Ang mga politiko sa lokal na antas ay walang grandeur na ipapangako. Ito ang puwang ng pambansang politiko—matatag na republika, Philippines 2000, para sa mahirap, at iba pa. Ang mga lokal na politiko ay simple lamang, pagpapader, paglilinis ng estero, gamot, pangmatrikula, at iba pang may direktang paglahok sa mamamayan. Kaya tuli-mode, o fire prevention at sports fest, mga summer activity, ang dulog nito dahil may kongkretong tugon ito sa mga kahilingan ng mamamayan.
At siempre, maalaala ng ina at ng kanyang anak na lalaki, kung sino ang naging sponsor ng kanyang tuli sa tanang buhay niya. O ang nagpa-covered court sa basketbolan para hindi lubos ang init sa liga. Nandoon ang pangalan at imahen ng politiko, nakasulat at tarpaulin man iyon. Nandoon, lalo na kapag hindi nakasulat, dahil sa personalisadong dulog nito. Ang kapangyarihan ng politikong tarpaulin ay tulad ng anumang manifestasyon ng internalisasyon ng aktwal na kapangyarihan: kahit wala ang tarpaulin, napapasunod (napapaboto sa politiko) pa rin ang mamamayan.
Ang reverence ng mga nag-donate ng silya sa simbahan o sa pagpapabakod nito, na permanenteng nakalikok ang pangalan ng mag-asawa at ng kanilang pamilya sa likod ng silya at harap na bakod ng simbahan, ay nag-aanunsyo ng pangalan ng pagiging mabubuting patron. Ang tarpaulin na nakasabit sa linya ng kuryente ay may kahalintulad na devotion. Kuryente ang batayang serbisyong tinatamasa sa domestikong lunan.
Ang asosiasyon ng tarpaulin, ang awtor ng pagbati at anunsyo, sa kable ng kuryente ay tulad ng asosiasyon ng pangalan sa silya at pader ng simbahan. Dinadambana ang patron, ang dahilan kung bakit may nauupuan ang nagsisimba, kung bakit protektado ang ari-arian at interes ng simbahan. Sa politikang tarpaulin, dinadambana ang asosiasyon ng patron sa serbisyo publiko, kahit pa hindi naman ito aktwal, kahit pa may kaakibat na peligro ang literal na pagsabit ng tarpaulin sa kable ng kuryente.
Kung hindi sustenido ang politikang tarpaulin, wala itong halaga. Hindi magiging tao ang politiko. Na kailangan niyang maging tao para makapanghimok ng boto sa may aktwal na abang lagay na mayorya ng kanyang constituency, ang politiko ay bababa sa antas ng pagiging tao para lamang maging “extra-ordinaryong” tao sa katawan ng pagiging aktwal na politiko.
At ang pakitang-gilas ng Meralco at MMDA na baklasin ang mga politikang tarpaulin ay para lamang matanggal ang asosiasyon ng figura at serbisyo publiko ng politiko. Sa antas lamang na kitlin ang panganib sa sunog ng mga ito. Kaya kung tulad ka ni Bayani Fernando, na lumikha ng sariling infrastruktura ng exklusibong kabitan ng tarpaulin, o si Arroyo na nagpapasabit ng tarpaulin sa lahat ng pinondohang proyekto, lahat ng iba pang gumagamit ng teknolohiya ay masasabing walang lehitimong batayan.
Bawat politikong tarpaulin, tulad ng ad na pangunahing gamit nito, ay naghahanap ng politikal na lehitimasyon. Kaya nga nagpapatarpaulin ang politiko, para maging lehitimong politiko. At tulad ng bombardment ng materyales sa panahon ng eleksyon, kung sino na lamang ang may memory recall—ang matunog, mabango, kilala–ang siyang mahahalal. Ibig sabihin, ang tarpaulin ay deodorant lamang ng politiko para pagtakpan ang alingasngas ng baho ng pagiging politiko sa bansa.
Na walang pinagkaiba ang politikal na tarpaulin sa tarpaulin ng negosyo—nanghihimok ng solusyon gayong sintomas din ng mas malakihan at bottomless na kakulangan ng individual at bansa ito.(Bulatlat.com)








0 Comments