Ilang Tala Hinggil
sa
'Nationalism and
Literature,' Paksa
ng Isang
Forum ng
UMPIL
Epektibong naisasalin sa mga henerasyon ang ideolohiya sa pamamagitan ng
panitikan, sa anyong patula man o tuluyan o stasis ng dalawa, sa paraang
alegorikal/fiction o non-fiction, sa mga aklat ng kasaysayan. Kinikilala
ito ng mga imperyalista kaya nakadisenyo ang kurikulum sa mga paaralan at
unibersidad upang lusawin ang anumang makabayang oryentasyong
makapagbubukas ng isip ng mga mag-aaral.
NI MARK
ANGELES
Inilathala ng Bulatlat
1.
TILA NAGSILBING “TAGABULAG” ang pagpapakete ng imbitasyon para sa
'Nationalism and Literature,' isang porum ng Unyon ng mga Manunulat sa
Pilipinas (UMPIL) at University of Santo Tomas Center for Creative Writing
and Studies (UST-CCWS) noong July 4, 2006.
Ayon sa imbitasyon, tatlong
prominenteng mga kritikong pampanitikan— sina 2006 National Artist for
Literature Dr. Bienvenido Lumbera, Dr. Soledad Reyes, at Dr. Ramon
Guillermo—ang maglalahad ng kanilang mga diskurso na tatalakay sa iba't
ibang mga isyu at kontrobersiya na kinasasangkutan ng mga manunulat at ng
iba pang mga artista sa Pilipinas.
Papasadahan ang panitikang
popular, pambansang ideolohiya, at estetikang Filipino.
2.
Ikinagulat marahil ng mga pamilyar sa takbo ng panitikang Filipino ang
pagpayag ng UST-CCWS sa pagdaraos ng ganitong forum sa loob ng bakuran ng
University of Sto.Tomas, ang pinakamatanda at pinakamalaking Katolikong
unibersidad sa Asya.
Kilala ang UST-CCWS bilang isa
sa mga tahanan ng ultra-konserbatismo sa panitikan. Ang direktor nitong si
Dr. Ophelia Dimalanta ay direktang nanghihikayat sa kanyang mga estudyante
na iadya sa sanghaya ng pulitika ang kanilang mga akda.
Samantala, mapapansin namang
de-kalidad at kilalang mga makabayan ang mga inimbitahang magsasalita.
Kagagawad pa lang kamakailan kay Dr. Lumbera ng karangalang National
Artist for Literature. Siya ang nagsilbing mentor nina Dr. Reyes at Dr.
Guillermo.
Hindi nakarating sa forum si Dr.
Lumbera. Hindi rin nakarating si Dr. Reyes bagamat naidistribyut ang ilang
kopya ng kanyang papel. Tinalakay ni Dr. Guillermo ang kolonyalisasyon at
panitikang Pilipino at binasa naman ni Dr. Ruby Gamboa-Alcantara ang papel
ni Dr. Reyes tungkol sa kulturang popular.
3.
Tila ba naparalisado ang forum sa hindi pagdalo ni Dr. Lumbera.
Batay sa mga artikulong nasa
website ni Dr. Lumbera, gayong naging malaking impluwensiya ang mga
modernistang sina T.S. Eliot, Dylan Thomas, at Federico Garcia Lorca, at
ang New Criticism sa kanyang pagsusulat, nililinaw niyang ang kanyang
estetika ay may pambansa-demokratikong oryentasyon na ginagabayan ng mga
sulatin ni Mao Zedong.
Ang ganitong paliwanag na
makikita sa ay magsisilbing himaton sa tanong ni Ernanie Rafael, miyembro
ng Linangan ng Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) ni Rio Alma (Dr. Virgilio
Almario, 2003 National Artist for Literature), para sana kay Dr. Reyes,
kung posible bang malusaw ang polarisasyon sa pagitan ng Formalismo at
Marxismo. (Tinangka ritong buhayin ni Rafael ang lokal na debate ng
‘art for the masses’ at ‘art for arts’ sake’ sa pagitan nina
Jose Garcia Villa at Salvador P. Lopez noong dekada 1930.)
Manapa’y mailalapit pa ang
posibilidad ng pagkakaisa ng form at content sa Stalinistang
“Nationalist in form, socialist in content.”
4.
Upang masagot ang tanong ni Rafael, una, kailangang kilalanin ng lahat ng
mga artista na lahat ng likhang-sining ay may ideolohiya.
Noong ika-18 siglo, ginamit ang
salitang ideolohiya bilang pantukoy sa mga siyentipikong kaisipan.
Isang siyentipikong pagsusuri
ang kailangan para bigyan ng konsiderasyon ang mga puwersang nagtulak sa
maylikha ng sining para piliin ang anyo at nilalaman ng kanyang obra,
isama pa diyan ang mga salik kung paano pangingibabawan, o sasakyan, ang
mga popular at kontemporaryong panitikan sa kanyang panahon.
Taliwas ito sa binanggit ni Dr.
Benilda Santos sa IYAS National Writers Workshop ngayong taon na kailanman
ay hindi nakalikha/makalilikha ng sining ang ideolohiya.
Kung gayon, para kay Dr. Santos,
hindi kailangang isailalim sa siyentipikong pag-aaral ang lahat ng katha.
Ang lahat ng ideyang ilalapat sa akda ay dapat na magmula sa
kubling-malay. Sapat na ang lahat ng talinghagang isusuysoy ng
kubling-malay para paikutin sa sariling puwit ang akda.
Bagamat minamatamis ni Dr.
Santos ang pagsaliksik sa mga alamat at kuwentong-bayan, para sa kanya,
hindi mahalagang taluntunin ang politika sa kasaysayan ng pag-akda.
Ang ganitong pagtingin sa
ideolohiya ay maaaring makita sa kanyang tulang “Ang Babae at ang Panahon”
kung saan pinapaasim ang kalituhan ng persona kung iaahon ang Panahon
mula sa balon. Maaaring sabihing ang balon ay arketipal na imahen
ng sinapupunan ng babae, tulad ng hinuha ni Prof. Edgar Samar sa papel na
“Paghawak sa Panahon,” pero hindi mapasusubalian ang himaton ng
pagtukoy sa status quo nang banggitin ng persona,
“..(ang) aking paningi’y ilan
taon na ring
napapako sa mahiwagang
kaharian..”
Sa tulang nabanggit, nababalot
ng ideolohiya ng konserbatismong pyudal — pagiging kimi at palasuko — ang
Babae. Ideolohiyang bitbit ni Dr. Santos mula pagkabata; bago pa
man siya mahikayat maging miyembro ng Galian sa Arte at Tula o GAT
(hanggang sa patalsikin ang tumayong pinunong si Rio Alma) dalawang dekada
na ang nakaraan.
Kung nakasisira ang ideolohiya
sa tula, kung gayon hindi lamang ang Panahon ang nalunod sa balon,
kundi maging ang babaeng “namimintana/ sa pumipintig na karimlan”.
Ay! nalunod sa kanyang sariling konserbatismo!
5.
Binigyang-diin ni Rio Alma na maaabot ang antas ng nasyonalismo sa
panitikan kung lahat ng mga akda sa lahat ng rehiyon sa Pilipinas ay
makakalap at lilikumin sa isang antolohiya o regular na malalathala sa mga
popular na babasahin.
Ganito rin ang pagtingin ni Dr.
Lumbera sa tinawag niyang “regional literature” at siyang susi ng paglabas
ng bagong edisyon noong 1997 ng kanyang aklat na Philippine Literature:
A History and Anthology’ [unang inilimbag noong 1982] kung saan
idinagdag niya ang mga akdang isinulat sa iba’t ibang wika sa Pilipinas.
Ayon naman kay Dr. Guillermo,
maling tingnan ang mga akdang nasusulat sa mga wika bukod sa
Filipino/Tagalog na mga “panitikang rehiyonal” dahil maipagkakamali itong
paghihiwalay sa ibang rehiyon at pagpapatampok pa sa mga akdang nanggaling
sa “imperialistang” Maynila.
Rehiyonalismong
nakabatay sa taktikang
pang-militar na divide et impera ni Nicolo Machiavelli ang ginamit
ng kolonyalismong Espanya para hindi magkaisa ang mga Pilipino upang
ipaglaban ang pambansang kasarinlan.
Sa kabilang banda, ang ganitong
pagsusuri sa pambansang kalagayan ay maaari ring gamitin para pagkaisahin
ang mga rehiyon. Mungkahi ni Prof. Rogelio Ordoñez sa “Si Rizal at
ang Pambansang Kalayaan,” kailangang tanggapin ng mga nasa ibang
rehiyon na Tagalog ang kalakhan ng wikang Filipino dahil ito ang ginagamit
ilang daang taon na simula nang gawing sentro ng mga dayuhang mananakop
ang Maynila.
6.
Mahalagang kanon ng isang bansang may soberanya ang pagkakaroon ng
pambansang kakintalan. Ito ang sandigan ng ideolohiya ng nasyonalismo.
“Pagsilang”
ang kahulugan ng klasikal salitang Latin na
nātiōn‑.
Pansinin
ang paggamit ni Cicero sa salitang natio sa ‘Filipos laban kay
Marco Antonio’ na isinulat niya noong 44 BC. Aniya:
Omnes nationes servitutem ferre
possunt: nostra civitas non potest.
(“Masisikmura ng lahat ng mga
lahi na magpaalipin,
ngunit hindi ang ating
komunidad”)
Malinaw ang paghihiwalay ng mga
nationes bilang mga lahing hentil -- mga mabababang uri na diumano
ay pumapayag magpaalipin – salungat sa civitas o status quo ng
imperyong Romano.
7.
Sa kanyang tulang “Paalam Sa Kamusmusan” na lumabas sa katipunang
Putong, binanggit ni Domingo Landicho ang koplang
“Diwang proletaryo ang gabay na
sinag
Gumabay na tala sa
pakikitalad.”
Makailang-ulit ring nabanggit sa
ilang tula sa aklat na ang katangian ng ekonomiya ng Pilipinas ay
malakolonyal at malapyudal.
Kapansin-pansin na dalawang tula
lamang sa koleksyon ang bumanggit sa salitang nasyonalismo.
Una, sa tulang “Makabayan”
(1987) na alay kay Jose W. Diokno ay sinabi niyang ang “Bayang kaluluwa
ay nasyonalismo.”. Mahusay na idinaan sa pagpapalit-baro ang
nasyonalismo. Ito ay ikinulong, nagkapunglo’t bala, magiging huling
himlayan, at idadaluyong sa pakikibaka.
Gayunman, sa tulang “Dakilang
Lumpo” (1999) na isinulat diumano sa diwa ni Apolinario Mabini, makikita
ang mga linyang ito:
“May binhing lason ang
nasyonalismo
Ang globalismo ang niluluhurang
altar
Wala nang hanggahan ang mga
bansa’t lahi.”
Bakit idiniskurso ng makata na
may lason ang nasyonalismo? Anong panganib ang lumalaylay sa altar ng
niluluhurang imperyalismong globalisasyon? May kinalaman ba ito sa
pinag-ugatan ng nasyonalismo sa eklesiyastikong Latino batay na rin sa
konteksto ng pagkakagamit ni Cicero?
Kilalang anti-imperyalista si
Mabini na siyang dahilan kung bakit, tulad ng iniligpit na si Antonio
Luna, siya ay trinaydor ni Emilio Aguinaldo.
Paliwanag ng Lipunan at Rebolusyong
Pilipino ni Amado Guerrero:
“Walang kakayahan, lampa, at
mapagkompromiso ang liberal na lideratong burges ng lumang demokratikong
rebolusyon..(at) nagayuma nang husto sa awit-adarna ng ‘kapayapaan’, ‘awtonomiya’,
at ‘mapagpalang asimilasyon’ na kinakanta ng mga imperyalista ng [Estados
Unidos] habang kinakatay nila ang mamamayan.”
8.
Pansinin, kung gayon, ang pagdidiin ni 2001 National Artist for
Literatuire F. Sionil Jose noong 1994 na tanging ‘nationalist
revolution’ ang sagot sa kahirapan ng bansa.
Ayon pa sa kanya, sa Unibersidad
ng Pilipinas (UP) magmumula ang rebolusyunaryong pamunuan ng kilusang ito.
“Mayroon nang rebolusyon na nasimulan at
nilahukan ang (UP),” reaksyon ni Dr. Lumbera sa abstrakto ni Dr. Jose na
pinamagatang “The University of the
Philippines and the Nationalist
Revolution.” Dagdag pa
niya, “Hindi na kailangan na umibento…muli ng isa pang rebolusyon upang
maganap ang pagbabagong hinahangad ng mga Pilipino.”
Binigyang-puna rin ni Dr.
Lumbera ang paniniwala ni Dr. Jose na “kailanman ay (hindi) magtatagumpay
ang isang rebolusyong pinamumunuan ng mga komunista, dahil…ang mga
komunista ay katulad din ng mga liderato natin na may ego at paghahangad
na itampok ang sarili sa halip na ang pag-ukulan ng pansin ay ang
kalagayan ng masa.”
Gayong naniniwala si Dr.Jose sa
‘pambansang’ katangian ng rebolusyong isinulong ni Bonifacio, hindi naman
siya sumasang-ayon sa bagong tipo ng pambansa-demokratikong rebolusyon na
isinusulong ng Communist Party of the Philippines-New People’s
Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) sa gabay ng Marxismo,
Leninismo, at Maoismo (MLM).
Pagkakamali ni Jose Maria Sison,
diumano, na siya ay tumanaw sa Tsina upang humango ng ideolohiya na
magiging tuntungan ng ating rebolusyon.
Malinaw na kulang ang kaalaman
ni Dr. Jose sa pambansa-demokratikong kilusan lalo na sa ipinaglalaban ng
CPP-NPA-NDF. Una, kinikilala ng rebolusyunaryong kilusan na, gayong
pamumunuan ng partido ang organisasyon (demokratikong
sentralismo/sentralismong nakabatay sa demokrasya) sa gabay ng MLM, hindi
mapapasubalian na ang uring manggagawa (proletaryado, katambal ng uring
magsasaka at kaagapay ng iba pang sector) ang magpapalaya sa bayan.
Malayong-malayo ito sa kanyang
palagay na mga intelektuwal ng UP ang mamumuno sa pambansang rebolusyon.
Ibig yata niyang maulit ang pagkakamali ng liberal na lideratong burges ng
lumang demokratikong rebolusyon.
9.
Dalawang koleksyon ng mga tula--ang Makinasyon (1968) at
Doktrinang Anakpawis (1979) — ang nagtaglay ng sipat ni Rio Alma sa
panlipunang kalagayan. Bukod pa rito, inilimbag niya ang pagsusuring
Panitikan ng Rebolusyo(g 1896) noong 1993.
Nagluningning ang tala ni Rio
Alma sa paglabas ng naunang mga aklat (katambal ng Makinasyon ang
Peregrinasyon (1970).
Ngunit pagkaraan ng ilang
dekada, idineklara ni Rio Alma sa “Kapag Isinangkot ang Pagtula: Ang
Panulaang Filipino tungo sa Bagong Milenyo” (2000) na bagahe ang politika
sa pagsusulat.
Ito ang naging saligan ng
kritisismong “Espasol versus Nilupak” na isinulat ni Gelacio Guillermo,
ama ni Dr. Guillermo at kilalang makata at kritiko ng pambansa-demokrating
kilusan.
Nakita naman ni Dr. E. San Juan,
Jr. noon pa man ang napipintong pagbaliktad ni Rio Alma sa kanyang
politika nang isulat ng una ang “Ang Kontradiksyon ng Pakikibaka ni
Virgilio Almario: Isang Bukas na Liham” na may petsang Setyembre
12, 1972.
10.
Katangian ng isang maunlad na bansa ang isang mayabong na panitikan. Ang
pagkilala sa aspetong ito ang nagbunsod ng tagumpay ng Great Proletarian
Cultural Revolution sa Tsina na pinamunuan ni Mao Zedong. Ito rin ang
dahilan kung bakit sinusunog ng mga imperyalista ang mga naitalang
panitikan. Ang pagbura sa alaala ng mamamayan at pagpapaigting sa
burgesyang kaisipan ay magbubunsod sa disilusyon sa makauring kamalayan,
ayon kay Georg Lukács.
Ang kasaysayan ng bansa, ani Rio
Alma, ay ang kolektibong panitikan nito.
Hindi kaya nakaturo ang mga
linya sa “Dakilang Lumpo” sa interpretasyon ni Rio Alma na paghuhubad ng
politika sa ideolohiya ng nasyonalismo?
Sa kabila ng pagwawagwag sa mga
estudyante ng UST at mga bisitang dumalo na balikan ang kasaysayan (isang
prinsipyong Marxista — dialectical at historical materialism—na
tinalikuran ni Rio Alma), hindi nabigyan ng signipikasyon ang pagdaraos ng
forum sa “Araw ng Pagkakaibigan” ng Filipino at Amerikano.
Anim na dekada na ang nakalipas
nang iproklama ang umano’y independensiya ng Pilipinas na iginawad ng
imperyalistang US. Noong Hulyo 4, 1946, awtomatikong naging unang
presidente ng republika ng Pilipinas ang kahahalal na huling presidente ng
gobyernong Komonwelt, si Manuel Roxas.
Inilatag noong taong iyon ang
neokolonyal o indirektang pananakop ng imperyalismong US sa pagpapatupad
ng Batas sa Ari-arian, Batas Bell sa Kalakalan, Tratado ng US at RP sa mga
Base Militar, at Kasunduan ng US at RP sa Tulong Militar.
Pagtatala ng Lipunan at
Rebolusyong Pilipino:
“Itinatakda ng Batas sa
Ari-arian na di pakikialaman ang lahat ng lupa’t gusali at iba pang
ari-ariang nakuha ng gobyerno ng [Estados Unidos] o ng mga ahensiya nito
bago mag-Hulyo 4, 1946 at pagkaraan nito.”
Ang bersyon ng nasyonalismo
(“globalismo ang niluluhuran…” sa wika ni Landicho) na ihinahain ni Rio
Alma sa mga kabataan ay mapapatunayan pa sa paglabas ng kanyang Dust
Devils: A Bilingual Selection of Poems on Youth, na pinondohan ng
World Bank!
11.
Maraming anyo ang nasyonalismo, paliwanag ni Dr. Guillermo.
Sa kasaysayan ng mundo, namalas
natin ang pinakamatinding uri ng nasyonalismo, ang pasismo sa ideolohiyang
Nazismo ni Adolf Hitler. Sa kabilang banda, nariyan ang nasyonalismo na
may katangiang internasyonalismo sa ideolohiyang Marxismo ni Lenin,
bilang sagot sa imperyalismong global.
Epektibong naisasalin sa mga
henerasyon ang ideolohiya sa pamamagitan ng panitikan, sa anyong patula
man o tuluyan o stasis ng dalawa, sa paraang alegorikal/fiction o
non-fiction, sa mga aklat ng kasaysayan. Kinikilala ito ng mga
imperyalista kaya nakadisenyo ang kurikulum sa mga paaralan at unibersidad
upang lusawin ang anumang makabayang oryentasyong makapagbubukas ng isip
ng mga mag-aaral.
Mahalagang salik ng isang
pampolitikang kilusan ang isang maunlad na pampolitikang teoriya, ani
Lenin. Sinabi naman ni Elias kay Ibarra sa Noli Me Tangere ni Jose
Rizal, “Ang tunggalian ay magsisimula sa larangan ng mga ideya upang
pagkatapos ay dalhin sa arena na titigmakin ng dugo.”
Isang matinding pangangailangan
ang maliwanagan sa kahulugan ng nasyonalismo at matukoy ang tunggalian ng
mga uri upang maigiya ang ideolohiya ng panitikan sa pagpapalaya sa bayan.
Ang labanan sa larangan ng
ideolohiya, turo ni Dr.Lumbera kay Isagani Cruz, ang susi sa pagbasa sa
mga tekstong naglalagay sa panganib (ng) umiiral na hegemoniya.
Bulatlat
Mga Sanggunian:
“Espasol versus Nilupak” ni Gelacio
Guillermo
“Ideology and Art” ni Alexander Martin
Remollino
“Lipunan at Rebolusyong Pilipino” ni Amado
Guerrero
Putong
ni Domingo Landicho
Paghawak sa Panahon
ni Edgar Samar
“Si Rizal at ang Pambansang Kalayaan” ni
Rogelio Ordoñez
“Ang Kontradiksyon ng Pakikibaka ni
Virgilio Almario: Isang Bukas na Liham” ni E. San Juan, Jr.
http://www.lumbera.ph
http://fsioniljose.blogspot.com/
http://en.wikipedia.org/wiki/Nation
Si Mark Angeles ay
dating vice president for Luzon ng College Editors Guild of the
Philippines. Siya ay miyembro ng Kilometer 64, Pinoypoets, at Guniguni.
Naging fellow siya ngayong taon sa IYAS at Iligan National Writers
Workshops.
BACK TO
TOP ■
PRINTER-FRIENDLY VERSION ■
COMMENT
© 2006 Bulatlat
■
Alipato Media Center
Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided
its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.