Lampas-lampasan ang indie cinema sa indictment kay Arroyo at sa naghaharing uri at sistema sa bansa. Hindi man ito binabanggit o direktang may referensya sa pelikula, ito, tulad sa panahon ng diktaduryang Marcos, ang organizing signifier sa klase ng pagpapahirap at imposibilidad ng pagkamamamayan sa filmikong realidad. At kung gayon, malinaw-linaw ang dapat tahakin para mabago ang ganito sa aktwal na lipunan.
NI ROLAND TOLENTINO
KULTURANG POPULAR KULTURA
Bulatlat
Patay na ang liberal na demokrasya sa bansa. Lalo pa sa edad ng neoliberalismo, ang gobyerno ay hindi na kumikilos para sa interes ng kanyang mamamayan, kundi para sa higit na pagpapadaloy ng kapital at kita ng negosyante. Sa kasalukuyang kalakaran ng estado ni Gloria Arroyo, ang serbisyo-publiko ay isang charity project na lamang.
Ang mga nahahalal ay hindi na mayoryang representatibo ng mamamayan. Marami sa Konggreso at Senado ay “nabili” na ng palitan ng pabor sa naghaharing politikal na partido ni Arroyo. Marami sa Supreme Court ay appointee na ni Arroyo, at siya namang kumakabig sa mga desisyong paborable sa pagkapangulo kundi man sa estado nito. Ang militar ay tunay na politikal na kasangkapan din ni Arroyo para sa kanyang pagpapanatili sa poder.
Ano ang pinapangarap pang maaring maging ganansya sa estado ni Arroyo? Ang mahabang pagpila sa mas mura ngunit durog na bigas ng NFA ng mamamayan araw-araw? Ang mahabang pagpila sa labas ng PCSO para dumulog sa gastusing medikal? Ang pagpila ng apila para sa pondo ng mga institusyon at politiko sa “personal na kitty” sa “casino money” ni Arroyo?
Kailan pa aangat ang interes ng mamamayan kaysa sa pang-uring interes ni Arroyo? Ang mito ng liberal na demokrasya ay ipinapatupad na lamang ng burgis na civil society, tulad ng peryodikong forum ng mga tinagurian nitong exemplars ng governance: Grace Padaca ng Isabela, Among Ed Panlilio ng Pampanga, Jesse Robredo ng Naga City, at Sonia Lorenzo ng San Isidro, Nueva Ecija. Apat sa daan-daang halal na politiko?
Maigting ang diin sa operasyonalisasyon ng governance o aktibo at efisyenteng pamamalakad at pamumuno sa mga opisina ng pamahalaan at ang pangkalahatang kalakarang gobyerno sa iba’t ibang antas. Isa-isa nang nagmamartsa sa Ramon Magsaysay Awards ang exemplars na ito, dalawa na ang nanalo ng Nobel Prize ng Asia. Paano nangyari ang kabalintunaang ito, na ang normal na kalakaran ay ginawang exemptional?
Ano pa kaya ang kalidad ng governance sa kahanay na antas, maging sa antas ng pambansang pamahalaan? Ang maraming mga desisyon din naman ng exemplars ng governance ay nakabatay sa namamayaning cost-benefit analysis, tulad ng neoliberalismo ng pambansang pamahalaan. Ang maraming mga desisyon ay hindi rin aktwal na paborable sa mamamayan per se kundi sa safeguarding ng interes ng estado.
Ang “governance” ay pagpapabuti ng serbisyo-publiko sa hanay ng ordinaryong mamamayan. Ito ay mito dahil wala na sa panorama ng pamamalakad ng gobyerno ang serbisyo-publiko—ito pa nga ay ginagamit na entitlement para wafasin ang kolektibong interes ng mamamayan: tulad ng marahas na demolisyon ng MMDA sa komunidad ng maralitang tagalunsod, pati na ang pag-disperse ng manininda sa sidewalks at sa konfiskasyon at pagbuhos ng gaas sa kanilang paninda, ang pag-demolish sa mga nakatira sa tren para mag-give way sa modernisasyon ng railways, at pati na ang tutok-baril na dispersal ng mga raliyista sa Mendiola at US embassy.
Ang aking proposisyon ay ang paggamit sa governmentalidad (governmentality) bilang alternatibo sa pang-estado (gobyerno, negosyo at pati ang burgis na civil society) na mitolohisasyon ng governance. Ang governmentalidad ay alternatibong asersyon ng pagkamamamayan (kontra-pagkamamamayan ng estado), wala sa purview ng governance kundi sa re-approximasyon ng kontraryo at epektibong pamamalakad mula sa ground level. Mas nakalabas ang isa nitong paa sa diskurso ng governance dahil nga wala na itong inaasahan sa estado para sa ikabubuti—sa panuntunang kanilang itinakda bilang reaksyon, implosion at rebelyon–ng kanilang kolektibong lagay.
Ang karanasan sa kasalukuyang indie cinema ay makakapagbigay-linaw sa ilang isyu ng governmentalidad. Sa “tunay” na diwa ng indie cinema, matutunghayan ang korolaryong alternatibong bisyon ng pamayanan, bansa at pagkamamamayan. Sa pelikulang Tirador (Dante Brillante, 2007), ang pamayanan ng mga “tirador” o tumitira (nagnanakaw, shoplift, snatcher, dumudukot ng cellphone, at iba pa) ng gamit ng may gamit ay binigyan-representasyon sa kwento.
Una, lahat ng alam nating cliché ukol sa subsektor ng lumpen proletaryado ay nakasama sa listahan ng pagbubuo ng kwento: pagmamakaawa kapag nahuli, pag-shoplift maging ng DVD player sa pagitan ng hita, pagbili ng pustisong luho, pagkahulog nito sa kanal, at matagal na drama ng paghahanap nito sa putikan, pagsona ng mga pinaghihinalaang katawan ng criminal, at iba pa. Wala na sa purview ng governance ang pelikula dahil ito nga ay pagsasakdal sa pamamalakad at ginawang pagpapahina sa pamamahala.
Ikalawa, sa pagtatapos ng pelikula sa dokumentaryong estilo sa coverage ng prayer rally ng El Shaddai, na ang maraming kasapi ay kabilang sa kahalintulad na underclass ng mga tauhan, tinampok ang “presidentiables” na tumatanggap ng blessing at tasitong nangangampanya sa bumubulwak na kasapian ng grupong ito. Ang mga tauhan ay patuloy sa kanilang gawain, pati ang sa aktibong pagdanas ng underclass na relihiyosidad ay tinatabla rin. Tunay na wala na sa purview ng inaasam na pagbabago via eleksyon ang inaatupag na pagbibigay-uri at kalidad ng buhay.
Pingback: ayy, nakakakilig naman | suntukan na lang tayo!