Sa isang bansang mahilig sa regulasyon, ang Singapore, bago ako umalis, ay nabalitaan ko na nire-require na mas lakihan ang espasyo ng toilet—damihan ang cubicle—para sa babae. Na magpakagayon pa man, ang babae ay may kontrol sa sarili niyang pangkatawan na likido. Wala tayong nakikitang babaeng tumatanghod sa pader o poste para magbawas.
Sa uniberso ng MMDA, lalake lamang ang kailangan ng instant toilet sa kalsada kaya panglalake lamang ang cubicle na toilet na ginawa nito. Hindi dapat naiihi ang babae sa publikong lugar. Ang konsiderasyon ay para sa mga lalake lamang. At ginagawa ito dahil kinikilala ng ahensya ang kawalan ng kontrol ng kalalakihan sa kanilang bodily fluids.
Matapos ng pakitang gilas, wala nang itinayong bagong toilet ang MMDA. Sinara pa nga nila ang ilang dati nang gumagana. Hindi ito hiwalay sa uniberso ni Gloria Arroyo, kanya-kanya tayong paghinga at paghanap ng sariling rekurso sa mabaho’t maduming predikamentong kinasadlakan natin. Walang garantiya na magflu-flush ang sistema, o dadaloy sa labas ng natural na inaasahan.
Ang hindi isinasaad, ang pinakamalaking tumpok na dumi na nagpapabaya’t nakalutang sa ibabaw ng lahat ng mamamayan—ang rehimeng Arroyo. Ito ang dapat i-flush, kundi man, matanggal nang maging busilak ang kapaligiran. Tao ang mamamayan, hindi dumi sa lansangan na dapat tanggalin. Ang pinakamalaki at pinakamalalang dumi ang dapat matanggal.(Bulatlat.com)








0 Comments