Kapag naiisip ko ang hustisya

Ni CARLA NICOYCO

Kapag naiisip ko ang hustisya
Nakikita ko ang 800 bilanggong pulitikal naglalakad palabas ng kanilang selda
Mga taong katulad ni Myles Albasin na nag-eenroll sa law school sa Silliman
Sina Amanda Echanis at baby Randall nasa piling muli ni Erlinda
Nakikita ko si Maoj Maga nagllay-up ng basketball doon sa Balai

Kapag naiisip ko ang hustisya
Pinapanood ko si Loi Magbanua at ang kabiyak ng puso niyang tahimik na umiindak sa “Close To You” ng Carpenters
Sina Ador, si Cha, si Leleng, maayos ang kalagayan, kapiling na natin, sa wakas

Kapag naiisip ko ang hustisya
Nakikita ko si Reina Mae, wala nang posas, wala nang mga gwardiya, binibisita ang puntod ni baby River, kasama ang kanyang ina
Si Leila de Lima in the flesh, wala nang standee
Si Moreta Alegre sa Sagay, kasama ang kanyang mga anak, pati na si Selman, hawak-hawak ang titulo sa lupa nilang binayaran ng buhay ng asawa’t anak, ng halos 16 taon sa kulungan

Kapag naiisip ko ang hustisya, ito ang nakikita ko
Si Imelda sa selda, wala sa wheelchair, hindi nakasuot ng Jordans
Si Marcos Jr. sa selda, tapos na ang party party
Si Badoy sa selda, forever banned sa Facebook
Si Duterte sa selda, naagnas nang buhay

Kung ngayon lahat ng ito ay mistulang panaginip
Parang mundo ng mga dapat sa ibayong sansinukob
Dahil ang hustisya ngayon ay isang walang hanggang parada ng mga nitso
Sa isang lipunang nalulunod sa dugo
May Bill of Rights pero may ATA, EO70, MO32
May korteng nagiging pabrika ng mga search warrant
May due process kung may pambili
Pasintabi na lang sa mga hindi anak ni Remulla at Duterte
May demokrasya pero bihag ng estado ang sambayanang Pilipino
Galugarin man ang lahat ng nasa pwesto
Sila’y parte ng iisang sindikatong
Magnanakaw ng kaban ng bayan at buhay

Kapag naiisip ko ang hustisya
Naaalala ko silang mga martir

Kapag naiisip ko ang hustisya
Napapaalalahanan ako sa batas ng pag-iral ng kasaysayan
Na ang pwersa ng mga naghaharing-uri, mukha mang hindi masisiil
Ay walang laban sa atin na ‘di hamak na mas marami

Kapag naiisip ko ang hustisya
Nakikita ko ang bukang liwayway na senyales ng pagwasak sa dilim
Nakikita ko ang ating nakukuyom na mga kamao, puso’t paninindigang wakasan itong lagim!

*Binigkas ng may-akda sa ika-6 na Kongreso ng National Union of Peoples’ Lawyers noong Oktubre 15, 2022 sa lungsod ng Quezon

(https://www.bulatlat.org)

Share This Post