Crisanto Evangelista: Lider manggagawa at tagapagtatag ng unang partido ng anakpawis sa Pilipinas

Ni ROLAND G. SIMBULAN

Pambungad

Isa sa pinakamahusay at maimpluwensyang lider ng manggagawa sa bansa noong ikalawa hanggang ika-apat na dekada ng pananakop ng kolonyalismong Amerikano sa Pilipinas ay si Crisanto Evangelista. “Ka Anto” kung siya ay tagurian, ay isinilang noong Nobyembre 1, 1888 at naging nangungunang personahe ng kilusang manggagawa ng Pilipinas at saka pangunahing lider ng unang partido ng anakpawis sa Pilipinas. Samakatwid,ika-133 na anibersaryo ng kanyang pagsilang nitong Nob. 1, 2021.

Sa liham para sa isang Amerikanong lider-obrero noong Disyembre 4, 1937, sinabi ni Pedro Abad Santos, tagapangulo ng Partido Sosyalista ng Pilipinas na, “Walang sinuman sa Pilipinas ang kumilos nang lubusan sa pagsusulong ng adhikain ng kilusang paggawa na higit pa kay Crisanto Evangelista.” Makalipas ang anim na dekada, si Armando Liwanag ng panibagong tatag na PKP ay nagbigay ng pagkilala kay Evangelista bilang “pinakamahusay at katangi-tanging lider ng kilusang paggawa sa kanyang panahon.” Wika ni Liwanag: “pinalitaw ni Evangelista ang pinakasulong na aktibista mula sa kilusang manggagawa tungo sa isang talibang partido, kung kaya’t ang kalakhan ng pamunuan at kasapian nito ay mula sa hanay ng mga manggagawa at magsasaka.”

Napakalaki ng naging ambag ni Crisanto Evangelista para sa Pilipinong masang anakpawis. Pinangarap niya ang pagtatayo ng isang lipunang sosyalista sa Pilipinas kung saan ang masang anakpawis, lalong higit ang mga manggagawa at magsasaka, na pinaka-dukha sa ating lipunan, ang siyang magtatamasa hindi lang ng pambansang kalayaan bagkus para makinabang sila sa tunay na pampulitika at at pang-ekonomiyang demokrasya ang Pilipinas.

Siya ay produkto ng kanyang panahon at ng uring kanyang pinagmulan. Siya ay isang tunay na anak ng masang anakpawis na nagsikhay na isakatuparan ang kanyang pangarap. Hindi lamang siya nanguna sa pagkilala ng pangangailangan ng isang partidong pampulitika ng manggagawa at magsasaka, siya ay kumilos upang maitatag ang isang pambansang partidong pampulitika ng uring anakpawis ng Pilipinas. Subalit sa tala ng kasaysayan ng Pilipinas, hindi nabigyan ng karampatang pagkilala ang kapita-pitagang lider-manggagawang ito.

Salat ang mga lathalain hinggil kay Crisanto Evangelista. Kulang rin ang mga sulatin sa kasaysayan ng kilusang paggawa at ang papel nito sa ekonomiya. Ang National Historical Institute (NHI) mismo ay hindi nagbigay ng karampatang pagkilala sa mga tanyag lider-manggagawa tulad nila Crisanto Evangelista at Felixberto Olalia, Sr.. Hindi rin naisama o nabanggit man lang ang pangalan ni Crisanto Evangelista sa maraming aklat pangkasaysayan o tipon ng mga dakilang Filipino noong panahon ng Commonwealth.
Sa “Ang mga Tanyag sa Kasaysayan ng Pilipinas: 500 mga Kilalang Pilipino sa nagdaang Kasaysayan ng Pilipinas” ni Carlos Quirino, hindi man lang binanggit ang bantog na lider manggagawa nang panahong iyon na si Crisanto Evangelista. Maging sa “The Philippines’ Who’s Who” ni H. Soriano at Isidro Retizos (1957), wala sa tala si Crisanto Evangelista, bagaman ipinagmalaki pa na ang aklat ay pagtitipon ng “mga tanyag na Pilipino sa nakaraang 400 Taon.” Wala rin ang pangalan ni Evangelista sa tala ng mga maikling talambuhay ng mga personahe sa kasaysayan, tulad ng A Dictionary of Philippine Biography (1955) ni E. Arsenio Manuel, at Rizal and Other Great Filipinos (1988) na akda nina Gregorio at Sonia Zaide.

Ang nakatala sa mga opisyal na talambuhay ng kasaysayan ay mga piling Filipino sa negosyo, pamahalaan o mga propesyonal. Katunayan, ang ilan sa mga nakatala ay nagpakita ng kaduda-dudang katapatan sa kolonyal na mga kapangyarihan na sumakop sa atin kaya’t hindi dapat isama sa hanay ng mga makabayan.

Isang bagay ang tiyak, ang mga inanak at inapo ng mga personalidad na nagmula sa mataas na uri ay may laang salapi para sa pagtatayo ng mga “memorial foundation” sa ngalan ng kanilang mga yumao. Ang kanilang mga inapo ay bumayad at nangontrata ng mga manunulat upang malathala ang kanilang talambuhay, at/o nagtayo pa ng “professorial chair” sa mga pangunahing mga unibersidad, at/o nagbigay ng mga pondo at scholarships sa alaala ng kanilang mayamang kaanak.

Si Crisanto Evangelista at iba pang lider-obrero ay walang ganitong yaman at koneksyon. Ito ang naging kapalaran ni Crisanto Evangalista at iba pang lider-obrero at mga martir na galing sa karaniwang tao. Ganito rin ang sinapit ni Macario Sakay, Katipunerong nakipag-digma sa mga kolonyalistang Amerikano hanggang sa kanyang huling hininga.

Bilang tagapagtatag noong 1930 ng unang partido ng uring manggagawang Filipino – ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) – nararapat na si Crisanto Evangelista ay nasa mahalagang lugar at papuri sa kasaysayan ng ekonomya, pulitika at paggawa ng Pilipinas. Ang pamumuno niya sa kilusang paggawa ng Pilipinas ay malaon sa partido pulitikal ng proletaryo ng Pilipinas na kanyang itinayo, at ng mga tagapaglika ng yamang sosyal – ang mga taong nagpapagal – ang lumilok sa kasalukuyang militanteng makauring pakikibaka at pampulitikang unyonismo ng kilusang paggawa sa Pilipinas. Ang pagkatatag ng partido pulitikal ng uring manggagawa upang hamunin ang mga partido pulitikal na hawak ng mayayaman ay makabuluhang yugto ng kasaysayan ng Pilipinas.(PKP Historical Commission, 1996) Isang iskolar na taga-Inglatera, si Jim Richardson ang kaisa-isang awtor na nagtampok sa papel ni Crisanto Evangelista sa pagkatatag ng PKP. (Richardson, 2011)

Saklob ng buhay ni Crisanto Evangelista ang pagtatanggol sa uring manggagawa sa Pilipinas at ang pagsusulong ng kanilang interes at kapakanan. Ang pagkakabuo ng kanilang mga unyon at sarili nilang partido pulitikal ay nagbigay ng pang-ideolohiya at pang organisasyong direksyon sa mga inaapi at naghihirap na masang Filipino.

Tagapagpatuloy ng makabayang mithiin ng KKK

Sa obserbasyon ng kilalang historador na si Renato Constantino, ang ibang nanlabang grupo na nakaugat sa kilusang masa ang nagtuloy ng pakikibaka laban sa Estados Unidos (E.U.) matapos ang pagsuko ni Emilio Aguinaldo at ng kanyang nangayupapang gabinete.
Sinulat ni Constantino:

“Ang mga unyon ng mga manggagawa at mga asosasyon ng magsasaka ang nagtuloy ng makabayang mithiin at inilangkap ito sa pakikibaka para sa katarungang panlipunan noong panahon ng pananakop ng Amerikano. Ang parehong pwersa ng masa ang bulto ng mga Huks na magiting na lumaban sa Hapon.” (Constantino, 1975)

Si Evangelista, sa pamamagitan ng kilusang paggawa na kanyang pinasigla, at ang partido ng anakpawis na tinulungan niyang inorganisa, ang siyang nagtuluytuloy ng pakikibaka para sa kalayaan. Kung kaya’t sila ang masasabing tunay na tagapagmana ng Katipunan. Ang militanteng kilusang paggawa na umusbong sa maagang panahon ng kolonyalistang Amerikano, kasama ang Iglesia Filipino Independiente o IFI ni Gregorio Aglipay, ang nagpatuloy ng anti-imperyalistang rebolusyonaryong tradisyon na itinanim ng Katipunan ni Bonifacio.

Noong Mayo 1, 1930, sa kanyang liham na binasa sa isang rali ng mga manggagawang unyong Amerikano, inihayag ni Evangelista ang kanyang malalim na paghanga kay Andres Bonifacio, lider anakpawis. Kanyang sinulat:

“Ang aming lumipas ay isang walang humpay na pakikibaka ng dahil sa ikapagtatamo ng iba’t ibang panahon at pangyayari. Ang mga tagapag-akay na mapapasigla sa amin noong mga panahong iyon ay hindi pinakikilos ng hangad na tungo sa pag-iimbot sa sarili. Ang patnubay ng aming maluwalhating himagsikan, na siyang kagyat nakapagbago sa kalagayan sa pulitika at sa pagpapalagayan sa kabuhayan ng mga tao sa Kapuluang ito, ay isang dukha, napakarukhang manggagawa – si Andres Bonifacio. Siya’y hindi naging demagogo kailan man, hindi naging pulitiko, subalit tinatawag siyang ‘filibustero’ at manggugulo. Ang mga pangulong patnubay namin ngayon, sa sinapupunan at sa labas ng pamahalaan ay paraparang anak ng aming dakilang rebolusyon. Ang kilusan namin ngayon ay isang kilusang kinakatigan ng bayan – siyang tunay na adhika ng bayan. Iya’y bunga ng isang mataas at walang humpay na pagmimithi ng isang bayang nakababatid ng kanyang mga katungkulan, ng isang bayang binubuo ng isang angaw ng Pilipino, na kung umiibig man sa kalayaan at katarungan, ang pag-ibig na iyan ay laging pinapapanariwa at pinasisigla ng aming mga makabayang gawa ng mga nagdaang araw.” (Evangelista, C. , n.d.)

Dugtong ng liham na pakikiisa ni Evangelista sa mga manggagawa sa Amerika:

“Ang aming mga ninuno ay nakipagbaka ng pakikibakang hindi kahina-hinayang. Ang aming mga patnubay sa kilusang manggagawa at hindi mga patnubay lamang na walang pinag-uukulan ng sikap at pagod ng ikalulutas ng mga suliranin sa kabuhayan at sa paggawa, subali’t bukod pa riyan, at sa ibabaw ng lahat ng bagay, ang kanilang pangunang hangad ngayon ay matulungan, mapagtibay ang pagkilos na tungo sa ikagaganap ng aming banal na mithi. Ang pakikibaka na aming ginagawa ngayon ay hindi matutungkol lamang sa pakikibaka ng dahil sa kabuhayan, ni hindi lamang ng tungkol sa suliranin ng paggawa. Ang aming pakikipaglaban ngayon ay tiyak na pakikitunggali ng dahil sa pulitika o political struggle na aming ikalalaya.”
(Evangelista, C., n.d.)

Pamilya at pagkakamulat

Si Crisanto Evangelista ay ipinanganak noong Nobyembre 1, 1888 sa Barrio Malhacan, Meycauayan, Bulacan. Siya ang panganay na anak ni Florencio Evangelista, magsasakang nagtrabaho sa hacienda, at Feliciana Abano, ikalawang asawa ni Florencio. Si Feliciana ay tagapangasiwa ng kanilang tahanan ngunit tumutulong rin sa gawaing bukid. Siya ay may angking talas ng isip. Dahil marahil sa salat ang kita, minabuti ni Florencio na magtaguyod lamang ng maliit na pamilya. (Abreau, panayam: 2009; Ka Chabeng, panayam: 1988)

Hirap at kapos sa pangangailangan ang pamilya. Ayon mismo kay Evangelista, “Nabibilang ako sa nakararaming anak ng Diyos na mahirap.” Ang mga Evangelista at kaanak ay tumira at nagtrabaho sa Barrio Malhacan at Barrio Calvario sa Meycauayan. ( Abreau, panayam: 2009)

“Anto” ang tawag ng mga kaanak kay Crisanto. Nagtapos siya ng elementarya sa Meycauayan, Bulacan. Sa sariling sikap siyang natuto na magsalita at magsulat ng Ingles at Espanyol. Nagtungo siya sa Maynila upang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral at nagtrabaho ng partaym upang tustusan ang sarili. Di kayang tustusan ng kanyang pamilya ang kanyang pag-aaral dahil sa kapos rin sa pangangailangan. Sa tiyaga at determinasyon, nakatapos siya ng hayskul sa sariling kayod. (Jose, 1981)

Subalit pagkatuntong niya ng kolehiyo, namatay ang kanyang ama kaya’t napilitan siyang huminto sa pag-aaral. Kinailangan na niyang balikatin ang pagtaguyod sa pamilya. Sa kabila ng mabigat na kalagayan, di siya nawalan ng pag-asa. Siya’y nagpursige imbes na naghimutok. Ang kanyang tibay ng loob at optimistikong saloobin ang katig niya sa pagharap sa mga hamon at kahirapan.

Sa masidhing hangad mangalap ng karunungan at suriin ang lipunan, puspusang siyang nagbabasa tuwing libre sa trabaho. Sa hilig niya sa pagbasa nakuha ang husay sa Ingles at Espanyol, sa pagsasalita man o pagsusulat.

Sa Maynila, nagtrabaho si Evangelista sa iba’t ibang imprenta, kasama na ang Bureau of Printing at Manila Daily Bulletin. Nagsimula siya sa pinakamababang posisyon, nagpunyagi’t umangat na lino-typist sa kumpanya. Bilang lino-typist, tungkulin niyang pasadahan ang lahat ng artikulo para siguruhing walang mali. Gustong gusto niya ang kanyang gawain dahil mahilig siyang magbasa at lalong marami siyang natutunan.

Ang trabaho niya sa imprenta ang naglapit at ang dahilan ng kanyang paglahok sa Union Impresores de Filipinas (UIF) o Printer’s Unions.

Kolonyal na pamahalaan ng Estados Unidos

Lumaki si Evangelista sa panahon na dinudurog pa ng kolonyal na Amerikanong mananakop na pumalit sa Kastila, ang mga natitirang lumalabang armadong Pilipino para sa kalayaan ng bansa. Mula sa pagpasok ng gurong Amerikano na tinaguriang Thomasites, ginamit ang sistemang edukasyong pampubliko bilang isang malaking “brainwashing machine’ para makalimutan ang kolonisasyon at gawin tayong “Brown Americans”. Ang mga pinakamagaling na estudyante ay pinaaral pa sa Amerika upang lubusang ihanda bilang tagapagsilbi sa kolonyal at neo-kolonyal na adyenda at burokrasya nila sa Pilipinas. Ang ekonomiya ng Pilipinas ay itinali sa bagong imperyo ng Amerika una, bilang eksporter ng likas na yaman mula sa minahan, troso at agrikultura upang magsilbi sa pangangailangan ng Amerika. At ikalawa, bilang tambakan at palengke din ng mga produkto ng mga industriya ng Amerika.(Corpuz, 1995; Doeppers, 1986, 1984)

Ang kalagayan ng uring manggagawa sa Pilipinas ang lumikha ng hinog na kalagayan na humamon sa pananakop ng mga Amerikano. Isang malakas na kilusan ng uring manggagawa ang sumulpot sa panahong nagpapatatag pa lang ang Estados Unidos ng pampulitika, pang-ekonomiya at pangmilitar na kaayusan sa Pilipinas. May katangian ang umusad na kilusang manggagawa sa panahong ito ng unang apat na dekada ng kolonisasyon ng Amerika sa Pilipinas: ito ay nanguna sa pagtatanggol sa interes ng anakpawis para sa sahod at pagpapaunlad ng kanilang kundisyon sa trabaho, at ito rin ang naging tagapagtaguyod ng kalayaang sinikil ng bagong mananakop. Bukod dito, ang mga manggagawang organisasyon din ang mga unang nagtanim ng binhi ng sosyalistang ideya sa Pilipinas. (Dalisay, 1999; Kerkvliet, 1992; Scott W.H., 1992)

Ang pakikilahok ni Crisanto Evangelista sa kilusang paggawa ay nagsimula noon pang 1903 noong 15 anyos pa lamang siya. Di umano’y tagahanga at nagsilbing inspirasyon ni Evangelista si Dominador Gomez sa pagtulong sa mga mahihirap at kapwa manggagawa. Si Gomez ay kilala nang sosyalistang manunulat noon. Sa edad 17, isa na siya sa mga mag-aaral sa Paaralang Manggagawa na inilunsad ni Herminigildo Cruz at Lope K. Santos noong 1905. Dito, pinag-aralan niya ang iba’t ibang paksa, kasama ang hinggil sa pag-oorganisa ng mga manggagawa at ideyolohiyang sosyalista.

Ang Union de Impresores de Filipinas (UIF) ay itinayo noong 1901. Noong 1906, sa kumbensyon ng UIF sa Kalye Almanza, Sta. Cruz, Manila, nahalal bilang pangkalahatang kalihim si Evangelista. Edad 18 pa lamang siya noon.

Ang UIF ay isang pambansang pederasyon ng mga manggagawa sa industriyang pang-imprenta at grapika na nagtanghal ng sosyalistang islogan na, “Ang paglaya ng mga manggagawa ay hawak ng mga mismong manggagawa.” Di kalaunan, ang UIF ay naging bahagi ng mas malaking kilusang kasama ang mga manggagawang pang-agrikultura.

Si Evangelista ay lumahok rin sa mga samahang tulung-tulungan (mutual aid associations) at naging kasapi ng Guild of Typographers, Lithographers and Bookbinders. Siya ay naging kasapi rin ng mga iba pang kasing tulad na organisasyon, tulad ng Sikap Kabataan, Timbulan, Damayang Mahirap, Samahang Abuluyan sa Limbagan ng Pamahalaan.

Noong ikalawang anibersaryo ng organisasyong Damayang Mahihirap noong 1913, binasa ni Evangelista ang kanyang tula, “Ang Sigaw ng Dukha”, isang 16 na talata na kinatha niya para sa pagtitipon. Narito ang sipi ng kanyang tula:

“ Tayo’y dumaraing, laging himihingi ng kandiling tapat.
Sa Pamahalaan, sa Mamumuhunan, at sa lagdang batas
Ngunit masdan ninyo kapag dumarating ang pagpapahayag
ng di kasiyahan natin sa pakana’t masamang palakad:
Ang mamumuhunan, ang pamahalaan at ang mga batas
Ang ating kalaban, ang sumasanla, nang ganap na ganap.

“Ginigipit tayo ng nagtataasang halaga ng lahat
Sinisikil tayo sa mababang sahod at ng kasalungat
Tayo’y inaapi ng mamumuhunan sa gawi ng pilak
Binibiro tayo ng mga hukuman sa hatol na tuwad
At pati pa halos niyong lalong imbi tayo’y hinahamak
Ngunit hindi mandin tayo gumagawa ng mga pangwasak.”

Ganito niya tinapos ang kanyang tula:

“Saka pagkatapos na iyong maganap ang ganang tungkuli’y
Makikita mo nang unti-unti naman ang lahat ng sakim,
Ang lahat ng sama na nakapagbigay ng dilang hilahil,
Pawang napapawing usok na masangsang sa himpapawirin
At sa kasunod niya’y ‘Ang Sigaw ng Dukha’ pagwawakas lagim!”
(Evangelista, C., n.d.)

Ngunit nawalan siya ng gana sa mga samahang “mutual aid” dahil isinantabi nito ang mga suliranin at pangangailangan ng mga manggagawa sa mga pagawaan, maging ang mga pag-aaral para sa mga manggagawa. Kinaligtaan ng mga samahang ito ang mga isyu tulad ng pagtaas ng sahod, oras sa paggawa, karapatan at kalagayan ng mga manggagawa sa pagawaan. Ayon kay Evangelista, “pinamimihasa na lang ang mga manggagawa na umasa sa samahang tulungan at di tinuturuang kung paano tulungan ang kanilang sarili, ang kanilang kapwa at ang kanilang kapwa-manggagawa.” Kanyang napagtibay na, “nasa pagkakaisa nakasalalay ang buhay, lakas at paglaya ng mga manggagawa.”

Pamilya

Sa Maynila, nakilala ni Evangelista si Lucia de Guzman, taga-Paco na kapareho ng kanyang paniniwala. Si Lucia ay anak ni Ignacio de Guzman at Honoria Gonzales. Nagpakasal sila noong Enero 1912 sa Parroquia de la Iglesia Catolica Apostolica Independiente Filipina sa Tondo, Maynila. Nanirahan sila sa San Juan, Binondo sa Kalyeng Juan Luna.

May siyam na anak si Crisanto at Lucia, apat na lalaki at limang babae. Ang nakilalang anim na anak nila ay sila Lucia, Luningning (Noni), Angelina (Geli), Josephine (Josie), Helen at Narding. (Evangelista, Jordy panayam: 2018) Ang asawa ni Evangelista ay kilala sa taguring Nana Lucia. Ayon kay Purificacion “Puri” Abreau, na matagal na kaibigan ng pamilyang Evangelista, si Nana Lucia ay “may angking ganda, mestiza, malusog ang pangangatawan, may maningning na mga mata, laging nakangiti, mabait, malumanay magsalita at masarap magluto.” (Abreau, 2009)

Ang tatay ni Puri Abreau na si Gregorio “Tata” Abreau na nakatira sa Saluysoy, Meycauayan, at si Ka Anto ay magkababata at matalik na magkaibigan. Ang nakababatang kapatid na babae ni Puri, si Ka Chaleng, ay kilala rin si Evangelista. Ito ay batay sa kwento sa kanyang anak na si Lualhati Abreau na nakapanayam ng may-akda.(Abreau, panayam: 2009)

Sa likod ng bahay ng mga Evangelista sa Meycauayan, Bulacan itinayo ni Ka Anto ang Kapisanan ng mga Panday Kapisanan ng mga Tsinelero, at maging ang Labor Sports Union of Meycauayan. Ang lumang bahay ng mga Evangelista ay regular na pulungan ng mga lider obrero/manggagawa ng PKP. Batay ito sa salaysay sa may-akda noong 1988 ng namayapang si Ka Chaleng, malapit na kaibigan ni Evangelista. (Abreau, panayam: 2009)

Pagkagising sa elitistang pulitika

Matapos ang bigong pagtakbo ni Evangelista bilang konsehal ng Maynila sa ilalim ng Unyon Repormista ni Isabelo de los Reyes, di kalaunan ay sumapi siya sa tsapter sa Maynila ng Partido Nacionalista.

Noong Mayo Uno ng 1913, kasama si Herminigildo Cruz, sinikap niyang pagka-isahin ang mga unyon sa Pilipinas para garantiyahan ang batayang karapatan ng mga manggagawa. Nang malaon nakita ni Evangelista na ang masang anakpawis ay hindi nagkaka-isa: ang iba ay naenganyo sa elitistang makinaryang ito. Nakita niya na ang paligsahan sa kapangyarihang pampulitika ay limitado lamang sa mga elitistang mayayaman. Sa pagkamulat sa ganitong sistema, nagpunyagi siyang hamuin ang istruktura at wasakin ang monopolyo ng mga elitista sa pulitika at ekonomya sa ngalan ng masang anakpawis, lalo’t higit ang manggagawa’t magsasaka.

Pagsapit ng 1919, si Evangelista ay isa nang nangungunang pinuno sa kilusang unyon sa Pilipinas. Itinalaga siyang kinatawan ng manggagawa sa Unang Misyong Pangkasarinlan ng Pilipinas sa Estados Unidos sa pangunguna ni Manuel L. Quezon. Habang nasa Estados Unidos, dumalo siya sa Pandaigdigang Kongreso ng mga Manggagawang Pang-Industriya.

Kumalas sa Partido Nacionalista si Evangelista kasama ang ibang makakaliwang alyado at itinayo ang Partido Obrero na naging Partido ng Progresibong Manggagawa (Progressive Workers Party). Mas tumibay ang paniniwala ni Evangelista at iba pang lider manggagawa na ang mga elitistang partido tulad ng Partido Nacionalista ay di kayang pamunuan ang pakikibaka para sa kasarinlan, ganun din ang pagkaisahin ang mga organisasyon ng mga manggagawang industriyal at organisasyon ng mga magsasaka. Pinamunuan ni Evangelista ang mga welga noong 1922 laban sa mga pahayagang pag-aari ng Amerikano: sa Free Press, Manila Times, Cable News American, at ang Manila Daily Bulletin. (Guevara, 1995; 1991)

Noong 1926, kasama si Evangelista sa pag-organisa ng Partido Obrero bilang pangkalahatang kalihim at si Antonio Ora bilang pangulo. Noong 1927, naitayo ang Congreso Obrero de Filipinas (COF) sa inisyatiba ni Evangelista. Siya ang naging pangkalahatang kalihim. Ang COF ay naging kasapi ng Pan-Pacific Trade Union Secretariat (PPTUS), ang rebolusyonaryong sentrong unyon sa mga bansa sa Malayong Silangan (Far East).

Noong 1928, dumalo si Evangelista at ilang Pilipinong lider manggagawa at magsasaka sa mga pandaigdigang pulong ng manggagawa, tulad ng Red International of Labor Unions(PROFINTERN) sa Rusya, at Peasant’s International (KRESTINTERN) sa Tsina. Kabilang sa mga pagtitipon ay ilang progresibong pederasyon sa paggawa at pagsasaka. Sa ika-apat na komperensya ng PROFINTERN, nahalal si Evangelista sa Central Council nito. Sa panahong ito, ang rebolusyonaryong lider ng Vietnam na si Ho Chi Minh ay dumadalo rin sa mga komperensiyang nabanggit. Sa sulat ni Ho Chi Minh sa mga kaibigan mula sa mga kolonyang ng Asya at Aprika na naninirahan sa Pransya, hinikayat niya na “magsiuwi sa kanilang mga bansa, makipag-ugnayan sa masa upang mulatin, pagkaisahin, sanayin, at pamunuan nila ang laban para sa kalayaan at kasarinlan” ng kanilang mga bansa. Kasama si Ho Chi Minh na nagtayo ng League of Oppressed Asian peoples, kung saan ang ilang Pilipinong militanteng lider obrero ay kalahok. Pinagsamang diwa ng nasyonalismo at at sosyalismo ang nagkawing sa mga iba’t ibang lider na makipag-ugnayan upang tapusin ang mga imperyong dayuhan na naghahari sa kani-kanilang bansa.

Taong 1922 pa lamang, hinimok na ni Evangelista ang pagtatayo ng Katipunang Pambansa ng mga Magbubukid ng Pilipinas o KPMP “upang pagkaisahin ang mga magsasaka sa kilusang para sa lubusang pagpapalaya ng Pilipinas.”(Guevara, 1992) Inatasan ni Evangelista si Jacinto Manahan na mamuno sa pag-oorganisa ng magsaska sa buong Pilipinas. Si Manahan ay nagtayo ng mga sangay ng mga unyon ng magsasaka panimula sa Bulacan at Nueva Ecija hanggang sumanga ito sa iba pang mga probinsiya. Kaya noong 1924, naitayo na ang unang kompederesyon ng mga unyong magsasaka na kaugnayan ng mga unyon sa Maynila na inorganisa ni Evangelista.

Mula noon, ang mga kilusan ng magsasaka ay nagkaroon ng malapit na ugnayan sa mga unyon ng mga manggagawa na nakabase sa lungsod. Dumating ang araw na maging ang mga unyon ng mga magsasaka at manggagawang bukid ay naghabol din ng sama-samang pakikipagtawaran o Collective Bargaining Agreement, nang tularan nila ang porma ng organisasyon at taktika ng mga unyon sa Maynila. (Kerkvliet, 1992) Makikita natin dito ang tanaw ni Evangelista na pagkaisahin ang mga unyon at organisasyon ng magsasaka at ng manggagawa sa ilalim ng isang partido ng masang anakpawis. (EILER, 2002)

Inihanda ni Evangelista ang dokumentong, “Ikalawang Kalatas: Ang Tumpak na Organisasyon at Pagtataguyod sa mga Kapisanang Manggagawa.” Ito ay inilimbag na pampleto ng Lupon sa Pagtatatag ng mga Kapisanan at Kalipunan ng Kongreso Obrero sa Pilipinas,” petsa Hulyo 30, 1928. (Kerkvliet, 1992)

Kumalas si Evangelista at mga kasama niya sa Congreso Obrero de Filipinas (COF) noong Mayo 12, 1929, dahil sa di pagkakasundo ukol sa ugnayan ng COF sa mga progresibong pederasyon ng ibang bansa. Saka tumulong sila sa pagbubuo ng Katipunan ng mga Anakpawis (KAP) at nahalal si Evangelista na pangkalahatang kalihim. (Jose, 1981) Ang pagtatasa ng KAP hinggil sa kalagayan ng mga anakpawis sa ilalim ng kolonyal na administrasyong Amerika ay:

“Kung titiyakin, hindi bumubuti kundi bagkus nagiging hirap at gipit; masama pang higit kaysa nakaraang tatlumpu’t limang taon….Ang pamumuhay ay patuloy sa pagbaga. Ang tunay nilang sahod, na hindi masasabing palagian, ay pababa nang pababa. Ang oras ng paggawa ay nananatiling gaya rin ng dati — sa pagawaan, mula sa 8 hanggang 12 oras; sa bukid, mula sa 12 hanggang 16 na oras sa maghapon.”

“Samantalang ang halaga ng mga kailangan sa buhay ay pataas nang pataas, dahil sa nadaragdagan, ang karaniwang sahod ay di rin nagbabago, mula sa P1.30 hanggang P1.50 isang araw. Sa nakalipas, ang sahod ay mula sa kahati (P.25) hanggang anim na sikapat (P.75). Ang mabibili ng piso ngayon, hindi maipapantay sa mabibili ng kahati noong araw. Ang halaga ng mga pangangailangan sa buhay sa likod ng nagdaang 30 taon ng pamahalaang Amerikano ay mababa nang mula sa 100 porsiyento sa kasalukuyan.”

“Ang magbubukid ay hindi pa rin nagkatatagtag sa kuko ng mapang-aliping peudalismo. Ang peonahe o pagpapaaliping dahil sa lika-likhang utang ay naghahari pa rin. Patuloy pa ring pinagnanakawan ng walang awa ng kanilang mga inaani at lupang sinasaka o homisted. Ang malahayop na pagpapalayas sa kanila sa mga asienda, sa pamamagitan ng pandaraya o panglilinlang at pananakop ay patuloy pa ring walang sagka. Ang kanilang kinikita, pagka-awas ng mga nagugol sa pag-aani at sa walang habas na patubo, ay mula sa P.13 hanggang P.15 sang araw, sa loob ng pitong buwang pagsasaka. Dahil sa napakaaping kalagayang ito, ang mga magbubukid ay mabilis na nagsisilayas sa kanilang bukirin, diyan sa kanilang mga sinilangang pook at kinagapusan sa pagkaalipin — sa buhay na napakadusta nang walang anumang katangkilik….” (Evangelista, C., n.d.)

Dahil nasa ilalim ng kolonyal na sakal ng Amerika ang Pilipinas, naging madalas ang pakikipag-ugnayan ni Evangelista sa mga sosyalistang lider-manggagawa ng Amerika. Sa aking panayam sa internet kay Jim Richardson na sumulat ng aklat ukol sa pagkatatag ng mga sosyalistang kilusan sa Pilipinas noong panahon ng mga Amerikano, inatasan ng Comintern ang mga sosyalistang Amerikano na tumulong sa pagtatayo partidong anakpawis sa Pilipinas noon pang 1924. (Richardson: panayam, 2021) Nakaugnay ni Evangelista ang mga sosyalistang Amerikano na dumalaw sa Pilipinas tulad nila Earl Browder, Francis Waldron, Alfred Wagenknetcht, William Janequette at ang mag-asawang James at Isabelle Allen.(Allen, 1985)

Naging malapit din niyang kaugnay si Tan Malaka, isang sosyalistang lider ng mga unyon sa Indonesia na tumira sa Pilipinas ng dalawang taon(1925-1927). Sa pananatili ni Malaka ng dalawang taon sa Pilipinas, malaki ang kanyang naimbag sa pampulitikang edukasyon ni Evangelista at ng mga manggagawang lider sa sosyalistang teorya. Nakadalo rin si Evangelista sa mga pandaigdigang komperensya sa labas ng Pilipinas, kasama ang kanyang pag-aaral sa Komunistang Unibersidad ng Anakpawis sa Silangan (KTUV), Moscow. Ilan sa mga naging Asyanong sosyalista na naging mag-aaral ng KTUV sina Tan Malaka, Harry Haywood, Ho Chi Minh, Tran Phu, Deng Xiao Ping, Lui Shaoqui, Jomo Kenyatta, M.N. Roy at Nicolaos Zachariadis.(Harper, 2021) Naging pagkakataon ang mga komperensyang ito, upang makilala niya ang mga lider-manggagawa at sosyalista mula sa Rusya, Tsina, Vietnam, India, Japan, Africa, atbp. na naging mga mahahalagang lider sa kanilang mga bansa (Jose, 1981)

Sa panayam ng may-akda kay Luis Taruc noong 1997, sinabi ng Taruc na sa personal niyang pakikitagpo kay Evangelista, ang kanyang impresyon sa kanya ay “ isa siyang taong mapagpakumbaba, mahinahon magsalita, at matatag sa kanyang paninindigan para sa interes ng mga manggagawa. “ Dagdag pa niya na si Evangelista ay isang mahusay na tagapagsalita at umaaktong isang tunay na guro na inilaan ang kanyang buong panahon para sa masa. Isinalarawan ni Taruc si Evangelista na “mabait, karinoso, matatag ang paninindigan at madaling maka-kumbinsi.” Siya ay hindi nakakainis at nakagagalit, kung kaya’t madali niyang naimumulat ang masa upang maging aktibo. Siya ay may taas na 5’2”, siya ay laging masigla, “may kislap ng mata at larawan ng dedikasyon sa kanyang paniniwala.” Siya at palabasa at sumusulat sa estilo na akma sa kanyang malawak na mambabasa na mga manggagawa. (Taruc, panayam: 1997)

Pagtatag ng partido ng uring anakpawis

Noong Agosto 26, 1930, kasama si Evangelista sa nagtatag ng isang legal na partido ng manggagawa at magsasaka, ang PKP o Partido Komunista ng Pilipinas. Pormal na nailunsad ang PKP noong Nob. 7, 1930 sa pampublikong plasa sa Tondo, Maynila. Si Evangelista ay nahalal na unang Pangkalahatang Kalihim. (Saulo, 1969)

Ipinaliwanag ni Evangelista ang kaibahan sa pagitan ng PKP at ng mga unyon ng manggagawa tulad ng KAP:

“Ang PKP ay isang pampulitikang partido ng manggagawa at magsasaka, na ang maari lamang sumapi ay ang mga nakauuawa sa tunggalian ng mga uri. Habang ang KAP ay isang pang-ekonomiyang samahan o unyon ng mga manggagawa na ang kasapian ay nagmumula sa mga masang manggagawa na nasa ilalim ng iba’t ibang unyon at pederasyon ng mga manggagawa na bumubuo ng KAP.” (Evangelista, C., n.d.)

Ang petsa ng pagkakatatag ng PKP, Agosto 26, 1930 ay makahulugan dahil ito rin ang petsa nang ilunsad ng mga Katipunero na pinamunuan ni Andres Bonifacio ang pagpunit ng kanilang mga sedula at manumpang palalayain ang bansa sa pananakop ng kolonyalistang Espanyol.

Ang kumbensyon ng pagtatatag ng PKP ay ginanap sa Templo del Trabajo, ang paboritong lugar tipunan ng mga kilusang manggagawa noong ika- 1920-1930. Tapat sa kanilang pinagmulang uri, ang panimulang kasapi ng PKP ay 60 delegado na ang karamihan ay mga lider ng pederasyon, unyon ng mga manggagawa at samahan ng mga magsasaka na kaanib ng KAP at KPMP.

Opisyal na ipinahayag ang pagkakatatag ng bagong Partido sa isang pampublikong rali na dinaluhan ng 6,000 manggagawa at magsasaka noong Nob. 7, 1930 sa Plaza Moriones, Tondo, kung saan itinakda ang Maynila bilang sentro ng kilusang paggawa. Ang proklamasyon ay itinaon din sa ika-13 anibersaryo ng Rebolusyon ng Bolshebik ng Rusya.

Halos kalahati ng mga dumalo sa rali ay nag-sumite ng kanilang aplikasyon sa pagsapi matapos ang pagtalakay sa konstitusyon ng partido noong araw ring iyon. Nabuo ang PKP upang magkaroon ng sariling partido ang mga manggagawa at magsasaka upang pamunuan ang anti-imperyalistang pakikibaka para sa pambansang paglaya at panlipunang kalayaan ng mamamayang Pilipino tungo sa sosyalistang sistema.

Kapagdaka, ang mabalasik na legal na tunggalian sa kolonyalismong Estados Unidos at elitistang pamahalaan ng estado ay nagsimula. Ang mga lokal na oligarkiya, malalaking negosyanteng Amerikano at elitistang partido ay nabahala sa mga malalaking pagtitipon, welga, at demonstrasyon na pinamumunuan ng PKP maging ang mga koordinadong welga na impluwensyado ng PKP.

Ang malaking rali na organisado ng PKP noong Mayo 1, 1931 ay binulabog ng kolonyal na otoridad. Sa pangkalahatang eleksyon noong Hunyo 1931, nagtala ng mga kandidato ang PKP. Ngunit dahil sa panggigipit ng mga alagad ng Amerika at pamahalaan, tulad ng mga reyd sa headquarters at aresto ng mga kasapi ng PKP, hindi nagtagumpay ang mga kandidato. Katunayan, noong bisperas ng 1931 eleksyon, ang isang pampublikong pulong ng KAP ay ni-reyd ng mga pulis at Constabulary. may mga 300 manggagawa at magsasaka ang hinuli. Dalawampu’t pito sa mga hinuli ay kinasuhan sa Manila Court of First Instance (CFI) ng subersyon at iligal na asosasyon, kasama si Evangelista. Noong Sept. 14, 1931, idineklara ng lokal na korte sa Maynila – ng CFI – na ilegal na asosasyon ang PKP at sabay hinatulan ng sedisyon. Ang hatol ng CFI ay inapela ng PKP sa Korte Suprema ng Pilipinas.

Panggigipit ng estado sa legal na PKP

At sa isang desisyon na sinasabing “kasimbilis ng kabayo” noong Oktubre 26, 1932, pinagtibay kaagad ng Korte Suprema ng Pilipinas ang desisyon ng CFI na ideklarang iligal ang PKP at mga organisasyong ka-alyado nito, tulad ng KAP at KPMP. Bilang parusa sa pamumuno ni Evangelista sa “iligal” na organisasyon at sedisyon, ikinulong siya ng isang taon sa Bilibid, Muntinlupa at pagkatapos ay ipinatapon sa Baguio, Mountain Province. Sinamahan siya doon ng anak niyang si Luningning (Noni) Evangelista at ni Purificacion (Puri) Abreau. Ang iba pang lider ng PKP ay ipinatapon rin sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.

Matinding minanmanan ng kolonyal na pamahalaan ng Estados Unidos at pulis ang mga aktibidad ng PKP. Sa makalawang-linggong ulat ng Intelligence Report No. 250-35 mula Nob. 1, 1930 hanggang Nob. 15, 1930, iniulat na: sa isang pulong kung saan sina Catalino Monroy, Crisanto Evangelista at Jacinto Manahan ang tagapagsalita, sinabi na: “ Inanunsyo ni Crisanto Evangelista ang mga layunin ng Partido Komunista sa mga nanonood. Isa sa mga nabanggit na layunin ay upang ipagtanggol ang mga manggagawa sa pagsalakay sa kanilang karapatan, partikular sa mga yaong matagal nang inaapi. Ang isa pang layunin ay para tulungan ang mga walang trabaho at bigyan sila ng naaayong ayuda….Ang pulong ay nagtapos nang 11:15 ng gabi, Peb. 2, 1931. Dinaluhan ito ng may mga 500 katao. Walang anuman gulo ang naganap.”
(Intelligence Report submitted to USN Rear Admiral E.S. Fernes)

Sa artikulo ng New York Times, Marso 30, 1930, na may pamagat na “Karahasan Gamit ang Konstabularyo” (Violence Using the Constabulary), inilahad kung paano ginigipit ang mga militanteng unyon ng manggagawa ng kanilang batayang karapatan sa kalayaang makibahagi sa samahan, batayang kalayaang sibil, tulad ng pagtutol ng otoridad sa pagbigay ng permit para sa mga pampublikong pulong, ang paggamit ng konstabularyo at armadong galamay ng mga panginoong may-lupa at kapitalista upang gapiin ang mga magsasaka at manggagawa na sumali sa mga organisasyong nais nilang sapian.

Sa declassified Memo # 0395, inihanda ni Lt. Commander F.K. Liberon ng U.S. Navy para kay USN Rear Admiral E.S. Fernes, ay isang intelligence repsort “Re: Labor meetings of KAP Communists at 709 Int. Velasquez, Plaza Calle, Moriones on Feb. 2, 1931.” Ang ulat ng Philippine Constabulary’s Secret Service Division, sa declassified report petsa Feb. 1, 1931, pagkatapos manmanan ang mga tenants sa nasabing lugar sa isang “civil disturbance,” napansin na, “ilang ahente ng komunista ang nagpalala ng sitwasyon.”

Pagtatag ng Partido Sosyalista ng Pilipinas

Ang paghina ng PKP, KAP, at KPMP dahil sa pagbansag sa kanilang “iligal” ay pinunuan sa kanayunan ng Gitnang Luzon ng pagtatag ng Partido Sosyalista ng Pilipinas (PSP) o Socialist Party of the Philippines (SPP) noong 1932. Ang PSP ay pinamunuan ni Pedro Abad Santos o “Don Perico”, dating kinatawan ng Pampanga na mula sa mayamang pamilya, naging abogado at tagapagtanggol ng mga mahihirap. (D. Simbulan, 2018) Ang kanyang opisina sa kanilang bahay-ninuno sa San Fernando, Pampanga, kasama ang limang tauhan, ay madalas umaapaw sa mga magsasakang humahanap ng remedyong legal.

Si Pedro Abad Santos ay payat ang pangangatawan, parang halo ni Leon Trotsky at Ho Chi Minh sa itsura, “matangkad, payat at mapagpakasakit.” (tall, thin and ascetic). Ngunit para sa mga nakakilala sa kanya, si Abad Santos ay mapusok at pala-away, na may tendensiyang “labanan ang apoy sa apoy”. Sa panayam ng may-akda kay Luis Taruc, naalala ng huli na inudyokan ni Don Perico ang mga mahihirap na magsasaka na “sunugin ang mga kabyawan ng asukal, tahakang pag-agaw sa mga lupain ng simbahan at lahat ng mga pribadong plantasyon.”

May pagkakataon na, dahil sa pagkadismaya sa mga hukom na bayaran ng mga abusadong panginoong maylupa, pinayuhan ni Abad Santos ang kanyang mga kliyenteng magsasaka na patayin ang kanilang mapang-aping panginoong may-lupa para maipagtanggol niya sila.

Si Abad Santos ang gumabay at nagpaunlad sa kamulatan ni Luis Taruc, na noon ay batang lider magsasaka at mahusay magtalumpati. Kasama si Taruc bilang kanang kamay ni Don Perico, noong inorganisa niya ang PSP/Socialist Party of the Philippines. Ang PSP/SPP ay isang buhaghag na organisasyon ng mga magsasaka na ang kalakhang ay mga pinuno ng baryo. Ganunpaman, napangunahan ng SPP ang mga welga ng mga manggagawang bukid noong kalagitnaan ng dekada 1930s nang gawing iligal ang PKP, tulad ng welga sa PASUDECO na nagtagal ng dalawang linggo at sa Arayat Sugar Central na nagtagal ng isang linggo at malaon ay nagsara na nang permanente. Noong 1940, makukuha sana ni Pedro Abad Santos ang pagka-gobernor ng Pampanga, ngunit 50% ng kanyang mga taga-suporta ay diskwalipikado dahil sa sila ay di marunong bumasa’t sumulat.

Nagkakaisang prente laban sa pasismo

Bagaman idineklarang iligal ang PKP at ang pamunuan ay inaresto at itinapon sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas, nakuha pa rin nito impuwensyahan ang mga unyon na magwelga, tulad ng sa pabrika ng sigarilyong Minerva noong 1934.(Kerkvliet, 1992) Nagpatuloy kumilos ang mga miyembro ng PKP sa mga unyon para sa kapakanan ng karapatan ng mga manggagawa at ikabubuti ng kanilang buhay.

Sa intelligence report ng U.S. Department of State Office of Intelligence Research na may pamagat na “Hukbalahaps”, napuna nito na “ sa mga taong 1932 hanggang 1938, tinuon ang mga galaw ng PKP sa patagong pagkilos pagkatapos bansagan ng Korte Suprema na iligal ang Partido Komunista dahil sa pag-uudyok ng sedisyon at rebelyon.” (OIR Report No. 5209, Sept. 27, 1950. Confidential)

Noong Disyembre 1936, sina Evangelista at iba pang lider ng PKP ay pinatawad at pinalaya ni Commonwealth President Manuel L. Quezon sa bisa ng “executive clemency” matapos siyang kausapin ng dumalaw na sosyalistang Amerikanong na si James Allen.(Allen, 1985) Sa sumunod na taon, dahil sa panawagan mula dito at sa ibang bansa ng grupong Popular Front kontra sa banta ng pasismo, naging legal muli ang PKP at ang mga nakulong at ang mga nagtagong kasapi ay lumantad na.

Lumala ang kalagayang pangkalusugan ni Evangelista dahil sa tuberculosis (TB) sa pagkaka-distiyero (exile) sa Baguio. Pagkalaya, pinayagan siya ni President Quezon na maghanap ng lunas-medikal sa Rusya.

Mabilis na tumindi ang Pasismo na mismong ang Estados Unidos at si President Quezon ang nagsulong ng nagkakaisang hanay mula sa iba’t ibang grupo at sektor ng lipunan upang labanan ito. Sa panahong ito nakipag negosasyon si Evangelista kay Presidente Quezon ukol sa panlipunang pangkapayapaan (“social peace”). Di nagtagal, naglunsad rin ng programang panlipunan ang pamahalaang Commonwealth sa harap ng lumalalang krisis pang ekonomiya na likha ng malalang krisis na “Great Depression” sa Estados Unidos.

Ang kalagayan noon ay hinog na upang buoin ang alyansa ng magsasaka at manggagawa. Sa larangan ng pang-edukasyon, ang Socialist Party of the Philippines at ang mga kasapi ng pangmasang organisasyon nito, ang Aguman ding Maldang Tagapagobra (AMT) ay hindi ginalaw noong pinahuli ang mga taga-PKP. Nanatili itong ligal at aktibo bilang isang partido ng magbubukid, mas lalo na sa mga lalawigan sa Central Luzon.

Ayon kay Taruc sa panayam niya sa may-akda, laging sinasamahan ni Taruc si Pedro Abad Santos sa tuwing makipagkita kay Evangelista at naalala pa niya ang kanilang unang pagtatagpo noong 1934 bilang bisita ni Evangelista na ipinatapon ng estado sa Baguio. Yamang sina Evangelista at Pedro Abad Santos ay parehong nahuhumaling sa kanilang matapat na hangaring iangat ang buhay ng mahihirap, madali silang nagkasundo at nag-klik sa isa’t isa. Sa pamamagitan ng kanilang pampulitikang pagkakaibigan, pinangarap nila ang pagsasanib ng PKP at ng SPP na magpopormalisa ng kaisahan ng manggagawa at magsasaka sa Pilipinas. Ito rin ang iminungkahi ng pinuno ng Comintern o Communist International na si Georgi Dimitroff, bilang pagbahagi sa Popular Front Laban sa Pasismo.

Marahil, ang kaibahan ng kanilang pananaw ay sa PKP, kailangang magkaroon ng proletaryadong kaisipan ang mga manggagawa upang maging taliba (vanguard). Habang ang SPP ay naniniwalang ang magsasaka ang nangungunang pwersa dahil sila ang nakararami sa lipunan at lalong higit dahil sila ang “nagpapakain” sa bansa at tayo ay umaasa sa kanila para sa pagkain sa ating hapag kainan. Gayundin, ang pagsasanib ng PKP at SPP ay napapanahon para sa pangangailangan ng pakikibaka ng United Front sa bansa at sa ibang dagat laban sa pasismo.

PKP-SPP merger

Noong Nobyembre 7,1938, nagsanib ang PKP at SPP sa ilalim ng opisyal na pangalang Communist Party of the Philippines o PKP. Nahalal si Evangelista (mula PKP) bilang national chairman, si Pedro Abad Santos (mula SPP) bilang vice chairman, at si Guillermo Capadocia bilang secretary general. Ang makasaysayang kaganapan ay itinaon sa anibersaryo ng Russian Bolshevik Revolution. Ang pagpupulong para sa pag-iisa ng CPP (karamiha’y manggagawa) at ng SPP (karamiha’y magsasaka) ay ginanap sa Manila Grand Opera House, sa Sta. Cruz, Manila. Sa liham kay Capadocia petsa Enero 22, 1939 mula sa ospital sa Rusya, sinulat ni Evangelista: “Dapat gampanan ng uring manggagawa at magsasaka ang dakilang papel sa pakikibakang ito na inihahapag sa kanila ng kasaysayan.”

Noong 1939, bisperas ng Pangalawang Gerang Pandaigdigan (World War 2), ipinamulat ni Evangelista: “Nais kong idiin ang ating malaking katungkulan na dapat ipakita sa araw araw na gawain ang pakikipag-kapitbisig sa mga dakilang mamamayan ng Tsina, Espanya, Unyon Sobyet, at iba pang demokratikong mamamayan.” Sa sulat ding ito kay Capadocia, kinilala ni Evangelista ang papel ng manggagawang kababaihan para sa pambansang kalayaan at pagkakapantay sa lipunan. Ipinayo niya, “Natatanging atensyon ang dapat ibigay sa suliranin ng mga kababaihan at sa kanilang organisasyon upang mapagkaisa ang iba’t ibang organisasyong pang-kababaihan tungo sa tumpak na programa para sa kanilang interes at upang magampanan nila ang mas malaking papel sa pambansang demokratikong prente.”

Noon pang itinatag ni Evangelista ang Katipunan ng mga Anakpawis (KAP), hinikayat na ni Evangelista ang pagtatag rin ng Liga ng Kababaihang Anakpawis sa Meycauayan kung saan naging lider si Purificacion Abreau na naging pangmatagalang kawani ni Evangelista.

Idinaos ang ika-4 na kombensyon ng PKP sa Maynila noong Nobyembre 1940. Iniulat ng Partido ang hinggil sa paghahanda sa bago nitong gawain para sa nagkakaisang prente sa nagbabdyang gera laban sa pasismo. Inulat rin sa kombensyon na 11 maka-PKP na kandidato ay naihalal na alkalde, bukod sa maraming konsehal. Dagdag pa ang ulat hinggil sa paghahanda sa natatanaw na gera sa Asya.

Pag-atake ng Hapon

Inatake ng hukbo ng imperyong Hapon ang Pilipinas noong Disyembre 1941. Ngunit Oktubre 1941 pa lamang, nagdesisyon na si Evangelista at ang PKP na mag-organisa ng armadong pakikibaka upang paghandaan ang paglusob ng Hapon. Noong huling bahagi ng Disyembre 1941, nagpatawak ang liderato ng PKP ng agarang komperensya. Ito ay pagkatapos ng mga unang pag-atake ng Hapon, partikular sa Maynila, Baguio at Davao at sa mga instalasyong militar. Agarang pininal ng PKP ang 12 Patnubay kung saan ang pangunahing panawagan ay, “Pambansang Pagkakaisa Para sa Nagkakaisang Prente Laban sa Hapon.” (Richardson, 2011)

Kulang-kulang tatlong linggo pagka-okupa ng Hapon sa Manila, sinundo ni Guillermo Capadocia si Evangelista sa kanyang pinagtataguang lugar para lihim na makipagpulong kay Pedro Abad Santos sa Manila. Ang naturang pulong ay para ipinal ang borador ng konstitusyon ng Anti-Japanese People’s Democratic Government.

Paghuli at pagpatay

Noong Enero 25, 1942, ni-raid ng KempeiTai (secret police) ng Hapon ang isang bahay sa Calle Remedios, Paco, Manila at dito ay inaresto sa bahay si Evangelista. Batay sa panayam kay Taruc, ang pag-aresto ay naganap sa lumang bahay ng mga Abad Santos sa Ermita, Manila.(Taruc, panayam: 1997) Kasama niyang naaresto ang ilan pang lider ng PKP na sina Pedro Abad Santos, Agapito del Rosario, Quirino Abad Santos, Salvador Abad Santos, Angel Ancahas, Juan Nabong at Guillermo Capadocia. (PKP Historical Commission,1996)

Ang pagmamatyag at pag-aresto sa Manila ng mga lider ng PKP ay ginawa ng KempeiTai na pinamunuan noon ni Lt. Col. Ohta Seichi. Si Guillermo Capadocia ay pinakawalan ng Hapon upang kausapin ang mga nalalabing lider ng PKP na sumuko at sumanib sa Imperyong Hapon. Kung hindi papayag ang PKP, papatayin ang mga ibang naaresto nang liderato nila. Tinangka subalit nabigo ang mga mananalakay na Hapon na gamitin si Evangelista na negosyador laban sa bagong tatag na Hukbalahap. Tinangka rin nilang ialok at bigyan ng pusisyon sa papet na pamahalaan si Evangelista kapalit ng kanyang kamatayan. Nang tanggihan ni Evangelista ang alok, siya ay dinala sa Fort Santiago ng KempeiTai, ang serbisyong pang-espiya ng sandatahang hukbo ng Hapon.

Ang Fort Santiago noon ay ginawang headquarters ng kinatatakutang KempeiTai para sa interogasyon ng mga nahuling gerilya at kaaway ng imperyong Hapon. Ayon sa mga ilang mga nakaligtas at nakaranas ng tortyur sa Fort Santiago, “ang mga dungeon nito ay tila mas higit pa sa impyerno” : bukod sa hindi ka pinapakain, halos araw araw ay matitikman mo ang kalupitan tulad ng pagtanggal nila sa iyong kuko gamit ang kinakalawang na pliers, pamamalo ng mga sadistang guwardiya gamit ang pala at espadang samurai hanggang ikaw ay mawalan ng malay at magsusuka ng dugo. Ginamit ding uri ng torture ang waterboarding kung saan ikaw ay itatali at ipipilit ang hose sa iyong bunganga at itotodo ang tubig, pag-upo sa kinuryenteng balde na puno ng tubig, pagsunog sa iyong ari o pagsingit ng palito ng posporo sa ari ng lalaki at nakasinding sigarilyo sa ari ng babae. Isa ring porma ng tortyur ay ang pagsabit sa bihag na nakabaligtad at pagpasok nila ng mahabang alambre sa butas ng pwet ng iyong katawan, pagsusunog sa pubic hair at pagpilit sa mga bihag na pugutan ang ulo ng kapwa preso. (Scott,J. 2018)

Pinahirapan si Evangelista at ang kanyang mga kasamang hinuli ng KempeiTai habang nasa Fort Santiago para matukoy ang organisasyon ng PKP at ang pinagtataguan ng kanilang mga kasama. Pinahirapan si Evangelista hanggang mamatay noong Hunyo 10, 1942 sa Fort Santiago sa edad na 53. Ang kanyang labi ay hindi na natagpuan.

Ano naman ang sinapit ni Pedro Abad Santos o Ka Pas, ikalawang tagapangulo ng PKP? Dahil sa kanyang katandaan at lumulubhang kalusugan sanhi ng sakit sa sikmura at panlalabo ng mga mata, pinalaya siya ang mga Hapon sa pakiusap ng isang malapit na kaibigan, ang pangulo ng papet na gobyerno ng mga Hapon na si Jose P. Laurel. Ito ay sa kundisyung mananatili siyang arestado sa tahanan ng kanyang pamangkin na noo’y hukom na si Judge Estrella Abad Santos. Di kalaunan, si Don Perico (Abad Santos) ay nakakita ng pagkakataong magtungo sa Pampanga at manatili sa tahanan ng mga Manansala (kapamilya ng kilalang pintor na si Vicente Manansala ), sa Minalin. Siya ay namatay dulot ng malubhang sakit sa sikmura at kumplikasyon sa bituka sa punong himpilan ng Huk sa Minalin, Pampanga noong Enero 15, 1945. (Taruc, panayam: 1997)

Sa kabila ng pagkahuli ng ilang liderato ng PKP sa Maynila, inilunsad ng Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon (HUKBALAHAP) ang digmaang gerilya laban sa Hapong mananakop sa buong Gitnang Luzon kung saan sila ay nagtayo ng mga malalayang base ng mamamayan. Mga miyembro ng PKP, KAP at SPP/AMT ang naging ubod na nagpalakas sa Hukbalahap hanggang sa katapusan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at pagsuko ng Hapon. (Maceda, 1997; Saulo, 1969; Simbulan, 2018)

Mga aral para sa kasalukuyan

Ang pag-iral ng pampulitikang partido ng uring manggagawang Filipino na nagbunsod ng kanilang pambansa at panlipunang kalayaan ang iniwang pamana ni Evangelista. Ang kanilang unyon ang naging daan sa paglikha ng rebolusyonaryong makauring kamulatan sa hanay ng mga manggagawa na siyang magbubuo ng partido ng anakpawis. Ang militanteng kilusang unyon ni Evangelista ang siya ring nagsilbing legal na puwersa sa pagpapatuloy ng kilusan para sa kalayaan ng Pilipinas laban sa pananakop ng Imperyong Amerikano.(Simbulan, R. 1998)

Marapat ang pampulitikang partidong ito ay matagumpay na ikumbina ang rebolusyonaryong teorya sa kongkretong praktika ng rebolusyong Pilipino. Dapat matutunan ng rebolusyonaryong partido ng mga manggagawa ang mga aral ng iba pang rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanang Filipino, ganun din ang pinakasulong na teorya at praktika ng bansa. Dapat nitong armasan ng mga rebolusyonaryong teorya ang kanyang sarili upang magkaroon ng wastong makauring paninindigan at estilo sa pagkilos.

Ang napapanahong kabuluhan ni Crisanto Evangelista ay hindi nagmumula sa kanyang pansariling talambuhay, bagkus ito ay nagmumula sa kanyang panlipunan at pampulitikang kasaysayan. Sa kabila ng kanyang limitasyon sa organisasyon at ideolohiya itinatag niya ang disiplinadong pampulitikang partido ng mga manggagawa at magsasaka na pangunahing instrumento at pinakasulong na destakamento ng Pilipinong Anakpawis. Nabuo sa kanyang isipan na ang uring manggagawang Filipino ay nangangailangan ng kanilang sariling partido na inarmasan ng mapanlabang teorya na gagabay sa kanilang pakikibaka upang makamit ang ginhawa ng buhay at maayos na lipunan.

Sa pamumuno sa mga unyon at partido ng uring anakpawis, si Evangelista — sa kabila ng kanyang kakapusan sa edukasyon – ay nagsikap na paunlarin ang malawak na organisasyong masa ng organisadong mga manggagawa at magsasaka sa buong kapuluan. Nagdulot ito ng takot sa mga dayuhan at lokal na mga nagsasamantalang uri, na ginamit ang kanlang buong kapangyarihan at lakas ng estado, maging ang mga legal na ahensya nito, upang ipagbawal ang PKP sa maagang yugo ng pagkakatatag at gapiin ang kanyang rebolusyonaryong pag-unlad.

Ang anumang partido o panlipunang kilusan ay marapat na maging bukas at masigasig na iwasto ang kanilang mga kamalian sa nakaraan. Ang kakayanang matuto sa nakaraan ay ang pinakadakilang kalakasan ng isang panlipunang kilusan para sa pambansa at panlipunang kalayaan, upang sumulong pa nang mas malakas sa hinaharap. Nanguna si Evangelista sa paggamit ng teoryang Marxismo-Leninismo para tasahin ang kongkretong kalagayan ng Pilipinas at bilang armas sa pagpapalaya ng uring manggagawang Filipino.

Noong bagong-bago pa lamang ang PKP, pinag-aralan ni Evangelista ang mga mahahalagang babasahin ng sosyalismo at sa pagbubuo ng partido ng anakpawis ng mga manggagawa at magsasaka upang magsilbing instrumento sa matalas na pagsusuri at militansiya. Isa siyang tunay na lider at tagapagsalita ng Filipinong masang anakpawis.

Hindi lamang ito isang simpleng larawan ni Evangelista, kundi testamento rin ng kanyang mga pangarap at hangaring magtatag ng isang kapangyarihang para sa kabutihan ng daigdig, taglay ang kaisipan na ang buhay ng sangkatauhan ay produkto ng kanyang kondisyon sa lipunan, pulitika at ekonomiya.

Ang mga ambag ni Crisanto Evangelista sa Kilusang Paggawa sa bansa ay lubhang malaki at tumatak sa progresibong kilusan sa buong bansa. Sa kolonyal na panahon ng Amerikano sa Pilipinas, ang mga unyon ng manggagawa at samahang magsasaka ay nagpatuloy sa pagbabandila ng makabayang aspirasyon ng Katipunan at ng dinurog na Unang Republika ng Pilipinas. Kalayaang inagaw ng kolonyalismong Amerikano na hinamon ng bagong-siglang kilusang anakpawis na sa pamumuno ni Evangelista ay ikinawing sa pakikibaka para sa hustisyang panlipunan. Ito ring mga puwersa ng masa ang naging ubod at bulto ng Hukbo Laban sa Hapon (Hukbalahap) na humarang sa epektibong pananakop ng Hapon sa maraming bahagi ng Pilipinas. Sa kauna-unahang pagkakataon, binigyan ni Evangelista ang kanyang uri – ang uring manggawa – ng makapangyarihang sandata, ang kanilang sariling partido na tumatangkilik sa pambansang kalayaan at para sa panlipunang katarungan.

Mahalagang humalaw ng mga aral mula sa mga paksa ng buhay at karanasan sa pulitika. Tulad ng pagbibigay-diin ng guro ng kasaysayan na si Renato Constantino, tungkulin ng mga iskolar na gamitin ang mga aral ng nakalipas para sa kasalukuyan at sa hinaharap.

——————————————————————————————————————

Bibliograpiya:

Allen, James S. (1985) The Radical Left on the Eve of the War: A Political Memoir. Quezon City: Foundation for Nationalist Studies.

Constantino, Renato. (1975) The Philippine: A Past Revisited. (Pre-Spanish-1941) Vol. 1.

Corpuz, Onofre D.(1995) An Economic History of the Philippines. Quezon City: University of the Philippines Press.

Dalisay, Jose Y. Jr. (1999) The Lavas: A Filipino Family. Pasig City: Anvil Publishing.

Doeppers, Daniel F. (1984) Social Change in a Late Colonial Metropolis, Manila 1900-1901.

Doeppers, Daniel F. (1986) Philippine Labor Periodicals, Newspapers and Pamphlets, 1900-1941: An Annotated International Union List. Madison, Wisconsin: Center for Southeast Asian Studies, University of Wisconsin.

Ecumenical Institute for Labor Education and Research (2002) Manggagawa: Noon at Ngayon. Quezon City: EILER. Ikalawang edisyon.

Evangelista, Crisanto ( n.d. ) Koleksyon ng mga isinulat ni Crisanto Evangelista. Hindi pa inilathala at isinulat sa makinilya. Kopya sa aklatan EILER.

Guevara, Dante (1991) History of the Philippine Labor Movement. Manila: Institute of Labor and Industrial Relations, Polytechnic University of the Philippines (PUP).

Guevara, Dante G. (1995) Manggagawa: Sa Kasaysayan. Manila: Institute of Labor and Industrial Relations, PUP.

Guevara, Dante G. (1992) Unyonismo sa Pilipinas. Manila: 1992.

Guevara, Dante G. (1995) Magsasaka sa Pilipinas. Manila.

Harper, Tim (2021) Underground Asia: Global Revolutionaries and the Assault on Empire. Boston: Harvard University Press.

Jose, Vivencio R. (1981) “Workers’ Response to Early American Rule, 1900-1935” in Philippine Social Sciences and Humanities Review. v. 45 (1-4) Jan.-Dec. 1981. pp. 285-307.

Kerkvliet, Melinda Tria (1992) Manila Workers’ Unions, 1900-1950. Quezon City: New Day Publishers.

Maceda, Teresita G. (1997) Mga Tinig Mula sa Ibaba: Ang Kasaysayan ng Partido Komunista ng Pilipinas at Partido Sosyalista ng Pilipinas sa Awit, 1930-1945. Quezon City: U.P. Press.

PKP Historical Commission (1996) Communism in the Philippines: The PKP, Book 1. MetroManila: PKP. Inilathala bilang opisyal na kasaysayan ng PKP-1930.

Richardson, Jim ( 2011) Komunista: The Genesis of the Philippine Communist Party 1902-1935. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.

Saulo, Alfredo (1969) Communism in the Philippines, An Introduction. Manila: Ateneo Publications Office.

Scott, James M. (2018). Rampage – McArthur, Yamashita and the Battle of Manila. (New York: W.W. Norton and Co.

Scott, William Henry (1992) The Union Obrera Democratica: First Filipino Labor Union. Quezon City: New Day Publishers.

Simbulan, Dante C. (2018) When the Rains Come, Will Not the Grass Grow Again? The Socialist Movement in the Philippines: 1920-1960. Quezon City: Pantas Publishing, Inc.

Simbulan, Roland G. (1998) Si Crisanto Evangelista at ang Kilusang Anakpawis sa Maynila.
Manila Studies Program Monograph Series, College of Arts and Sciences, U.P. Manila.

Mga Panayam:

Taos-pusong nagpapasalamat ang may-akda sa mga sumusunod na nakapanayam niya dahil sa kanilang personal na kaalaman nila ukol kay Crisanto Evangelista:

1. Panayam kay Ka Chabeng sa Meycauayan Bulacan (Oct. 4, 1988).
2. Panayam kay Ka Luis Taruc (1997) kanang kamay ni Pedro Abad Santos, dating pinuno ng Aguman ding Maldang Tagapagobra (Association of Poor Workers) at dating Punong Kumander (Commander-in-Chief) ng Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon(Hukbalahap); Nakapanayam ng may-akda noong Abril 19 at 21, 1997 sa tanggapan ng HukVets sa Kalayaan Ave., Quezon City.
3. Panayam kay Gng. Lualhati Abreau (2009) anak ng malapit na kaibigan at naging kawani ni Crisanto Evangelista na si Purificacion Abreau o Ka Puri mula pa ng pagkabata. Panayam ay limang beses ginanap sa Quezon City noong March-May 2009 sa U.P. Diliman campus.
4. Panayam online kay Jordy Evangelista (2018), apo sa tuhod ni Crisanto Evangelista. October 14, 2018. Si Jordy ay may Facebook page na handog kay “Crisanto Evangelista”.
5. Panayam sa internet kay Dr. Jim Richardson, Sept. 7, 2021 at Sept. 25, 2021. Si Richardson ang may-akda ng aklat, Komunista: The Genesis of the Philippine Communist Party, 1902-1935 na inilathala ng Ateneo de Manila University Press noong 2011.

Ukol sa May-akda

Si Professor Roland G. Simbulan ay 38 taon nang nagtuturo sa Unibersidad ng Pilipinas. Siya ay may-akda ng walong aklat ukol sa pambansang soberanya, U.S. military bases, Philippine Foreign Policy at Philippine-U.S. Relations. Kasalukuyan siyang Vice Chair ng Board of Directors ng Center for People’s Empowerment in Governance (CenPeg). Sinisikap niyang matapos ang isang komprehensibong talambuhay ni Crisanto Evangelista na balak niyang ilathala bilang isang aklat.

Share This Post