansa.

    Kahit na napakasaklap ng sinapit ng libo-libong aktibista at mamamahayag sa kanyang kamay na bakal, kagaya ng nasaad din sa artikulong ito, malinaw ang kanyang kamay sa pagmamaniobra sa oposisyon.

    Hindi ko maiwasang magtanong kung ano na ba talaga ang nakamit natin mula sa EDSA 1? Kalayaan ba ang talaga ang ating natamo o lalo lang nating natagpuan ang sitwasyong mas masahol pa sa tunay na diktadurya?

Comments are closed.