Interesante sa panahon ni Bayani Fernando na maskulinisado ang diskurso ng city beautification o pagpapaganda, na dating arena ng gawaing pambabae-First Lady, asawang babae ng meyor at iba pang politiko. Kay Fernando kasi, pinapagwapo ang syudad sa pamamagitan ng pisikal at figuratibong pagtanggal sa di-kanais-nais (undesirable) na elemento ng modernidad. Marahas itong beautification ni Bayani, hindi simpleng pagtatanim ng bulaklaking halaman o pagkakalburo sa sidewalks. Kriminalisa nito ang mga di-kanais-nais na elemento: pagtatapon ng basura, pagtitinda sa sidewalk, squatting, pagtawid sa kalsada, at iba pa.
Sa deklarasyon ni Fernando na iligal ang billboard sa EDSA at pangunahing kalsada, pati ang struktura ng billboard ay isang malaking squatter. Ang mga umaakyat ay dalawang beses nagiging squatter-mula sa pinanggalingan nila tungo sa pinatunguhan nila. Kaya nga sila nakakaakyat ng billboard ay dahil wala naman nagbabantay nito.
Silang walang pinaglalaanan ng sityo sa espasyo ng syudad ang niche market ng umaakyat sa billboard. Ang gitnang uri kasi ay makakapag-overseas contract worker sa labas ng bansa, at call center agent sa loob. May mall at parke pa itong mapupuntahan kung may bumabagabag sa loob. Ang mayayaman ay may therapist na makakausap. Kaya isang pigtas lang sa hibla ng kanilang natitirang buhay-pagkaaresto ng pulis sa asawa, o pag-iwan nito-ay natutuliro na. Natatanaw na ang sanktwaryo na maaring pagkumpisalan, dulugan at malamang, pati ang inaakalang katubusan.
Pero wala namang balak magpakamatay ang umaakyat ng billboard. Naghahanap lang nang lugar na literal na mahihingahang mag-isa. Makapag-isip at nilay-nilay na ipinagkakait ng lugar sa ibaba. Kung hindi pa sila natanaw at natawag ang pulis, kusa naman silang bababa. Bahagi ng penomenong ito, kaya nga nagiging penomenon, ay ang coverage ng media. Hindi nga ba’t may lohikal na daloy ang billboard na ad sa media ng radyo, telebisyon at dyaryo? Silang umaakyat ang nagiging laman ng media na nabubuhay dahil sa ibinebentang ads?
Higit sa lahat, ang umaakyat ang socio-economic segment ng lipunang pinakahikahos sa administrasyon ni Arroyo. Sila ang tunay na nagugutom nang higit pa sa isang beses sa nakaraang tatlong buwan, ang hindi maitatagong mahirap kaya hindi na kailangang umamin, ang latak na mamamayang hindi nakakasabay sa geopolitika ng fasismo at neoliberalismo ni Arroyo. Sila ang hindi nakikinabang sa Matatag na Republika.
Kung sa panahon ng dating presidenteng Fidel Ramos, ang hindi nakakasabay at nakikinabang ay bahagi ng penomenong nakakaladkad ng umaarangkadang kotse at sasakyan-mga nagbebenta ng sampaguita o namamalimos na hindi namalayan ng driver na sumabit pala ang kamay sa bintana o iba pang bahagi ng sasakyan, at matutuklasan na lamang ang nakaladlad na patay na katawan pagkatapos huminto ng sasakyan-ang kay Arroyo ay telebiswal na nadadanas para dustain.
Baliw kasi, ani ng reporter at paniniwalaan ng manonood. Ang hindi isinasaalang-alang ay ang mahabang proseso ng pagkabaliw, kung paano ang mga ito ay nabaliw at nauna lamang kaysa sa reporter na kumakausap, sa mga nag-uusyoso, manonood at nakikinig, at pulis na nagpapababa. Natutunghayan ang akto ng kabaliwan pero hindi ang espasyo nito. (Bulatlat.com)








0 Comments