Ni JOI BARRIOS-LEBLANC
Bato-bato sa langit,
tamaan ay huwag magagalit.
Nabastusan po ba kayo
sa aming Pangulo?
Pasensiya na po at nakapagmura.
Posibleng:
1. Hindi naturuan ng good manners and right conduct ng mga Thomasites na padala ng Amerika. Hindi nasakop ng colonial miseducation, ika nga ni Constantino.
2. Masama ang gising. Baka binangunot dahil minulto ng isang milyon at apat na raang libong Pilipino na pinatay at namatay dahil sa pananakop ng Amerika.
3. May nakapagbulong ng teorya na posibleng CIA ang may pakana ng mga pagbobomba. Tulad baga ni Michael Merring noong 2003. Remember him? Ipagtanong na lang sa CIA, kung hindi hugas-kamay.
Bato-bato sa langit,
tamaan ay huwag magagalit.
Ano na lang ang isang mura bagamat malutong?
Kung galing sa lahi na tinawag niyong unggoy noon?
Ano na lang ang isang mura, na masakit sa tenga?
Wala nang sasakit pa sa libo-libong pinaslang, kayraming ginahasa.
Huwag umasa ng paumanhin,
o pakitungong magiliw.
Huwag antabayanan ang pagyukod.
Hindi lahat ng namumuno sa aming bayan ay naninikluhod.
Pangulong Obama,
Hangga’t hindi nakahihingi ng tawad sa pananakop,
ang bayan mong mandarambong, na sa amin ay nanlusob,
Unawain kung ang galit sa puso namin ay sumasabog.
Hangga’t patuloy na nagpapanggap na kaibigan,
Ngunit ginagawang palaruan ng digma ang aming bayan,
at sa krimen ng sundalo niyo’y bulag-bulagan,
Anong karapatang hingin ang aming pagpipitagan?
May utang pa kayong dapat pagbayaran.
Payo ko lang naman, pag-aralan
ang nagpapatuloy na kasaysayan.
— Setyembre 5, 2016