Kung isasabatas ang pagbabawal ng mga salitang ginagamit sa pagbabalita, nangangahulugan ito, sa huling pagsusuri, ng pambubusal sa midya.
NI DANILO ARAÑA ARAO
Konteksto / Pinoy Weekly
Inilathala ng Bulatlat
Vol. VIII, No. 3, February 17-23, 2008
Abusado man sa paningin ng iba (o kahit ng nakararami pa), hindi natin matatawaran ang kapangyarihan ng midya.
Kahit na sabihin mong kulang at minsa’y iresponsable ang pagbabalita, malaking tulong ang “pag-iingay” ng midya para ilitaw ng mga awtoridad, halimbawa, ang pangunahing saksi sa kontrobersiyal na proyektong national broadband network (NBN) na si Rodolfo “Jun” Lozada, Jr. Kung matatandaan ang kanyang testimonya sa Senado noong Pebrero 7 (Huwebes), pinasalamatan ni Lozada ang midya sa patuloy na pagsubaybay sa mga pangyayaring may kaugnayan sa proyektong NBN.
Pero sa gitna ng ating pagsubaybay sa pagdinig ng Senado hinggil sa proyektong NBN at ang kaugnay na isyung pagpapatalsik kay Rep. Jose de Venecia bilang Speaker ng House of Representatives, tila natabunan ang isang mahalagang pangyayaring may direktang kinalaman sa pamamahayag.
Matatandaang noong Pebrero 5 (Martes) – ang unang araw ng pag-upo ni Rep. Prospero Nograles bilang House Speaker – kasama sa ipinasa sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill (HB) No. 100 na may pamagat na “An Act Prohibiting the Use of Words `Muslim’ and `Christian’ in Mass Media to Describe any Person Suspected of or Convicted for Having Committed Criminal or Unlawful Acts, and Providing Penalties for Violation Thereof.”
Ayon sa website ng House of Representatives, ang nasabing panukalang batas ay inihain ni Rep. Juan Edgardo “Sonny” Angara (Aurora) noong Hulyo 2, 2007.
Mayroon ding katulad na bill na isinumite si Sen. Ramon “Bong” Revilla, Jr. sa Senado noong Hulyo 3, 2007. Ang Senate Bill (SB) No. 710 ay nagbabawal sa paggamit ng mga salitang “Muslim” o “Islamic” lamang sa pag-uulat ng mga taong pinagsususpetsahan o napatunayang responsable sa isang krimen o anumang ilegal na gawain. Sa kasalukuyan, ang panukalang batas sa Senado ay nakahain pa rin sa Committee on Public Information and Mass Media na pinamumunuan ni Revilla.
Ayon sa SB 710, ang anumang paglabag ay nangangahulugan ng parusang arresto mayor (i.e., pagkakakulong mula isang buwan at isang araw hanggang anim na buwan) o multang P1,000 hanggang P10,000 o pareho, depende sa desisyon ng korte.
Ang HB 100 naman ay may multang P50,000 para sa mga nagkasalang mamamahayag, ayon kina Rep. Pangalian Balindong (Lanao del Sur) and Rep. Mujiv Hataman (Anak Mindanao).
Sinabi ni Rep. Yusop Jikiri (Sulu) sa wikang Ingles na ang HB 100 ay isang “defining law which will finally end the stereotyping of Muslims as kidnappers, drug pushers [and] terrorists.” Idiniin naman ni Senador Revilla , sa explanatory note ng SB 710 ang mga sumusunod na punto sa wikang Ingles: “(S)ome members of the…media continue to callously lambaste the Muslim religious culture by describing criminals and suspects with terms such as `Muslim Criminals’, `Muslim Terrorists’, `Muslim Drug Pushers’, `Muslim Sea Pirates’, `Muslim Bandits’ or `Muslim Hold-uppers’. Outlawing this culturally and religiously biased practice would definitely contribute (to) and result in increased positive social space and understanding between and among Muslims and Non-Muslims, and help drive the path towards a just, culturally-sensitive, fair, and lasting peace and development in the country.”
Totoo namang walang lugar sa responsableng pamamahayag ang paggamit ng pang-uring “Muslim” (o anumang katulad na pang-uri) sa isang balitang walang kinalaman sa relihiyon ng mga taong nasa sentro ng balita. Kung tutuusin nga, itinuturo sa mga kurso sa Komunikasyon at Pamamahayag na huwag gumamit ng makukulay at mga subhetibong pang-uri sa pagbabalita dahil nakokompromiso ng mga ito ang obhetibong paglalahad ng impormasyon.
Pero nararapat bang isabatas ang isang bagay na may kinalaman sa etikal na paggampan ng propesyon? Ano na ang mangyayari kung sakaling maisabatas ang HB 100 at SB 710?
Hindi ba’t posibleng abusuhin ng mga nasa kapangyarihan para tuluyan nang ipagbawal ang iba pang salitang ginagamit sa midya? Hindi ba’t malamang na gagamitin ng mga nasa kapangyarihan ang pagkakataong ito para indirektang ipagbawal ang pagbabalita ng mga isyung mahalagang malaman ng publiko?
Kahit na sabihing may malinis na intensiyon ang mga awtor ng SB 710 at HB 100, kailangan nilang tandaang hindi nararapat na gawing batas ang pagpili ng salitang iuulat sa midya. Kung mayroon mang pang-aabusong ginagawa ang ilang mamamahayag sa kanilang pagbabalita, maaari namang magreklamo sa organisasyong pang-midyang pinagtatrabahuan ng mamamahayag o iba pang ahensiyang may kinalaman sa midya tulad ng Philippine Press Institute (PPI) at Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP).
Ang kapangyarihan ng midya sa paghuhubog ng opinyong pampubliko ay hindi dapat maging dahilan para isabatas ang paggamit ng mga salitang ginagamit sa pagbabalita. Ang iresponsableng pamamahayag ay matutugunan lang hindi sa pagpapataw ng mga batas kundi sa pagpapalakas ng pansariling regulasyon (self-regulation) nito.
Kung isasabatas ang pagbabawal ng mga salitang ginagamit sa pagbabalita, nangangahulugan ito, sa huling pagsusuri, ng pambubusal sa midya. Pinoy Weekly / Inilathala ng Bulatlat
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com
ako ay isang mag-aaral ng batasan hills elementary school nasa anim na baitang.Ako ayisang manunulat ng lathalain maari mo bang sagutin ang tanong ko?na:responsableng pamamahayag susi sa pandaigdigang makalidad na edukasyon sa 2015?maraming salamat po sa inyong pagsagot sa aking napakahirap na tanong