This story
was taken from Bulatlat, the Philippines's alternative weekly
newsmagazine (www.bulatlat.com, www.bulatlat.net, www.bulatlat.org).
Vol. VI, No. 18, June 11-17, 2006
TULA (POETRY)
NI REY TAMAYO, JR.
May maipapakinabang ba ang isang tulad ko
na sa kabila ng nagdudumilat na katotohan
ay pilit namang idinidiin sa salang hindi ko kailanman ginawa
at sa hinagap ay hindi man lamang sumagi
sa akin ang mang-agrabyado ng kapwa tao.
Ang kapalit ba ng pagtulong sa kapwa
ay wari bang isang sumpa ng kamatayan
na malagim pa sa pagpapatiwakal?
Anupa't sakali, ako'y hahatulan ng pagkabilanggo
odili naman kaya'y ng kamatayan.
Ang inyo bang mga labi ay ngingiti
at sa kalauna'y hahalakhak sa tagumpay na inyong nagawa?
Kahimanawari'y hindi mapigtal
ang umaandap-andap na liwanag
na nagsusumikap na pumawi
sa nakagigimbal na namamasdang dilim.
(Lumabas ang di-mapigilang mga luha sa aking mga mata
at tuluyang dumaloy sa pisnging nangungulila,
habang marahang itinataas ang aking
mukha at iginala ang paningin.)
Tangi nga bang mga luha na lang
ang magsasabi ng katotohanan sa gitna na kawalang-malay?
Sa dahilang ang malakas kong pagsigaw
ng katarungan ay unti-unti nang pumapanglaw.
Umid na rin ang paos kong tinig sa paghiyaw
sa animo'y ilang na dako ngunit sa katunayan
ay di mabilang na taong kumukubli sa kasinungalingan.
Mga taong ipinipihit ang kanilang pakinig
na waring ang kasiyahan ay makinig ng mga katha,
mga paningin na ibig sumaksi sa kabulaan.
Ganito ang gawi ng maraming tao sa kasalukuyan.
(Panandaliang idinampi ko ang dulo ng kapirasong panyo
sa nangangalumata kong mga mata)
Sana nga'y makatanggap ako ng tunay na hustisya.
Inilathala ng Bulatlat
© 2006 Bulatlat ■ Alipato Publications
Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.