“Pork Chopped!”

Ni Therresa Baniquid
Bulatlat.com

Nakanganga na naman si Juan
Nang siya ay maisahan
Nitong mga kawatan
Mga magnanakaw sa kaban.

Halagang nalustay di biro
Nakakalulang bilyong piso
Sinangkalan mga pekeng NGO’s
Nakinabang ay iilang tao!

Yaman ay pinghati-hatian
Nasilaw sa salapi ng ating yaman
Ngunit nasaan mga hunghang
Mga taksil sa Inang bayan!

Tingnan ‘yong mga botchog
Hihimas-himas sa tiyang busog
Pati bulsa ay malulusog
Sa gabi kaya sila ay nakakatulog?

Pork barrel ugat ng korupsyon
Sa mga baboy lang pinapalamon
Pilipinas,paano ka pa babangon
Kung bulok na sistema di maghilom.

Yaong salapi ay galing sa buwis
Mamamayang nagtitiis,
Nagpagpagod ng dugo at pawis
Ngunit napala ay hinagpis!

Pork barrel bilyon ang pondo
Laan sa senado at kongreso
Pero pagdating sa mga GURO
Katumbas lang ay sentimo??

Kung Pork Barrel nilaan sa tama
Natuwa pa sana ang madla
Ngunit ano pa ang magagawa
Kung bilyon-bilyon na ang nawala! (https://www.bulatlat.org)

Si Therresa Baniqui ay isang teacher mula sa Malinta National High School.

Share This Post