a
Gloria Arroyo bilang Panlipunang Sakit
Published on Jul 12, 2008
Last Updated on Feb 4, 2011 at 9:44 pm

ADVERTISEMENT

Ang tao, nananatili na lamang nakalutang sa fantasya na ayaw pang kilalanin ang historikal na pinaglulugaran:  ang pagdarahop na lagay dulot ng krisis pampolitika (serialisadong pangungurakot at pandarambong sa mamamayan), pang-ekonomiya (pagdoble ng presyo ng gasolina sa loob ng kalahating taon, pagtaas ng presyo ng bilihin, kawalan ng supply ng bigas), at panghustisya (sino ba lamang ang pumipila para sa bigas, ang nakararanas di kumain ng ilang araw, halimbawa?).

Tunay naman, Santa Gloria, “Ramdam ang kahirapan!”  Ang iyong isinasaad na “Ramdam ang kaunlaran” ay dulot na lamang ng konstruksyon ng imaheng matagal nang inilalako kundi man nabili na rin ng mamamayan.  Gusto nang lahat na yumaman, ayaw maghirap.

Gusto nang lahat na magkaroon ng regular na trabaho, ayaw mawalan ng trabaho.  Gusto nang lahat na kumita nang maayos, ayaw ng pangingikil at pagsandal sa iba.  Kahit hindi naman nangyayari ito.

Ang ramdam ay ang afektong dulot nang pananalig na mababago ang mundo kahit hindi naman.  Ramdam lang naman, as-in feeling.  Feelingera, kung baga, dahil sa esensya ay hindi nga gayon.  Mas magiging makatarungan ang lipunan, kahit hindi pa nga at hindi lalo kay Arroyo.  Ang ramdam na ito ang nagtataya sa mabuting kinabukasan, kahit hindi nga.

Kaya si Arroyo ay isang panlipunang sakit dahil pinalulutang na lang niya sa ere ang ating ramdam.  Kung kay Joseph Estrada ay ninakaw niya ang panaginip ng masa, ginamit -para sa kanyang sariling personal at politikal na layon, si Arroyo ay hindi na binigyan ng pagkakataon ang masa at mamamayang managinip pa.

Ipinagtanto na lamang ng masa ni Arroyo ang pambansang kaunlaran na isinisiwalat ng kanyang manininging na statistika bilang dalumat na pag-unawa ng indibidwal na kaunlaran.  Napapaniwalang umaangat tayo dahil ito ang isinasaad ng balita, komersyal ng produkto, telenovella, at malling ang posibilidad ng pag-angat.

Na hindi na napapansin ay ang lahat ng posibilidad ay hindi naman talaga nagsasakatuparan ng aktwal na pag-angat kundi pakiramdam lamang.  Ang ramdam ay pakiwari dahil nagsasaad ito ng kontexto ng kaunlaran—na ito ay nararamdaman na kahit hindi naman aktwal na nadadama, at lalong hindi mabibigyan ng pagkakataong madama pa.

Para itong pep talk sa sarili o ng coach sa basketball.  Pinangungunahan na ang magaganap kahit pa talunan naman talaga ang kahihinatnan, kahit pa hindi pa nagsisimula ang laro.  Sino ang talagang kinakausap ng sarili sa salamin?

Ibig sabihin, ang nagawa ng Arroyo disease ay papaniwalain ang mga tao hindi ng kaunlaran kundi ng reafirmasyon ng kanilang pag-estima sa ofisyal na diskurso bilang obhetibong realidad ng sarili.  Maunlad ako dahil ramdam ko ang kaunlaran, kahit pa wala naman aktwal na substansya ng demokratikong kaunlaran na nagaganap sa bansa.

Sapagkat ang mga statistika ay hindi naman lubos na nagsisiwalat ng detalye hinggil sa diskrepansyang uri, kasarian at sexualidad, lahi at etnisidad na profiling, across-the-board ang napaparating nitong pambansang pakiwari.  At kung gayon, ang napaisip ay hindi ang pagkaetsapwera kung hindi ang pagka-joiner sa kolektibo.

Isinadlak ni Arroyo ang maraming mamamayan sa pagiging social climber sa buhay.  Gustong umangat, ramdam ang pagkaangat.  Kahit pa nakasarado ang pinto ng oportunidad at tunay na pag-unlad, sa pamamagitan ng charity work politics niya (ang gamit sa kitty ng Pagcor, Lotto at Sweepstakes) nadarama ng masang nagmamanikluhod sa kanyang kapangyarihan.

Dati, dahil nag-aaral ako sa ibang bansa, kapag bumabalik ako sa Pilipinas, ang isa kong panuntunan kung may pag-unlad ay kung may infrastruktura at moral na pagbabago.  May bago bang flyover na naitayo, tulay at kalsada?

Gusto ko na lamang itong tunghayan bilang tapos na artifact.  Nakakamatay dumaan araw-araw sa lugar na pinagtatayuan ng flyover dahil biglang tumitigil ang panahon at nababalaho ang espasyo.  Araw-araw na pagdurusang ganito o instantaneous na gratifikasyon?

Sa panahon ni Fidel Ramos, tila nga totoo na mas maraming nabibili ang perang kinita.  Lahat nang ito bago ang global na krisis ng 1997.  Biglang naghigpit na ng sinturon at magpahanggang-gayon ay hindi naman lubos na nagbago ang modang ito, kahit wala nang ihihigpit pa ang sinturon.

Ngayon, wala nang kahulugan ang imahen ng high-rise buildings at cityscape, at pagpipinta at pagpapaganda ni Bayani Fernando ng kalsada.  Ramdam na ang kahirapan.  Wala nang marami ang magsasabi na ramdam ang kaunlaran.

Ang kahilingan ngayon ay kung paano ang inarestong ramdam ay magiging politikal na pagbubulwakan ng pagkilos at organisasyon.  Paano pagtatagniin ang indibidwasyon ng pagramdam sa kaunlaran at kahirapan para matransforma sa kolektibong aksyon?

Dalawang sona na lamang si Arroyo.  Bilang na ang oras na maproprotektahan ang interes nito at ng kanyang paksyon ng naghaharing uri.  At sa pagbagsak ng kalidad ng kolektibong buhay, hinog ang panahon na ang pang-ekonomiyang krisis ang magtratransforma sa politikal na pagbabago.

Paigtingin ang linggo-linggong noise barrage, kalampag-kaldero laban sa kagutuman at paghihikahos, pagsisindi ng kandila bilang protesta, human chain laban sa korapsyong kumakain ng budget sa serbisyo publiko, militanteng kilos-protesta laban sa higanteng kompanya ng langis at kay Arroyo mismo.

Naalaala ko ang isang taktika ng dulansangan.  Newspaper drama.  Magkukwentuhan  ang mga aktor sa palengke tungkol sa pang-ekonomikong isyu.  Bubuksan para madinig ng iba, at makasama sa usapan ang tindero’t namamalengke.  Hanggang magkaroon ng pulutong.

At kapag nagkaroon na ng kritikal na masa, ibubunyag ang mga sarili bilang kasapi ng organisasyon.  Mag-aanunsyo na ng kilos protesta, mamumudmod ng polyeto.  May pangangailangang makapagmobilisa ng pinakamaraming bilang ng hanay ng masa at mamamayan tungo sa protesta.

Kung iisipin, protesta lamang ang solusyon para gumaling tayo sa panlipunang sakit ng Arroyo disease.  Na kung maganda ang resulta, tayo naman ang magsasabi sa SONA ng July 28, “What a masterpiece!”(Bulatlat.com)

 Save as PDF

BE A BULATLAT PATRON

A community of readers and supporters that help us sustain our operations through microdonations for as low as $1.

ADVERTISEMENT

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Pin It on Pinterest

Share This