‘Spirit of the Glass’: Aral ng kasaysayan at paghamon sa red-tagging

Matapang na tinalakay ng dula ang usapin ng red-tagging at kung bakit ito banta sa malayang palitan ng diskurso sa lipunan. Bukod sa napapanahon, malinaw, at maingat na tinilad-tilad sa dula ang mga pangkalahatan at partikular na ginagawa ng red-tagging sa komunidad at sa mga biktima nito. Kung pamilyar ang naratibo at tema, ito ay dahil hango sa mga aktwal na insidente at pinayaman pa ng karanasan ng awtor at direktor na kilalang makabayang artista at bukod dito ay tinarget ng red-tagging ng mga troll ng estado.

Eksena sa dulang Spirit of the Glass. (Larawan ni Hiyasmin Bisoy)

Ilang henerasyon ng aktibista ang makkita ang kanilang sarili sa danas ng mga karakter mula sa paglaban ng mga Huk noong dekada singkwenta, ang pakikibaka laban sa Batas Militar, ang paglahok sa EDSA, at ang mahabang bangungot ng walang patid na paglabag sa karapatang pantao kahit pagkatapos mapabagsak ang diktadura.

Gagap ng mga kabataang karakter ang lugar nila sa agos ng kasaysayan at kung bakit matwid ang pumanig sa progresibong kilusan. Ang kahusayan ng dula ay ang pagbasag nito sa stereotype sa aktibistang tila laging galit kung magsalita at de-kahon ang gawi at aktitud. Iba-iba ang ugali at postura ng mga aktibista, hindi lahat ay nagtutuloy sa pagkilos, at tuwi-tuwinang binabagabag ng mga tanong tungkol sa mga tindig sa buhay.

Kaya ang pasya ng magkakaibigan na agad lumikas pagkatapos maredtag ay maaaring salamin ng kanilang pribilehiyo; at sa isang banda rin naman ay akmang tugon kung may pumipihit na sitwasyong panseguridad.

Pwedeng nakatulong ang “distansiya” mula sa lugar na kung saan sila pinag-initan upang maiproseso ang lahat ng nangyari at humugot ng mas tumpak na perspektiba. Tila kwentuhan at asaran lang ng barkada ang nagaganap subalit nakatulong ang pagpapahayag ng saloobin upang maramdaman ito ng bawat isa at makita nila kinalaunan kung paano at saan ipipihit ang takot dulot ng red-tagging tungo sa isang kapasyahan na magpatuloy.

May susing ambag ang presensya ng kapitan ng barangay upang higit na maunawaan ng magkakaibigan ang kawastuhan ng kanilang aktibismo, ang malisya ng red-tagging, at aral ng kasaysayan. Bitbit ng kapitan ang kaisipang pinalulunok ng estado sa publiko kahit ang salalayan nito ay pawang kasinungalingan at kontra sa adyenda ng pagbabago. Nagpaalala ito sa benepisyo ng kolektibo at malayang talakayan; at pinamalas na walang tinutuntungang matibay na batayan ang red-tagging at madali sana itong ibuyangyang kung hahayaan lang ang tao na ito ay hamunin.

Tinulay ng dula ang resolusyon ng mga personal na bagahe gamit ang konteksto ng politika at kasaysayan. Tinahi ang iba-ibang kaganapan sa bansa at ang ugnay ng mga ito sa rebolusyonaryong kilusan noon at hanggang ngayon. Sa isang iglap, napalitaw ang red-tagging bilang “bagong luma” na instrumento ng mapang-aping kapangyarihan upang maghasik ng lagim at patahimikin ang mga kritikal na boses. Ito ang espiritung binuhay at ginawang batas ng burukrasya upang ituring na krimen ang pumuna sa estado. Ang layunin ay manaig sa pamamagitan ng marahas na pagsupil sa mamamayang lumaban. Subalit kailanman ay hindi nagtagumpay ang ganitong klaseng pagbabaluktot sa katotohanan dahil ang mga nabuwal sa mahabang laban para sa kalayaan at demokrasya ay hindi kinalimutan ng mga sumunod na salinlahi ng mga rebolusyonaryo.

Kung minumulto tayo ng nakaraan ito ay dahil nagpapatuloy ang kawalan ng hustisya sa lipunan. Isa itong mabigat na pamana ng kasaysayan na nag-iiwan ng malupit na marka sa buhay ng mga tao. Ang karakter ni Rory ay kumakatawan sa trauma na dinanas ng mga naging saksi sa mga karumal-dumal na paglabag sa karapatang pantao. Nagpaalala ito na ang red-tagging, terror-tagging, o red-baiting noon ay sinusundan ng mga pisikal na atake at di-makataong karahasan; at lahat ito ay delubyong pumapatay sa diwa ng kaisahan sa komunidad habang nagpapalaganap ng kalituhan at takot hanggang kahit ang katinuan ng tao ay maapektuhan na rin.

Mapupuksa ang salot kung ito ay marubdob na hahamunin at bibiguin. Sa dula, inalay ang rebolusyonaryong tradisyon sa lipunan bilang sandigan ng tao para sa balon ng inspirasyon at katatagan. Kung kaya’t sa dulong bahagi ay makabuluhan na nagpugay sa mga martir at bayani na hinarap ang karahasan ng estado sa pamamagitan ng pagsulong ng pakikibaka para sa rebolusyonaryong pagbabago.

Akma na ang mga litrato at pangalan ng mga nagbuwis ng buhay ay naging bahagi ng produksyon; at ang ilang segundo na pinalitaw ito habang nasa harap ng LCD screen ang lolo at lola sa dula ay makapangyarihang pagsasalarawan ng ugnay ng nakaraan at kasalukuyan, at ang nagpapatuloy na laban para sa tunay na kalayaan at demokrasya.

Kapupulutan ng mayamang aral sa kasaysayan ang dula. Higit sa lahat, pinakita ang karaniwang mukha ng aktibista at hindi ang aktibistang ginawang demonyo sa propaganda ng mga pasista. Dahil sa pandemya, natutunan natin ang silbi ng quarantine. Hindi ba’t noong lockdown ay napakarami nating inisip, ginawa, at kung ano-ano pa habang tayo ay nakakulong sa loob ng ating mga tahanan? Ganun din sa ‘quarantine’ kapag kailangang tumabi habang ‘mainit’ ang sitwasyong pampulitika. Hahanap ng matutuluyan, kasama ang mga pinagkakatiwalaan, mag-uusap, magdedebate, at maglalaro ng kung ano ang mahahagilap sa bahay: Scrabble, Chess, Word Factory, at oo, kahit Spirit of the Glass. (https://www.bulatlat.org)

Si Mong Palatino ay secretary general ng Bagong Alyansang Makabayan at dating kinatawan ng Kabataan Partylist sa Kongreso.

Share This Post

Post Comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.