This story
was taken from Bulatlat, the Philippines's alternative weekly
newsmagazine (www.bulatlat.com).
Vol. VI, No. 35,
Oct.
8-14, 2006
NI
RICHARD R. GAPPI
Inakala ko: natabtab ang mga istik
na tao, gagamba, banga at palayok
sa dingding ng Petroglyphs sa bundok
at gumapang sila hanggang sa bayan.
Hanggang sa taas-baywang ng iyong
studio at sala sa bahay:
lumulutang ang mga canvas, oil,
pintura, kasama na rin, marahil,
ang mga laruan at manika ni Ashiya.
Panigurado, may kanya-kanyang kwento
sina Totong, Aron, Teng, Jon, Mangkols at iba
pang kasama
kung paano pinakialaman ng tubig at putik
ang mga imahen at larawan sa inyong mga
painting.
Ngunit ang gayong kwentuhan ay hindi paligsahan,
lalupa’t kung nasa Hacienda tayo at nag-iinuman.
Hindi ito katulad ng patimpalak ng Shell,
Metrobank, PLDT, Petron o ng Philip Morris.
Pinaaalalahanan tayo ng putik.
Marahil, panahon na rin upang hindi lamang
ang huni ng ibon
ang mga babaeng naglalaba sa batis
ang nakangiting mag-anak na namimingwit
ang nagtitinda ng kandila sa patio
ang ukitin at awitin ng mga manlilikha sa bayan
natin.
Kaninong kamay ang bumunot sa mga puno?
Sino ang nagpapakain ng buhangin sa mga isda sa
Wawa?
Ang nangyari’y tila inukit sa tubig;
nahuhulma sa isip
at aalon at aalon sa bubong
ng ating diwa.
Pitpitlag, panigurado, ang panghihinayang:
ang mga tinangay na alaala at nailista sa
tubig-baha.
Ngunit alam ko
na dahil kayo’y tunay na manlilikha –
kapag may nasira, may nabubuo;
at ang mga putik sa inyong mga kamay
ay magiging gintong palayok baling-araw.
Inilathala ng Bulatlat © 2006 Bulatlat
■
Alipato Media Center Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.
Ahon
(Kina Wire at sa mga Visual
Artist ng NEO-ANGONO)
Inilathala ng Bulatlat
5 Oktubre 2006 (Pagkatapos ng biglaang buhos ng ulan)
Angono, Rizal, Pilipinas