NI RICHARD R. GAPPI
Inilathala ng Bulatlat
Tulad ng iyong kamangha-mangha at kagila-gilalas
na mga bomba, nagmamartsa ang sanlaksa, ang mga gera-de-bota.
Nang mapilay ang iyong katwiran at katinuan,
dumating ka tulad ng kuwago na humahapon
sa nag-aabong dilim at habang bali ang pakpak ng gabi.
Ito ba ang dapithapon, Miner-Bush?
Nagpupuyos na pakpak na sapatos ang sumagot;
sumingkad, mula sa Silangan, mula sa iyo mismong kinatatayuan.
No Fear! Just do it!
Nagmamartsa
ang sanlaksa,
ang mga gera-de-bota.
At nang mangatwiran ka, ito ang iyong ismid
sa balintuna ng lahat-lahat —
isang kindat na singbilis ng kidlat
ngunit naikwadro ng sang-unibersong kislap.
“Size 10 ang paa nya; at makapal
ang kalyo ng kanyang bukong-bukong.”
Nagmamartsa
ang sanlaksa,
ang mga gera-de-bota.
Sa Chile, sa haywey, may asong
sinaklolohan ang kapwa asong nasagasaan.
Sa Palawan, sinagip ng mga dolphin at balyena
ang isang tagapag-alaga ng mga dolphin at balyena
upang huwag siyang malunod; hinele at iniangkas
pa-nguso patungo sa pampang.
Sa Gresya, kinomyun ng nagpoprotestang mga kabataan
at mag-aaral ang mga istasyon ng radyo at telebisyon.
Sa gulod, sa mababaw na libingan ng mga walang pangalan,
nakausli ang kupas at pudpod na pares na Converse.
Nagmamartsa
ang sanlaksa,
ang mga gera-de-bota.
Nagmamartsa sila.
Patungo sa panginorin ng daigdig,
nalulunod;
tulad ng mga troso sa bundok na isa-isang
nahuhulog.
Dahil sa bagyong Katrina.
Dahil sa bagyong Karina.
Sa D.A. Cafe
Angono, Rizal, Pilipinas
8:30 pm, 17 Disyembre 2008
0 Comments