Mga salitang bawal, mga rehimeng nabuwal

Screenshot of Aswang sa Aklatan selection on Martial Law literature.
Ni MICHAEL D. PANTE*
Tanggol Kasaysayan / Bulatlat.com

Nang pumutok ang isyu ukol sa pagtanggal sa mga “subersibong libro” sa mga aklatan ng tatlong pamantasan noong nakaraang taon, hindi maiwasan ng marami na ituring ang mga insidente bilang “book purging.” Malaman ang paglalarawang ito sapagkat naiuugnay ang ginawa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa iba’t ibang kahindik-hindik na kaso ng sensura sa kasaysayan ng bansa at ng daigdig.

Mahaba ang listahan ng mga librong sinubukang ipagbawal ng mga nasa kapangyarihan. Sa pagtatala ng Wikipedia, makikita ang ilang kilalang titulo at iskolar, gaya nina Galileo, Marx, at Darwin. Idagdag pa rito ang literal na pagsusunog ng mga akda, mula sa kampanya ni Bishop Diego de Landa laban sa mga manuskritong Maya noong ika-16 na siglo hanggang sa book burning ng rehimeng Nazi noong ika-20 siglo.

Samu’t sari rin ang dahilan sa likod ng pagbabawal: mga dahilang pampulitika, panrelihiyon, usapin ng kasarian at sekswalidad, at marami pang iba. Ang tila tanging pagkakapareho sa mga kaso ay ang takot na dala ng mga salitang nakalathala na nagdudulot ng pagkabahala sa mga makapangyarihang salaula. 

Napabantog ang mga nobela ni Jose Rizal sa kasaysayan ng Pilipinas dahil sa pagbabawal na ginawa ng pamahalaang kolonyal. Hindi ba sumagi sa isip ng mga ahente ng NTF-ELCAC na naging susi ang pagsensura sa Noli me tangere at El filibusterismo upang lalong maipamukha sa mambabasa ang katotohanan ng laganap na paniniil na inilalarawan ng mga akda? Marahil, kailangan nilang dagdagan ang kanilang mga dapat basahin, at hindi ang listahan ng mga tekstong uusigin.

Sensura rin ang naging panakot sa mga nagtanghal ng “seditious plays” noong panahon ng mga Amerikano, mga gerilyang pahayagan noong panahon ng Hapon, o ang mga pasabog na exposé gaya ng The Conjugal Dictatorship of Ferdinand and Imelda Marcos ni Primitivo Mijares noong batas militar. Nakapanghihilakbot, subalit kalauna’y nalagot rin ang tanikala ng mga rehimeng ito; pero ang mga akdang pinilit nilang ibaon sa limot, sa kasalukuya’y itinuturing na bahagi ng kayamanan ng bayan.

Sa buktot na pagtingin, inaakala ng mga nasa kapangyarihan na ang pagsikil sa pagkalat ng teksto ay sapat na para tuldukan ang mga ideyang nais nilang pigilan. Subalit kasaysayan na rin ang magtuturo, gaya sa mga halimbawang nailahad sa itaas, na ang mga “subersibong ideya” ay hindi lang kalipunan ng mga salita kundi produkto ng kolektibong pagkilos ng mga taong naninindigan.

Nalagpasan ng Noli at Fili ang sensura dahil sa lakas ng loob ng mga Pilipinong nagpupuslit ng mga nobela ni Rizal. Itinaya ng mga artistang panteatro at gerilyang mamamahayag ang kanilang buhay upang magdaos ng pagtatanghal at maglimbag ng diyaryo sa ngalan ng ganap na kasarinlan. Umikot ang mga dokumento ng Partido Komunista ng Pilipinas sa panahon ng batas militar dahil sa organisadong pagkilos ng mga kadreng lumalaban sa diktadurya. Masunog man ang mga pahina o masamsam ang mga kopya, hindi nito mapapahupa ang sama-samang pagtindig laban sa anumang porma ng paniniil.

Gayumpaman, itinuturo rin ng kasaysayan na habang nananatili ang mga istrukturang nagbibigay ng labis na kapangyarihan sa iilan, magpapatuloy ang paniniil. Ang nangyari sa Kalinga State University, Isabela State University, at Aklan State University—mga state colleges and universities na kapos na nga sa badyet mula sa estado, pero heto’t binabawasan pa ng mga libro sa aklatan—ay pihadong maulit kung hindi babalikwas ang mamamayan. Ang book purging ay maaari ring umusbong bilang ibang porma ng pagyurak sa demokratikong karapatan kung hahayaan lamang.
Dahil rito, hindi matatawaran ang tugon ng iba’t ibang sektor para tutulan ang book purging ng rehimeng Duterte. Mula sa hanay ng guro, mag-aaral, relihiyoso, artista—maging mga librarian—nadinig ang sabay-sabay na pagkundena sa atrasadong pag-iisip na nasa likod ng pagtatanggal ng mga libro sa mga aklatan. Pantapat sa mala-medieval throwback ng NTF-ELCAC, inilunsad kamakailan ang website na Aswang sa Aklatan (https://handsoffourlibraries.crd.co/); kung hindi magagawang maibalik ang mga tinanggal na libro sa mga aklatan, bakit hindi ito ilagay online para mas maraming mag-aaral at mamamayan pa ang magkaroon ng akses?

Ang nakakatawa (o sa isang banda, nakalulungkot) sa ginagawa ng NTF-ELCAC, ni hindi nga maitururing na subersibo ang mga akdang nais nitong tanggalin mula sa mga aklatan. Paano magiging “iligal” ang mga dokumentong pinirmahan ng mismong gobyerno ng Pilipinas para kilalanin ang halaga ng usapang pangkapayapaan at karapatang pantao? Nabasa na ba nila ang nilalaman ng The Hague Joint Declaration of 1992, Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL), at iba pang mga katulad na kasunduan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP)?

O nais bang ipakita ng rehimeng ito na tutol ito sa paglaganap ng mga ideya ng usapang kapayapaan at paggalang sa karapatang pantao? Noon at ngayon, yaong mga bagay at konseptong pilit ikinukubli ng tao mula sa iba ang siyang naglalantad ng kanyang mga tunay na pagpapahalaga. Noon at ngayon, sa ubos-lakas na pagsusumikap ng isang rehimeng magtakda ng mga ideyang bawal, lalo lamang nitong inilalagay ang sarili sa bingit ng pagkabuwal. (https://www.bulatlat.org)

* Ang awtor ay isa sa mga kasapi ng Tanggol Kasaysayan, isang grupong nabuo nang tanggalin ang History subjects sa K-12 curriculum. Siya ay propesor sa Department of History ng Ateneo de Manila University at associate editor ng Philippine Studies: Historical and Ethnograhic Viewpoints.

Share This Post