Plastic bag, bulok at di nabubulok na idea ng good governance

Ni ROLAND B. TOLENTINO
Bulatlat.com

May bagong ordinance (SP-2130) na naipasa sa Quezon City. Simula Setyembre 1, 2012, ipinagbawal na ang plastic bag bilang lagayan ng pinamili. Inaakalang panpantulong ito sa pangkalahatang pagligtas sa kalikasan, lalo na sa pinagdaanan na karanasan sa malawakang pagbaha dahil sa habagat.

Kwento ng kaibigan ko sa unang beses nang pagbili sa Save More, isang chain ng Shoemart (SM), at walang supot na inalok, “Paano ko iuuwi ang mga ito?” Nang maglabas siya ng sama ng loob sa kahera’t bagger, ang sabi ng mga ito ay “Kung gusto ninyo ng supot, P2 bawat isa,” sabay abot ng plastic bag na may tatak pa ng grocery chain. Ito naman ang SP-2140, at pupunta dapat ang halaga sa mga “environmental project” ng Quezon City.

Tila may nabubuong green spirit. Sa press release ng SM, kapag nagdala ka ng lumang supot, papalitan nila ito ng bagong supot na may tatak nga ng kompanya. Kapag nagdala ka ng SM Greenbag, ang recylable bag na mabibili mo rin sa kanila at magiging walking advertisement ka para sa kompanya, mabibigayan ka ng points sa iyong loyalty card.

Malaking isyu ang plastic bag sa enlightened na gitnang uri at sa maykayang uri. Sa enlightened na gitnang uri, pagtitiyagaan niya ang political correctness na walang plastic bag para hindi makaambag sa capitalist-led din naman na hysteria hinggil sa environmental destruction. Sa maykayang uri, hindi naman siya ang namamalengke o nagrogroseriya, at sa mga exklusibong tindahan na pinamimilihan niya, OA (overacting) na supot na papel ang lalagyan ng pinamili.

Paano nangyari ito, na ang kapitalistang lumikha ng at gobyernong umayon naman sa environmental destruction ay ngayon ang bagong politically correct na team para sa environmental protection? Sino muna ang nalaglag? Naging dispensible na ang nagmamanufraktura ng plastik at styrofoam na produkto. Sino ang nagtagumpay? Mismong ang entidad ng malalaking negosyo (big business) na naging tagapagtanggol ng kalikasan ang nagkaroon ng mileage sa biglang liko sa bagong direksyong ito.

Pero sa katunayan, ang isyu ng plastic bag ay in the grand schema of things kung tutuusin ay isang maliit na bagay kumpara sa corporate greed. Ang reduksyon sa gamit ng anti-environment na produkto ay regulated ng estado at ipinapatupad ng negosyo sa antas ng individual na mamamayan na walang kapalit na kapantay na alternatibo.

Sa U.S. na mahilig sa choice, pwede akong pumili kung plastic o paper o paper on plastic na bag para sa pinanggroseriya ko, kundi man ginawa na ito ng enlightened na negosyo para sa akin na ilalagay ang ipinamili sa paper bag. Dito sa Quezon City, ikakahon lahat, magdadala ka ng lumang supot o bibili’t mag-iipon ka ng “green bag” sa paggrogroseriya. Walang nakaisip na bumalik sa paper bag.

Sa antas ng individual na mamamayan ipinapadanas ang pangangailangan ng enlightened na pagkamamamayan at ang lahat ng tungkulin at responsibilidad na nakapataw dito. Ang enlightened na mamamayan ay katuwang sa “good governance” o ang siste ng pamamalakad sa publikong kalakaran at yaman ay nakakawing sa isyu ng karapatang pantao.

Nakaangkla ang pagtukoy ng ehemplo ng pag unlad (development) mula sa mga mauunlad na bansa, na hindi naman kakatwa ay nakaangkla sa politikal na sistema ng liberal na demokrasya (nakabatay sa individual na pagpili at karapatan) at ng ekonomiyang sistema na kapitalismo (nakabatay sa tubo ng mga korporasyon). Agad, may kabalintunaan dito dahil ang inatasang magtaguyod ng individual na karapatan ay ang gobyerno na nakapanig naman sa interes ng negosyo kaysa mamamayan.

Ang International Monetary Fund ang bumigkas ng polisiya ng good governance noong 1994, na ang paniniwala ay ang korapsyon sa gobyerno ay nagdudulot ng bad governance at kung gayon, hindi akma ang environment para sa pag-unlad ng negosyo at tubo. Sa United Nations naman, may walong idea ang good governance: “consensus oriented, participatory, following rule of law, effective and efficient, accountable, transparent, responsive, equitable and inclusive.”

Sa World Bank din, ang diin ay ang paborableng kondisyon na ang gobyerno ay matwid, na may bisyon sa pag-unlad (kahit hindi pantay para sa lahat), at kapasidad na makabuo’t makapagpatupad ng akmang batas. Kung tutuusin, ang sukdulang may tungkulin at responsibilidad sa pagpapatupad ng mga kagustuhan ng negosyo at polisiya ng gobyerno ay tayong ordinaryo’t nakararaming mamamayan.

Ang ehersisyo’t pagdanas natin sa relief operations, citizens’ journalism, watch groups, pagbabantay sa eleksyon at big time na katiwalian, rekurso sa media para sa epal na politiko, aktibismo sa social networking sites, Gawad Kalinga at mga pribadong proyekto, at iba pang mga anyo ng pag-ako ng mga pampublikong tungkulin at serbisyo ay akma sa good governance na sa akto ng implementasyon ng polisiya ng gobyerno ay ipinasasalo sa pribadong sektor at lalo pa sa pribadong mamamayan ang pagpapatupad at internalisasyon sa pagkatao ng mga polisiya.

Ang plastic bag ay hindi na lamang plastic bag. Ito ay pag-ayon sa moral uprightness ng polisiya sa environment na ipinapainternalisa sa mamamayan ng gobyerno at negosyo. Ang plastic bag na nawala man ay pinalitan na ng ibang reseptakulo (receptacle) ng mismong nalikhang enlightened na mamamayan: ang mamamayan na nagbibitbit ng mga ipinamili at ng hegemonikong polisiya, na naging walking advertisement ng mga ito.

Kahit pa ang estado ang pinakamalaking nabubulok na entidad, na tulad ng plastic ay tila may kapangyarihang mamayagpag nang walang hanggan. Pero kung iisipin, hindi ito nabubulok dahil matagal na itong bulok. At mismong ang malls ni Henry Sy ang mag-aalok ng bagong kapalit, isang bagong plastic at nabubulok na bag. Nagtagumpay ang environemental protection na programa dahil naprotektahan ang environment ng negosyo. (https://www.bulatlat.org)

Share This Post

2 Comments - Write a Comment

  1. Great, pleasant posting and information, time to share share with my buddies throughout myspace.

  2. Maaari po bang pakilinaw ang mga ideyang nakasaad sa talata? When I read your article, it felt as if you’ve written it in English originally and just tried to translate it into Filipino. There are a bunch of grammatical errors with regards to the Filipino way of writing. If you are going to write an article in Filipino, it would be best to translate english words and phrases to Filipino and minimize the usage of english terms; or just the whole thing in English if you are more comfortable with it. The inconsistencies of the language used hinder your readers from grasping the main ideas of your article. Please improve this article.

Comments are closed.