a
Balik-Tanaw | Butil ng katarungan

https://www.facebook.com/61555798857708/posts/the-silent-suffering-of-the-filipino-peasantrylong-ago-during-the-time-of-spanis/122252051978193295/

Published on Jul 12, 2026
Last Updated on Jul 12, 2026 at 7:09 am

ADVERTISEMENT

Predikador Ebanghelista and Pred. Aleissa Lhauren U. Ayeras            
Iglesia Unida Ekyumenikal

Isaiah 55:10-11
Psalm 65:10, 11, 12-13, 14
Romans 8:18-23
Matthew 13:1-23

‘Narito, lumabas ang isang manghahasik upang maghasik. (Mateo 13:3)

Kapag binabasa natin ang talinhaga ng manghahasik, madalas na nakatuon ang ating pansin sa iba’t ibang uri ng lupa. Ngunit kung babalik tayo sa mismong tagpo ng Ebanghelyo, may isang taong hindi natin gaanong napapansin—ang manghahasik. Siya ang unang lumabas. Siya ang unang nagpagod. Siya ang unang umasa.

Hindi ito aksidente. Nang ikuwento ni Hesus ang talinhagang ito, ang Kanyang mga tagapakinig ay pamilyar sa buhay ng mga magsasaka. Ang Galilea ay isang pamayanang agrikultural. Alam nila ang hirap ng pagbubungkal ng lupa, ang walang katiyakang panahon, ang panganib ng tagtuyot, ang pagdating ng peste, at ang posibilidad na mawalan ng ani kahit ibinuhos na ang lahat ng lakas. Ang bawat binhing inihahasik ay may kasamang pag-asa at pananampalataya. Kaya ginamit ni Hesus ang larawan ng magsasaka upang ipahayag ang kaharian ng Diyos—isang kahariang itinatanim nang may pagtitiis at pinapalaki sa gitna ng kawalang-katiyakan.

Sa ating pagbabalik-tanaw, hindi ba’t naroon pa rin ang manghahasik sa ating panahon? Hindi na lamang siya nasa Galilea. Siya ngayon ay makikita sa mga palayan ng Gitnang Luzon, sa mga bukirin ng Mindanao, sa mga taniman ng gulay sa kabundukan, at sa maliliit na sakahan sa iba’t ibang lalawigan ng ating bansa. Siya ang magsasakang madaling gumising habang madilim pa, nagbubungkal ng lupa sa ilalim ng matinding sikat ng araw, at naghihintay ng ulan na hindi niya kayang utusan.

Ngunit kung ang manghahasik noong panahon ni Hesus ay may pag-asang aanihin ang kanyang itinanim, ang magsasaka ngayon ay tila mas mabigat ang pasan. Hindi lamang kalikasan ang kanyang kinakaharap. Kasama niya ang tumataas na presyo ng abono at binhi, mababang halaga ng kanyang ani, kakulangan sa suporta, pagkakautang, at ang pangambang isang malakas na bagyo lamang ay maaaring magwasak sa bunga ng ilang buwang paghihirap. Habang tayo ay may pagkain sa ating hapag, may mga magsasakang hindi tiyak kung sapat ang kikitain upang maitaguyod ang kanilang sariling pamilya.

Napakasakit isipin na ang mga taong nagpapakain sa sambayanan ay siya ring madalas na nakararanas ng gutom at kahirapan. Ang mga kamay na nagtatanim ng palay ay hindi laging nakatitikim ng kasaganahan. Ang mga paa na lumulubog sa putik ay madalas na hindi naaabot ng tunay na pag-unlad. Ang kanilang pawis ay nagiging pagkain ng buong bayan, ngunit ang kanilang dignidad ay hindi laging kinikilala.

Dito nagiging buhay ang talinhaga ni Hesus. Ang mabuting lupa ay hindi basta regalo ng kalikasan. Ito ay lupang inararo, binungkal, pinagpaguran, at inalagaan. Walang ani kung walang magsasakang handang magtiis. Sa parehong paraan, wala ring lipunang magiging mabuti kung hindi natin pahahalagahan ang mga taong unang naghahasik ng buhay para sa ating lahat.

Bilang Simbahan, hindi natin maaaring basahin ang talinhagang ito na para bang ito ay espirituwal lamang. Ang Salita ng Diyos ay laging nag-uugat sa kongkretong buhay ng tao. Kung si Hesus ay gumamit ng larawan ng magsasaka upang ipahayag ang paghahari ng Diyos, marapat lamang na makita rin natin ang mukha ni Kristo sa ating mga magsasaka ngayon. Ang kanilang pagod ay pagod din ni Kristo. Ang kanilang paghihintay ay paghihintay din ng Diyos. Ang kanilang pag-asa ay paalala na ang pananampalataya ay hindi lamang ipinagdadasal kundi pinagtitiyagaan.

Kaya ang hamon sa Simbahan ay maging katinig ng mga binubusalan ang bibig dahil nagpapaahayag sila ng katotohanan. Hindi sapat na kaawaan lamang ang mga api; kinakailangang samahan sila sa kanilang pakikibaka. Ang Simbahan ay hindi tinatawag upang magsalita bilang kapalit nila, kundi upang tumindig sa kanilang tabi upang ang kanilang tinig ay higit na marinig. Kapag ang mga magsasaka ay humihingi ng makatarungang presyo ng kanilang ani, sapat na suporta, at pagkilala sa kanilang dangal, hindi dapat nananatiling tahimik ang Simbahan. Ang pakikiisa sa mga inaapi ay maaaring magbunga ng pagtutol, paninira, o pag-uusig, sapagkat ganito rin ang dinaanan ng mga propeta at ni Kristo. Ngunit sa ganitong pakikiisa, nararanasan ng Simbahan ang tunay nitong bokasyon ang makibahagi sa pagdurusa ng sambayanan upang sama-sama silang makaahon tungo sa buhay na may katarungan at pag-asa.

Marahil, sa tuwing tayo ay uupo sa hapag at hahawak ng isang mangkok ng kanin, magandang balikan ang isang aral na hindi ko malilimutan mula sa aking pagkabata. Nung bata pa ako, tinuruan kami ng aking mga Lolo at Lola na ubusin ang nasa plato at huwag mag-iiwan kahit isang butil ng kanin. Hindi kami pinapaalis sa hapag-kainan hangga’t may natitira pang isang butil o kahit mumong kanin sa aming plato. Bilang bata, hindi ko agad nauunawaan kung bakit tila napakahalaga ng isang butil ng bigas. Ngunit ikinuwento sa akin ng aking Lola na minsan din siyang naging magsasaka. Ayon sa kanya, hindi biro ang magbungkal ng lupa, magtanim, mag-alaga ng palay, at maghintay ng panahon ng anihan. Marami pang prosesong pinagdaraanan ang bawat butil ng bigas bago ito makarating sa aming hapag-kainan. Dugo at pawis ang kanilang ibinubuwis para lamang sa sapat na ani at saktong kita—at kung minsan, kulang pa nga iyon upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang sariling pamilya.

Habang lumalaki ako, unti-unti kong naunawaan na ang bawat butil ng kanin ay hindi lamang pagkain. Ito ay bunga ng pawis, pagtitiis, at pag-asa ng mga magsasakang madalas ay hindi natin nakikita. Kaya tuwing may naiiwang kanin sa plato, naaalala ko ang mga kamay na nagbungkal ng lupa, ang mga paa na lumusong sa putikan, at ang mga pamilyang umasa na sana’y maging sapat ang kanilang ani. Ang simpleng pag-ubos ng pagkain ay naging tahimik na paraan ng paggalang sa kanilang dangal at sakripisyo.

Sa talinhaga ni Hesus, ang manghahasik ay hindi tumigil kahit may mga binhing masasayang. Patuloy siyang naghahasik dahil naniniwala siyang may lupang mamumunga. Ganoon din ang ating mga magsasaka. Sa kabila ng pagod, pangamba, mababang presyo ng kanilang ani, at kawalang-katiyakan sa kinabukasan, muli silang nagtatanim sa bawat panahon. Ang kanilang paghahasik ay hindi lamang hanapbuhay; isa itong tahimik na pagsaksi sa pag-asa at pananampalataya. Bawat binhing kanilang inihahasik ay isang panalangin na sana’y may mabusog, may mabuhay, at may kinabukasang maani ang susunod na salinlahi.

Tuwing tayo ay nagtitipon sa pagsamba at lumalapit sa hapag ng Panginoon, iniaalay natin ang tinapay at alak bunga ng lupa at bunga ng paggawa ng tao. Madalas nating binibigkas ang mga salitang ito, ngunit bihira nating pagnilayan ang mga kamay na naging katuwang ng Diyos upang makarating ang mga handog na ito sa ating dambana. Sa bawat butil ng trigo, sa bawat bunga ng ubas, at maging sa bawat butil ng bigas na nasa ating hapag, naroon ang pawis ng mga magsasaka, ang kanilang pagtitiis, at ang kanilang pag-asang may mabubuhay sa kanilang paghihirap. Ang Eukaristiya ay hindi lamang pagdiriwang ng presensya ni Kristo; ito rin ay paalala na ang Diyos ay kumikilos sa pamamagitan ng mga kamay na marunong magbungkal ng lupa at maghasik ng buhay.

Kung gayon, ang paggalang sa mga magsasaka ay hindi lamang usaping panlipunan o pangkabuhayan. Isa rin itong usapin ng ating pananampalataya. Hindi natin maaaring ipagdiwang ang mga handog sa dambana habang ipinagkakait sa mga nagbubungkal ng lupa ang kanilang dignidad at katarungan. Ang tunay na pagsamba ay hindi natatapos sa loob ng simbahan; nagpapatuloy ito sa ating pakikiisa sa mga nagtatanim, nag-aani, at nagpapakain sa sambayanan. Sapagkat ang Diyos na tumatawag sa atin sa Kanyang hapag ay siya ring Diyos na patuloy na lumalakad sa gitna ng mga bukirin kasama ng mga magsasakang araw-araw na naghahasik ng pag-asa.

Sa pagtatapos ng ating pagninilay, nawa’y iba na ang ating pagtingin sa bawat mangkok ng kanin na nasa ating hapag. Huwag lamang nating makita ang bunga ng lupa, kundi ang mukha ng mga taong naglingkod upang ito ay makarating sa atin. At sa tuwing maririnig natin ang mga salita ni Hesus, “Narito, lumabas ang isang manghahasik upang maghasik,” nawa’y maalala natin na hanggang ngayon ay may mga manghahasik pa ring lumalabas araw-araw—tahimik, marangal, at puno ng pag-asa. Nawa’y maging Simbahan tayong hindi lamang nagpapasalamat sa bunga ng lupa, kundi nakikiisa ring ipaglaban ang dangal ng mga kamay na nagbungkal nito. Sapagkat sa paggalang sa kanila, pinararangalan natin ang Diyos na Siyang pinagmumulan ng bawat buhay at bawat ani.

Balik-Tanaw is a group blog of Promotion of Church People’s Response. The Lectionary Gospel reflection is an invitation for meditation, contemplation, and action. As we nurture our faith by committing ourselves to journey with the people, we also wish to nourish the perspective coming from the point of view of hope and struggle of the people. It is our constant longing that even as crisis intensifies, the faithful will continue to strengthen their commitment to love God and our neighbor by being one with the people in their dreams and aspirations. The Title of the Lectionary Reflection would be Balik –Tanaw , isang PAGNINILAY . It is about looking back (balik) or revisiting the narratives and stories from the Biblical text and seeing, reading, and reflecting on these with the current context (tanaw).

 Save as PDF

BE A BULATLAT PATRON

A community of readers and supporters that help us sustain our operations through microdonations for as low as $1.

ADVERTISEMENT

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Pin It on Pinterest

Share This