Balikbayang Sinta

NI E. SAN JUAN, JR.*
Inilathala ng Bulatlat
Vol. VII, No. 20, June 24-30, 2007

1. LUMIPAD KA NA PATUNGONG IRAK AT AFGHANISTAN

Lumipad ka na patungong Roma at London
Balisang nakalingon sa ulap lulan ng naglaboy na panaginip
Lubog sa alaala ng kinabukasang unti-unting nalulunod

Lumipad ka na patungong Riyadh at Qatar
Sa pagkamulat kukurap-kurap sa pagtulog puso’y nagsisikip
Binabagabag ng sumpang naligaw sa salawahang paglalakbay

Lumipad ka na patungong Toronto at New York

Tinutugis ang biyayang mailap nabulusok sa patibong ng banyaga
Sa ulilang pugad anong maamong pag-asa ang nabulabog

Lumipad ka na patungong Chicago at San Francisco
Kumakaway ka pa tiwalang may katuparang babati ng “Mabuhay!”
Alinlangang luha’y naglambitin sa bahag-hari ng bawat yapos

Lumipad ka na patungong Hong Kong at Tokyo
“Di kita malilimot”–pumaimbulog ang tukso ng nabitiwang paalam
Nabakling pakpak usok sa bagwis inalagwang talulot ng bituing nasunog

Lumipad ka na patungong Sydney at Taipeh
Ay naku, anong panganib ng gayumang sa pangarap nagkupkop
Ibon kang nagpumiglas alay mo’y talim ng paglayang nilalangit

Lumipad ka, O sintang mahal, ngunit saang kandungan ka lalapag?
Bumabalik sa dalampasigang hulog ng iyong hinasang pagtitiis
Aking kaluluwang hiniwa’t ikinalat sa bawat sulok ng daigdig.

2. ELEHIYA MULA SA LEUVEN, BELHIKA

Iiwan mo lahat ng iyong minamahal; ito ang palaso na unang ipinawawalan ng busog ng pagkatapon….
–Dante Alighieri

Huli na raw ang lahat. Huli na, umalis na ang tren lulan ang gunita’t pangarap.
Huli na, lumipas na ang kamusmusan ng balikbayang naglagalag.

Huli na, naiwan na tayo ng eruplanong patungong Tokyo at Los Angeles.
Huli na, nakaraan na ang oras ng kagampan at pagsisiyam.

Tumulak na, malayo na ang bapor patungong Hong Kong at Singapore.
Nagbabakasakaling aabot pa ang kable – Sayang, di biro, nakapanghihinayang.

Huli ka na sa pangakong pinutakti ng agam-agam at pag-uulik-ulik….
Huli na, nahulog na ang araw. Itikom ang labi, itiim ang bagang….

Kahuluga’y naanod-lumubog sa dagat Sargasso ng pagpapakumbaba’t pagtitiis –
Pahabol ay di na magbubuhol – tapos na ang pagsisisi’t pagpapatawad….

Walang tagaligtas ang lalapag sa tarmak mula sa lobo ng iyong pangarap.
Huli na nga, nakaraos na ang kasukdulan, di na maisasauli ang naibigay.

Sinong manlalakbay ang magkakaila upang mahuli ang katotohanan?
Mailap pa sa mabangis na hayop na nasukol, bumabalandra sa rehas –

Mailap pa sa hibong nagpupumigla – Saan ka nanggaling? Saan pupunta?
Paos, hapo, dayukdok, gasgas ang siko’t tuhod, gumagapang mula sa guwang –

Maghulihan tayo ng loob, Estranghera, hinihintay ang ligayang walang kahulilip.

Inilathala ng(Bulatlat.com)

*Nailathala kamakailan ng Bucknell University Press ang isang bagong libro ng mga mapanuring sanaysay ni E. San Juan, Jr., katulong sa Philippine Forum sa New York at tagapamahala ng Philippine Cultural Studies Center, sa Storrs, Connecticut, USA. Ang pamagat ng libro ay Working Through the Contradictions: From Cultural Theory to Critical Practice.

Ang nakaraang mga akda ni San Juan, ang Beyond Postcolonial Theory (Palgrave/Macmillan), at Racism and Cultural Studies (Duke University Press), ay lumikha ng magsigabong kontrobersiya sa loob at labas ng akademya. Ang bagong aklat niya ay naglalahad ng matinik na kritika ng U.S. interbensiyon sa iba’t ibang lupalop ng daigdig na nakabalatkayo sa ideolohiya ng “globalized neoliberalism.”

Noong 2003, siya’y nagsilbing Fulbright professor of American Studies sa Katholieke Universiteit Leuven sa Belgium, at visiting professor of English sa Wesleyan University. Kamakailan, si San Juan ay naging visiting professor of literature and cultural studies sa National Tsing Hua University at nagpanayam sa pitong pamantasan sa Taiwan. Noong nakaraang taon inilunsad ang dalawang libro niya sa Maynila: Himagsik (De La Salle University Press) at Tinik sa Kaluluwa at iba pang akda (Anvil). Noong 2005 ay inilabas ng University of the Philippines Press ang kalipunan ng mga tula niya: Sapagkat Iniibig Kita.

Share This Post