Sa Inang Naghahanap

NI PHILIP ANORICO*
Inilathala ng Bulatlat
Vol. VII, No. 19, June 17-23, 2007

Itong paghahanap sa nawalang anak
Higit na malupit sa pagkakarehas
Walang kalayaan ang bawat paghikab
Hanggang panaginip at hilik ay bihag.

Katotohanang sa puso tumatarak
Ay kung mayroon nga bang mahahagilap
O baka pag-abang sa maputing uwak
Pangarap na ‘di dadapo ang katulad.

Maamong tuta ay ‘wag tangkaing saktan
Kahit na asong ina ay mananakmal
Ang kuting ‘pag isupot mo at iligaw
Isang linggong inang pusa ay ngingiyaw.

Ina pa kaya nina Sherlyn at Karen
Kalooban ay maging payapang hangin?
Bagyong marahas itong inis at gigil
May badyang sumabog habang kinikimkim.

14 Hunyo 2007

Inilathala ng(Bulatlat.com)

Share This Post