This story
was taken from Bulatlat, the Philippines's alternative weekly
newsmagazine (www.bulatlat.com, www.bulatlat.net, www.bulatlat.org).
Vol. VI, No. 5, March 5-11, 2006
TULA (POETRY)
Laban sa Deklarasyon ng
State of Emergency: Dalawang
Tula
NI LOLITO R. GO, JR.
Inilathala ng Bulatlat
I. State of Emergency
Ayon sa intelihensya ng kaharian:
Umabot hanggang palasyo ang usok ng
Nilulutong kudeta
May lahok ng alak na implamable
Puso ng dagang-bukid
Dugo ng asong-kalye
Kamandag ng serpiyente
Ipakakain sa reyna
Ang nakalalasong putahe
Ayon sa intelihensya ng kaharian:
Umabot sa palasyo ang pakakak ng
iresponsableng pamamahayag
Badya ng paghuhukom
Nakabubulabog
Nakabibingi
Nakaririndi ang alingawngaw
Ipanghaharana sa reyna
Ang makapunit-taingang ingay
Ayon sa intelihensya ng kaharian:
Umabot sa palasyo ang pinalipad na
Eroplanong papel
Ng desperadong mamamayan
Lulan ang mga titik
ng paninisi't pagbibintang
Sakay ang antraks ng benggansa
Ipasisinghot sa reyna
Hanggang malusaw ang mga baga
Umabot sa palasyo ang dagitab ng silakbo
Ang balaraw ng naipong panaghoy
Na sumisilahis mula sa maitim na papawirin
Na nagtatangka ng panibagong unos
Hindi pa man humuhupa ang alimuom
Ng nagdaang ambon
May karapatang mataranta ang lahat sa palasyo
At ipakandado ang bibig ng katotohanang
nagtutumahol
Ayon sa intelihensya ng kahariang nauulol
II. Nang Bawiin ang Proclamation No. 1017
Ibinaba ang kautusang takpan ang imbornal na
asal niyang umaalingasaw
At parusahan ang mga tahasang magsasabing sila
ay nababahuan
Mababawasan nga ba ang sangsang sa paligid
gayong butas ang panaklob?
Mapipigilan kaya ang panganganak ng mga
namiyestang langaw at lamok?
Magagamot ba ang nanikip at nasugatang baga ng
mga nakasinghot
Na hanggang ngayo’y nakaratay sa pagamutang
walang bubong?
Matindi na ang kumplikasyon ng kontaminasyon
Tumutusok at lumilikha ng malaking siwang sa
osown
Kaya nga tayo binabato ng masungit ng araw
At nginangalirang ang mga dahong dati’y silungan
Kanino isisisi ang pagsiklab ng damdamin, sa
langit?
Kanino ibibintang ang malawakang pag-aaklas
Ng mga taong nabubulunan sa di-malunok na
palakad
At nasasakal sa kabantutan ng mandarayang
pamamahala?
Iniangat na ang pansamantalang panaklob-singaw
Iniatras na ang sandatang batas-kontra-katuwiran
Malaya na muli tayong makaiiyak
Habang hindi tumitila ang alingasaw
Maraming-maraming salamat...
Makibaka tayo kabayan!
Posted by Bulatlat © 2006 Bulatlat
■
Alipato Publications Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.