This story
was taken from Bulatlat, the Philippines's alternative weekly
newsmagazine (www.bulatlat.com).
Vol. VI, No. 39,
Nov. 5-11, 2006
Dito iyon,
sa bulwagang
ipinangalan kay Pepe.
Siya na buong
tapang na sumaksak sa dibdib
ng yabang ng mga
prayleng may tiyang bundat,
gamit ang salita,
talinghaga, at pamamahayag.
Anupa’t ninais
niyang paghilumin
ang nagnanaknak na
sugat ng lipunan
“na sa
bahagyang saling
ay nagdudulot ng
napakatinding kirot.”
Ganoon din ang
aming ginawa kay Esperon.
Inilagay siya sa
labis na kahihiyan
kasing lansa ng
itlog
na nabasag sa
kanyang mukha.
Ni hindi namin
hinawakan ang kanyang balat
dahil nakapalibot
ang kanyang mga bayarang tanod.
Ngunit sinusuntok
siya ng mga salita
ng paniningil,
galit, panghihiya, at pangungutya
namin, na mga
kaklase at kaibigan nina Karen Empeño
at Sherlyn Cadapan
na tatlong buwan
na nilang itinatago
sa amin, at sa
kanilang mga pamilya.
Nang maubos na ang
dalwang dosenang itlog
na pinalipad namin
sa hangin
napagtuunan ko
naman ng pansin
ang naipong
tubig-ulan sa flower box.
Sinapo ko sa palad
ang kulay imburnal na tubig
na paulit-ulit
kong iwinasiwas
sa malilinis at
plantsadong uniporme
ng aming mga
bisitang mamamatay-tao.
Lumapit sa akin
ang mga kasamahan.
Napahinto ako, at
tinanong ang sarili:
“Mali ba ang aking
nagawa?”
Sa halip na
pigilan ang aking mga kamay
tinularan nila ang
aking kalabisan,
kung kalabisan
ngang maituturing.
Hanggang sa
dumampot ako
ng isang kimpal na
putik
na siyang
nagmantsa sa kanyang kapangyarihan.
Bago makaalis sa
Faculty Center
ay nanggigitata
ang kanilang mga damit
at ang
pinakaiingatang “dingal” at “moral.”
Pagkaripas ng L300
na kanyang sinasakyan
napatingin ako sa
aking sarili.
Punung-puno ng
putik ang mga palad
at naliligo sa
mantsa ang kasuotan.
“Ayos lang iyon.
Mahuhulasan ang iyong mga kamay ng tubig sa gripo.”
Sapagkat higit ang
mantsang nagpaparungis kay Esperon.
Hindi nabubura ang
dugo sa kanyang mga palad,
kahit na daluyan
pa iyon ng isang trak ng tubig.
At naliligo ng
sumisirit na dugo ng mga pinatay na aktibista
ang kanyang buong
katawan at katauhan.
Sa susunod na
pagkakataon
na dumalaw sa
Bulawagang Rizal ang sinumang
may kasalanan sa
kabataan at bayan
dadanasin nila ang
katulad na kapalaran.
Malalim ang sugat
at pitak sa aming puso at utak.
Sa conference
hall
(na ipinangalan sa
dakilang Senador
Claro Mayo Recto,
ang nagtanggol laban sa nakatanod na lawin),
kung saan “inilalantad
ang sakit ng bayan,
upang maihanap ng lunas,”
kung saan lalo
naming kinukudkod
ang mahapding
sugat upang lalong maunawaan,
hindi sila
maaaring kumportableng maupo
at bigyang
katuwiran ang kanilang pagpapalala
sa “kanser ng
lipunan.”
Kung mayroon man
akong natutunan sa pangyayari
simple, isang
bagay lamang:
Maligo man si
Esperon ng putik,
siguradong
magagalit ang kanyang kaluluwa,
ngunit labis
namang matutuwa ang kanyang budhi.
Sapagkat ang putik
na lumapat sa kanyang ulo at mukha
ay ang lupang
sumusundo sa kanya
patungo sa
himlayan.
Sapagkat siya ay
hindi buhay.
Siya ay isang
naglalakad na patay.
29 Setyembre 2006
No. 62 Venus Compound
Angono, Rizal
Inilathala ng Bulatlat © 2006 Bulatlat
■
Alipato Media Center Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.
Sa Bulwagang Rizal, Binato ng
Itlog at Putik si AFP Chief of Staff Hermogenes Esperon
NI
PHILIP ANORICO
Inilathala ng Bulatlat