Ahon (2)

Ni RICHARD R. GAPPI
Inilathala ng Bulatlat

Humagulgol at lumuha ng ulan ang langit
kasingdami ng uhaw ng disyertong lambong ng init.

Rumaragasa ang tubig, baha at putik
kung gaano kabilis ang pag-apruba ng Kongreso
sa pagbasura sa impeachment complaint laban sa Ombudsman.

(Wala pa sa kalahati ang pila
nang maubos ang relief goods sa evacuation center.)

Kasingdulas ng padulas ang pagpasa
sa dalawang bilyong pisong pondo para sa Cha-cha.

(Sa Provident Village sa Marikina, may lalaking balot ng putik
ang nakalambitin sa kawad ng kuryente, parang nagbigti.)

Natataranta ang lahat kung ano ang maisasalba
habang ang isang kongresista na anak ng presidentita
ay naikwadro ng kamera na namimili
ng kung anong masarap na agua de pataranta.

(Putol pa rin ang linya ng GLOBE, SMART, SUN,
MERALCO, PLDT at NAWASA.)

Kumapal ang putik sa mga kalyehon at kalsada
habang kumapal ang mukha
ng nag-ambag ng dalawang buwang sahod
gayong lumamon sila sa Amerika ng maluhong 2 milyong pisong pagkain
at naglamyerda sa iba’t ibang bansa gamit ang perang pambili
dapat ng mga rubber boats, flashlight at bota.

(Isang dalagitang nakapila para makakuha ng relief goods
ang parang troso na nawalan nang malay at bumulugta sa putikang kalsada.)

Numinipis ang ozone layer
babang kumakapal ang usok-karbon sa bunganga
ng mga pabrika ng G-8 sa pangunguna ng Amerika.

(Nilamon ng mga alon ang Sumatra at Samoa.)

Ano ang nanyayari sa aming bayan?
Ano ang nangyayari sa sandaigdigan?

Marahil, isa lang ang sagot:

Dahil sa isang iglap, nawala ang lahat sa amin.
Sa isang iglap din, ang mga nawala ay mahahamig at mahahanap.
Sa isang iglap, sa amin ang lahat.
Kung paano namin pinapalis ang rumagasang luha sa aming pisngi
ganun din kami aalon nang
maingat, dahan-dahan, may mapanlabang diwa;
sabay-sabay na aahon, babangon.
Ito ang muling pagsisimula ng mga tulad naming mga walang-wala.
Dahil mula sa pagkasadlak sa putik, ang pag-ahon din ay pagrerebolusyon.

9:59, Huwebes, 1 Oktubre 2009
Angono, Rizal, Pilipinas

(Inilathala ng Bulatlat)

Share This Post