a
Eraserheads, McDonalds at Global na Krisis
Published on Mar 7, 2009
Last Updated on Mar 7, 2009 at 3:22 pm

ADVERTISEMENT

Personalisado ang delivery ng serbisyo sa pamamagitan ng personal na apila sa batang matatandang may kapangyarihan—kahit pa lumiliit—na makapamili pa rin. At ang soundtrack ng apilang ito ay ang “Huling El Bimbo.” Trahedya ang kanta dahil sa nostalgiang binabalik-balikan ng lalakeng persona ng awit. Ang batang babaeng kanyang inibig ng siya’y batang-bata pa, ay lumaki’t nagkamuwang hanggang sa magkahiwalay ng landas.

Nabalitaan na lamang ng lalake na tagahugas na ng pinggan ang babae sa may Ermita, ang dating redlight district sa Manila. Isang araw ay nahagip ito ng sasakyan at namatay. Pero may malaking bagay na tinuran ang babae sa lalake, kung paano mabuhay at manatiling inosente, kung paano ang alaala ay nananatiling buhay. First love ever mode din, hindi ba, ne?

Sa edad ng global na krisis, ang waning ng innocence ay katumbas ng nostalgia sa pagyao at pagkawala nito. Wala naman talaga ito sa simula’t sapul pero parang nandiyan sa panahon ng matinding anxiedad ng kasalukuyan at hinaharap. Coping mechanism, kumbaga. Pero sa edad ng krisis ng kapitalismo, ito ay buying time para lamang muling ma-jumpstart—masibong dole-outs sa nabangkaroteng higanteng negosyo, pumpriming, investment sa infrastructure, pooling ng reserve funds, at iba pa—ang tinaguriang “abnormal” na sitwasyon.

Na ang hindi isinasaad ay ang abnormal na krisis ang normatibong kalakaran ng kapitalismo. Na parang ang pagbalusak ay walang ibang patutunguhan kundi ang pag-akyat ng ekonomiya. Kahit pa ilang dekada ang tinatayang aabutin bago makaahon sa kasalukuyang krisis. In the meantime, mag-nostalgia trip muna tayo down fictitious at image-laden memory lane.

Ano ang ginugunita kung ang nakaraan ay wala naman, o hindi naman ganoon? Na paraan na rin nang pagsaad na ano ang pinaglalamayang ayaw ilibing? At ito ang kapitalismo, na higit pa sa kasalukuyang pandaigdigang krisis nito, ang krisis ay nagmumula rin sa ethos nito. Ano ang silbi ng kapitalismo kung nagiging bangkarote naman ang higanteng negosyo, maging ng may-ari ng mga tahanan, o nananatiling walang tirahan ang mahihirap?

Sa komersyal, hindi na isinama ang trahedya sa kanta, na panibagong anyo rin ng pagbura sa pait at pagkaparalisado sa personal na krisis. Ang isinama lang ay ang bahagi na makakasaklaw sa pinasasaklaw na ethos—nostalgia trip lang, hindi yaong nakakasapat para ma-bad trip, na isa rin naman propensidad ng sinumang nagnonostalgia. Hindi yaong sukdulang nakakapilay, yaong nakakahawa lang ng sama ng purong loob.

Para lamang may apresiasyon sa kabutihang loob. Sa huli, kahit hindi nagtuluyan ang kamukha ni Paraluman at ng lalakeng persona sa kanta, o ang paslit na magsing-irog sa kanilang pagtanda sa komersyal, hindi ito ang mahalaga. Ang mahalaga ay ang pagiging dakilang pag-ibig ng unang pag-ibig.

Bakit may fasinasyon ang nostalgia ng kapitalismo sa “first”? First time, first kiss, first love, first sex, first child, first apo, first death in the family… Gayung nakakatiyak naman na hindi ito ang huli sa sikliko ng konsumpsyon at family values sa kapitalismo. Dahil ang unang karanasan ang nagmamarka, ang susunod ay pababa na ng tama.

Unang beses sa mall, halimbawa, naliligaw ka pa, pero mahalaga ang una dahil nagmamarka ito ng kabuuang impresyon at pakiwari. Na ang impresyon at pakiwari ay hindi maantala na ibo-boycott mo na ang mall kundi mahihimok ka muli’t muling bumalik. Sa madaling salita, ang una ang adbenturang nagtatakda ng ritualisasyon ng konsumpsyon sa kapitalismo, para matiyak ang produksyon ng sobrang halaga at kita.

 Save as PDF

BE A BULATLAT PATRON

A community of readers and supporters that help us sustain our operations through microdonations for as low as $1.

ADVERTISEMENT

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Pin It on Pinterest

Share This