Pinabibigat pa ito ng quota system at mababang sahod. Ikaw ba naman ang manahi ng X-na bilang ng zipper sa pantalon, maglusaw para sa circuit 123 ng lahat ng chips na lumalabas sa pabrika, o mag-quality control ng mga himulmol sa damit, ano ang kontribusyon nito sa pagkatao ng manggagawa?
Ang sahod ay pinanatiling kakarurampot, halos nakakasapat lamang para muling makabalik sa pabrika ang manggagawa at muling makapagtrabaho. Hindi aksidente ito. Sinasadya talaga ito dahil sa transformasyon ng materyales sa komoditi, di lamang ginagawang incidental, isang historikal na aksidente lamang ang manggagawa: sa isang banda, na dahil nga pinaglalaho ito sa produksyon at konsumpsyon, paano hihiling ng mas mataas na sweldo gayong nalikha na silang hindi kaugnay sa komoditi; at sa kabilang banda, na parang walang nang choice ang kapitalista dahil hindi naman kusang magiging hamburger patty at chicken nuggets ang mga materyales nang walang interbensyon ng manggagawa, kaya hindi rin mahika ang pagsulpot at paglaho ng mga ito?
At sa pamamagitan ng advertising at public relations, nagiging dobleng invisible ang manggagawa. Maiisip ba ang sexualidad ng mananahi ng Bench underwear sa taunang parada ng naka-brief at panty na modelo, pagtingin sa higanteng billboards sa EDSA, o sa pagtunghay sa may-ari nito? Ang tanging nananatili ay ang pagiging purong komoditi ng materyales, at kahit man dito—sa garter, sinulid at tela—ay walang paggunita sa mga manggagawa.
Lalo pang napapalaho ang paggawa sa estado ng neoliberal na globalisasyon. Katawagan rito ay flexible labor, subcontractuals at “endo” (end of contract), na inilalahok ang mga manggagawa, sa partikular ang kabataan, sa serye ng anim na buwang kontrata. Na sa aktwal ay maaring tatlo hanggang limang buwan lamang dahil walang intensyong buuin ang anim na buwan at bigyan ang nagtratrabaho ng lehitimong status ng “manggagawa” na may kaakibat na karapatan at benefisyo.
Sa katunayan, hindi itinuturing na lubos na manggagawa ang subcontractuals na may karapatang mag-organisa dahil sila ay trainees pa lamang. Nilikha ng estado ang bagong variety ng invisibilidad ng paggawa: sa simula pa lamang na pumasok sila sa pabrika, opisina at outlet, hindi na sila lehitimong kalahok sa produksyon at konsumpsyon. Mas lalo silang maaring dustain.
Ito ang mahika ng kapitalismo sa paggawa. Ang hindi isinasaad sa naratibo ng kapitalismo ay ang sariling mahika ng manggagawa: na may kapangyarihan itong mag-organisa at magmulat para sa proletaryado (kontra-kapitalistang estado) na adhikain. Ang kapangyarihang ito ang nakakapagkimi sa kapitalista at estado na kaya nga sa lahat ng pagkakataon ay dinudusta ang manggagawa.
Dahil nga ang manggagawa ay may kapangyarihan di lamang ng transformasyon ng indibidwal at sektoral na abang lagay sa pabrika, maging ng transformasyong panlipunan. Kapag namulat ang manggagawa, buhay-at-kamatayan ang diwang magpapasulong ng proletaryadong kaisipan at pagkilos. At sa pagpapalakas ng kanilang hanay, kasama ang bulto ng iba pang anakpawis at intelektwal, ang mahika nila ay ang kapasidad na ibaling ang daloy ng kasaysayan.
Mula sa mahabang kasaysayan ng pang-aapi at pandudusta, tungo sa kasaysayan ng paglaya at pagtataguyod ng mapagpalayang lipunan.
Maligayang Araw ng Paggawa! (Bulatlat.com)








0 Comments