(Sa alaala ng Obispo Maximo Alberto Ramento ng Iglesia Filipina Independiente)
NI BIENVENIDO LUMBERA
Inilathala ng Bulatlat
Ako nga po ang berdugong patalim.
Sugo ako upang salaksakin
Kung saang bahagi ng kalooban
Nakatanim ang paninindigang
Palaban sa naghahari-harian.
Hamak na metal lamang ako,
Makinang, matigas, matalas,
Walang utak, sunud-sunuran
Sa wala ring utak na bayarang kamay
Pinakinang ng salaping hinuthot sa bayan,
Pinatigas ng matinding pagsasalat ng kabuhayan,
Pinatalas ng katusuhan ng nasa kapangyarihan.
Makailang ulit kong nilaslas ang mga himaymay ng laman
Ng alagad ng Diyos, at sa ikapitong ulos, bumulwak
Ang diwang sumuhay sa inaping magsasaka ng Hacienda Luisita,
Ang tapang na tumutol sa pandaraya’t panlilinlang
Na nagluklok sa Presidente sa Malakanyang,
Ang poot na kumondena sa pamamaslang
Ng mga mamamayang ayaw pasindak
Sa pasistang pamahalaan.
At milagrong may kamalayang
Bumaon sa bakal kong kalikasan
Dugong pinabulwak ay mantsang tumina
Sa metal, tumiim sa lamig ng aking talim,
Kusang isinulat sa pader ng palasyo,
“Bilang na ang araw ng mga berdugo.”
Isang umaga, sisigwa ng luha ang kalangitan,
Hahabagat ang papawirin, malulusaw ang lagim,
At babangon ang liwayway na nagluluningning.
Kamay ng Diyos ang siya namang huhugot sa akin,
Gagabay sa talim ng paghihiganting gugunaw
Sa kapangyarihang ninakaw ng alagad ng dilim,
At ang dugong dadanak ay sisigaw,
“Alberto Ramento, bubuhayin kang muli ng sambayanan!”
*Binasa sa parangal na isinagawa ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) kay Obispo Maximo IX Alberto Ramento sa IFI National Cathedral noong Oktubre 11, 2006
Si Bienvenido Lumbera ay Pambansang Alagad ng Sining ng Panitikan, 2006.








0 Comments