a
REALITY CHECK: Hindi kidnapping ang pag-aresto ng ICC kay Duterte
Published on Nov 9, 2025
Last Updated on Nov 9, 2025 at 8:03 pm

ADVERTISEMENT

Pahayag: Mga kababayan, If govt will arrest Bato the same way they kidnapped PRRD, then they can do it to anyone of us. Yan ang pag isipan nyo.

Bilang ng naabot: Higit 75,000 reactions at halos 6,000 shares na ang inabot ng Facebook post ni Greco Belgica, dating chairman ng Presidential Anti-Corruption Commission noong panahon ni Duterte.

Marka: Hindi totoo.

Konteksto at katotohanan mula sa komunidad: Hindi kidnapping ang ginawang pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating pangulong Rodrigo Duterte. Ito ay pagkilala sa pandaigdigang batas ng batas ng hustisya – Rome Statute.

Hindi na kasapi ang Pilipinas sa Rome Statute matapos nitong opisyal na bawiin ang pagiging kasapi noong Marso 17, 2019. Gayunman, may hurisdiksiyon pa rin ang ICC sa mga umano’y krimeng naganap sa Pilipinas noong panahong kasapi pa ito, mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019.

Nakita ng ICC na kinakailangang arestuhin si Duterte upang matiyak ang kanyang pagdalo sa Korte, lalo na’t nakita ng ICC na siya ay nananatiling may malawak na kapangyarihan sa loob ng bansa na maaaring magdulot ng panghihimasok sa imbestigasyon at seguridad ng mga saksi at mga biktima. 

“Habang kami ay patuloy na naghahanap ng hustisya, kung siya ay palalayain, lalo lang kaming matatakot dahil malinaw na may kapangyarihan at impluwensya pa rin ang kanilang pamilya,” ani Dhalia Cuartero, isang inang namatayan ng anak noong 2016 dahil sa Oplan Tokhang.

Noong Agosto, binanggit din ng mga kaanak ng mga biktima na ang ICC ay itinuturing nilang “huling sandigan ng hukuman (court of last resort)”. “Walo hanggang siyam na taon ang hinintay namin para makitang gumalaw ang hustisya,” ani Llore Pasco, ina ng dalawang biktima ng gyera kontra-droga, sa isang press conference noong Agosto.

Sa ilalim ng administrasyong Duterte, humigit-kumulang 30,000 biktima ng extra-judicial killings ang naitala ng mga human rights organizations, habang 6,000 naman ang binabanggit ng opisyal na rekord ng pulisya.

Sa kabila ng kawalan ng due process sa pagpaslang sa libo-libong biktima ng drug war, ang naging pag-aresto kay Duterte ay nakabatay sa due process at hindi isang kaso ng kidnapping kundi pagsunod ng obligasyon ng bansa sa Rome Statute. 

Sa ruling ng ICC noong Oktubre 23, binigyang-diin ng korte na mayroon pa rin silang ligal na kapangyarihan para patuloy na imbestigahan si Duterte, sa kabila ng withdrawal ng Pilipinas sa Rome Statute, dahil ang mga krimen ay nangyari sa bansa noong ito ay member-state pa.
“Ang isang Estado ay hindi makakaligtas sa mga obligasyong nagmula sa Statute na ito dahil lamang sa pag-urong nito bilang kasapi, kabilang ang anumang pananagutang pinansyal na maaaring naipon habang ito ay kasapi,” ayon sa Artikulo 127. (RVO)

 Save as PDF

SUPPORT BULATLAT.

BE A PATRON.

A community of readers and supporters that help us sustain our operations through microdonations for as low as $1.

ADVERTISEMENT

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Pin It on Pinterest

Share This