Ni CHAD BOOC at JENNY PAPASIN
Ang lupa ay buhay.
Ito’y tahanan ng pinakamatatayog na puno
Ito’y tahanan ng mga hayop, isda, at mga ibong walang ibang nakasaksi
Kundi ang nananahang magiting na lipi
Ito’y tahanan naming mga binhing lahi
Na nagbunga ng mga paaralan
Nagbunga ng mas maayos na lipunan
Sa gubat ng ligalig,
Ay gusto nilang itago
Ang punong punung-puno ng pag-asa
Dahil ayaw nilang masilayan ito ng iba
Naghukay sa lupa, inilibing ang inaning mga bunga
Isang daan limampu’t anim na paaralan
Apat na libong mag-aaral
Sinubukan nilang ibaon sa hukay
Ngunit hindi nila alam,
Kami ay mga binhi
At ang pagsuklob sa amin ng lupa
Ay hindi nangahulugang paglukob sa amin ng dilim
Bagkus ito ay pagsibol
Kami ay uusbong, tutubo, mamumulaklak, at muling magbubunga
At ilang beses man nila itong gawin,
Wala kaming ibang patutunguhan kundi ang pagdami at pagyabong
Hanggang ang kagubatan ay kami na rin
Hanggang ang kagubatan ay kami na rin
Hanggang ang kagubatan ay kami na rin
*Fa Fles Ato! – B’laan for “Let us ascend/arise/climb!”
Isinulat at itinanghal nila Chad Booc at Jenny Papasin noong Disyembre 2019 sa Christmas Party sa Bakwit School, UP Diliman