a
Sa Bulwagang Rizal, Binato ng Itlog at Putik si AFP Chief of Staff Hermogenes Esperon
Published on Nov 11, 2006
Last Updated on Feb 5, 2011 at 9:02 am

ADVERTISEMENT

NI PHILIP ANORICO
Inilathala ng Bulatlat.com

Dito iyon,
sa bulwagang ipinangalan kay Pepe.
Siya na buong tapang na sumaksak sa dibdib
ng yabang ng mga prayleng may tiyang bundat,
gamit ang salita, talinghaga, at pamamahayag.
Anupa’t ninais niyang paghilumin
ang nagnanaknak na sugat ng lipunan
“na sa bahagyang saling
ay nagdudulot ng napakatinding kirot.”

Ganoon din ang aming ginawa kay Esperon.
Inilagay siya sa labis na kahihiyan
kasing lansa ng itlog
na nabasag sa kanyang mukha.
Ni hindi namin hinawakan ang kanyang balat
dahil nakapalibot ang kanyang mga bayarang tanod.
Ngunit sinusuntok siya ng mga salita
ng paniningil, galit, panghihiya, at pangungutya
namin, na mga kaklase at kaibigan nina Karen Empeño
at Sherlyn Cadapan
na tatlong buwan na nilang itinatago
sa amin, at sa kanilang mga pamilya.

Nang maubos na ang dalwang dosenang itlog
na pinalipad namin sa hangin
napagtuunan ko naman ng pansin
ang naipong tubig-ulan sa flower box.
Sinapo ko sa palad ang kulay imburnal na tubig
na paulit-ulit kong iwinasiwas
sa malilinis at plantsadong uniporme
ng aming mga bisitang mamamatay-tao.
Lumapit sa akin ang mga kasamahan.
Napahinto ako, at tinanong ang sarili:
“Mali ba ang aking nagawa?”

Sa halip na pigilan ang aking mga kamay
tinularan nila ang aking kalabisan,
kung kalabisan ngang maituturing.
Hanggang sa dumampot ako
ng isang kimpal na putik
na siyang nagmantsa sa kanyang kapangyarihan.
Bago makaalis sa Faculty Center
ay nanggigitata ang kanilang mga damit
at ang pinakaiingatang “dingal” at “moral.”

Pagkaripas ng L300 na kanyang sinasakyan
napatingin ako sa aking sarili.
Punung-puno ng putik ang mga palad
at naliligo sa mantsa ang kasuotan.
“Ayos lang iyon. Mahuhulasan ang iyong mga kamay ng tubig sa gripo.”
Sapagkat higit ang mantsang nagpaparungis kay Esperon.
Hindi nabubura ang dugo sa kanyang mga palad,
kahit na daluyan pa iyon ng isang trak ng tubig.
At naliligo ng sumisirit na dugo ng mga pinatay na aktibista
ang kanyang buong katawan at katauhan.

Sa susunod na pagkakataon
na dumalaw sa Bulawagang Rizal ang sinumang
may kasalanan sa kabataan at bayan
dadanasin nila ang katulad na kapalaran.
Malalim ang sugat at pitak sa aming puso at utak.
Sa conference hall
(na ipinangalan sa dakilang Senador
Claro Mayo Recto, ang nagtanggol laban sa nakatanod na lawin),
kung saan “inilalantad
ang sakit ng bayan, upang maihanap ng lunas,”
kung saan lalo naming kinukudkod
ang mahapding sugat upang lalong maunawaan,
hindi sila maaaring kumportableng maupo
at bigyang katuwiran ang kanilang pagpapalala

sa “kanser ng lipunan.”

Kung mayroon man akong natutunan sa pangyayari
simple, isang bagay lamang:
Maligo man si Esperon ng putik,
siguradong magagalit ang kanyang kaluluwa,
ngunit labis namang matutuwa ang kanyang budhi.
Sapagkat ang putik na lumapat sa kanyang ulo at mukha
ay ang lupang sumusundo sa kanya
patungo sa himlayan.

Sapagkat siya ay hindi buhay.
Siya ay isang naglalakad na patay.

29 Setyembre 2006
No. 62 Venus Compound
Angono, Rizal

Inilathala ng (Bulatlat.com)

 Save as PDF

BE A BULATLAT PATRON

A community of readers and supporters that help us sustain our operations through microdonations for as low as $1.

ADVERTISEMENT

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Pin It on Pinterest

Share This