This story
was taken from Bulatlat, the Philippines's alternative weekly
newsmagazine (www.bulatlat.com, www.bulatlat.net, www.bulatlat.org).
Vol. V, No. 12, May 1-7, 2005
Poetry
Bayani ng
Anak-Pawis
Ni E. San Juan, Jr.
Mabuhay ka, Ka Rolando
Olalia!
Mula rito sa bituka ng hayop,
bumabati kami sa iyo
sa umpisa ng iyong mahabang
paglalakbay—
Pinaslang ka ng mga
pasistang duwag—saan sila nagtatago?
Saan nagkukubli ang mga
alipores ng militar?
Tumambad ka’t humarap,
matapang na bayani ng masa,
sa larangan ng
pakikipagtunggali,
sagisag ng lipunang ating ipinaglalaban,
bukas ang puso sa pag-asa’t
pagmamahal,
Kasamang Rolando, narito
kami ngayon sa harap ng iyong bangkay.
Alisin ang talukbong
Tanggalin ang saplot
Hawiin ang tabing
Ibunyag ang katotohanan
Ibilad ang sekreto ng
panghuhuthot at pagsasamantala sa manggagawa
Kahit saan man sila magtago—sa
bituka ng hayop o sa lungga’t sulok
ng Clark Field o
Subic Naval Base
matutuklasan sila:
mga pasistang duwag,
mga bayarang alipin.
Matatagpuan sila--
Masasaksihan ng masa ang
krimeng hindi mapapagbalatkayuan
ng mga ngiti
nina Cory o Cardinal Sin—
ngiting nabahiran ng dugo ng ilanlibong anakpawis
ilanlibong biktima sa Negros,
Samar, Mindanao—
Kasama mo kami, Ka Rolando
sa prusisyong ito
sa pagburol ng bangkay ng
sistemang
mandaraya’t anong lupit!
Oo, ikaw ang tunay na hindi
nag-iisa
sapagkat
ilanmilyong Pilipino ang kasabay mong tumatawid
tungo sa pagbabagong-buhay, taas ang noo’t nakatitig sa araw
ng katotohanan at katarungan,
sinasalubong
ang paghihimagsik mo ng
“Mabuhay, Ka Rolando Olalia!”
[ Midweek, 4 May 1988
]
=================
Tungkol
sa Awtor
Nailathala kamakailan ng
Bucknell University Press ang isang bagong libro ng mga mapanuring sanaysay ni
E. San Juan, Jr., katulong sa Philippine Forum sa New York at tagapamahala ng
Philippines Cultural Studies Center, sa Storrs, Connecticut, USA. Ang pamagat
ng libro ay Working Through the Contradictions: From Cultural Theory to Critical
Practice.
Ang nakaraang mga akda ni
San Juan, ang Beyond Postcolonial Theory (Palgrave/Macmillan), at Racism and
Cultural Studies (Duke University Press), ay lumikha ng magsigabong
kontrobersiya sa loob at labas ng akademya. Ang bagong aklat niya ay naglalahad
ng matinik na kritika ng U.S. interbensiyon sa iba’t ibang lupalop ng daigdig na
nakabalatkayo sa ideolohiya ng “globalized neoliberalism.”
Noong 2003, siya’y
nagsilbing Fulbright professor of American Studies sa Katholieke Universiteit
Leuven sa Belgium, at visiting professor of English sa Wesleyan University.
Kamakailan, si San Juan ay naging visiting professor of literature and cultural
studies sa National Tsing Hua University at nagpanayam sa pitong pamantasan sa
Taiwan. Noong
nakaraang taon inilunsad ang dalawang libro niya sa Maynila: Himagsik (De La
Salle University Press) at Tinik sa Kaluluwa at iba pang akda (Anvil).
Ang pagpupugay na ito kay
Ka Rolando Olalia ay kasama sa bagong kalipunan ng mga tula niya: Sapagkat
Iniibig Kita (2005) na inilathala kamakailan ng University of the Philippines
Press. © 2004 Bulatlat
■
Alipato Publications Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.